Mayo 10, 2012. 5:03 ng madaling-araw.
 
Sa mga oras na ito, animo’y lumulutang pa sa mga panganorin at mahimbing pang naiidlip sa kanilang kwarto ang tatlo kong kasamahan na silang mga naging karamay ko sa halos dalawang-linggong paglalakbay sa lalawigang ito.
 
Maaga akong bumangon sapagkat nararamdaman ko na ang unti-unting pagkaubos ng dugo sa aking mga binti buhat sa kagat ng mga lamok na tila’y nagdaraos ng isang malaking piging sa iba’t ibang bahagi ng aking katawan. Hindi ako nakakain ng hapunan kagabi kung kaya’t hinahanap na ng aking kaluluwa ngayon ang isang pinggang kanin at isang mangkok ng masarap na kare-kare. Ngayon namin lilisanin ang Cavite upang tumungo pabalik sa kalunsuran. Hindi ko mawari kung naging mabagal ba o matulin ang pagtakbo ng oras dito subalit mamaya-maya, tinitiyak ko na magigising na lamang ang aking diwa at muling babalik sa ulirat kasabay ng pagsabing, “Nasa Las Piñas na nga ako.”
 
Noong sandaling nabatid nang ilan sa aking mga kaibigan na ako ay tutungo sa probinsya, ang una nilang naramdaman ay pagkasabik, kung hindi man ay pagkainggit, sapagkat sa kanilang pakiwari, ang pansamantalang pag-alis sa magulong mundo ng lungsod ay kasingkahulugan ng salitang “pagbabakasyon.” At sa kaabalahan na dulot ng mga nagdaang buwan para sa amin, ang pagbabakasyon ay tila isang kaganapan na hindi muna mangyayari sa mga panahong ito. Subalit hindi nila alam na higit pa sa pagbabakasyon ang aking gagawin; na sa bawat galaw at kilos ko, hindi makakaila na isa akong mag-aaral ng Agham Pampulitika na kailangang lawakan ang pag-iisip at unawain ang mga bagay-bagay sa iba’t ibang perspektibo upang masuri ng malaliman ang bawat isyu na kinakaharap ng pamayanang aking pupuntahan; at ang mapanuring pagsisiyasat sa lipunang aking ginagalawan ay higit pa sa pagbili ng pasalubong para sa mga minamahal o hindi kaya’y sa pagtapak sa isang bagong lupain na animo’y isang dumarayong turista na kabiglaan na lang lumitaw sa isang lugar na ngayon niya pa lamang napuntahan.
 
Apat kaming tumungo sa lalawigan ng Cavite. Dinala kami ng aming mga paa sa mga luntiang kaparangan, sa isang pamayanang nasa tabing-ilog at sa mga daluyong ng karagatan. Tatlong bayan. Apat na barangay. Dalawang sitio. Kasama ang aming giya sa paglalakbay na ito, sama-sama naming inalam ang kalagayan ng mga batayang sektor ng lipunan na aming tinungo sa nakalipas na dalawang linggo.
 
Sa Ibabaw ng Lupang Pinatag: Ang Usapin ng Land Conversion sa Brgy Adlas, Silang Cavite [Abril 27-29, 2012]
 
Ang paglalakad sa ilalim ng araw mula sa kalagitnaan ng umaga hanggang sa pagwawakas ng dapithapon ay kailangang suungin upang madalumat ang katotohanan.
 
Maituturing nang isang tinik sa lalamunan ng mga magsasaka sa Brgy Adlas, Silang, Cavite ang presensya ng Moldex Realty Developers Corporation (Moldex) sa kanilang lugar. Isang kumpanya na kilala sa pagpapatayo ng mga subdivision at pamayanang residensyal, ang Moldex ay minsan ng humiling ng conversion order sa Munisipyo ng Silang noong 1992 upang mapagtatagan ng subdivision ang mga lupa na sinasaka ng mga magsasaka sa Brgy Adlas. Mayaman ang mga lupain ng Adlas sa mga tanim kagaya ng kape, pinya, palay at iba pa kung kaya’t sa kadahilanang ito ipinaglaban ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa na siyang naging sanhi upang matatag ang isang samahan, ang Adlas-Biga-Biluso – Samahan ng mga Magbubukid sa Silang (ABB-SMS). Subalit ang Moldex ay gumamit ng dahas at puwersa upang magkintal ng takot at pangamba sa mga magsasakang lumalaban o nais lumaban sa kanilang mga kagustuhan. Kung kaya’t sa pagdatal ng panahon, maraming puno ang nabuwal at ekta-ektaryang lupain ang napatag dahil sa pagnanais ng Moldex na masakatuparan ang mga pansarili nitong tunguhin.
 
Sa aming pakikipagpanayam sa ilang mga magsasaka na naging biktima ng pangangamkam ng lupa ng Moldex, napagtanto na ang ilan sa kanila ay nawawalan na ng lakas upang ipagpatuloy ang nasimulang laban. Upang lubos pang malaman ang tunay na saloobin ng mga magsasaka, isinagawa ang isang Pulong Masa noong Abril 29, 2012 sa Tanggapang Barangay ng Adlas. Bukod sa aming paglalahad ng mga datos na nakalap mula sa mga panayam, naging kabahagi rin ng palatuntunan si Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis Party-list na naging punong tagapagsalita ng nasabing pulong at siyang naghikayat sa mga magsasaka na magkaroon ng sariling organisadong lakas sa pakikipaglaban para sa kanilang tunay na karapatan. Ito ay binigyang-tugon ni Konsehal Allan Cabral ng Brgy Biluso na naghimok sa iba niyang kasamahan na ituloy ang pakikipaglaban at patatagin ang sariling paninindigan. Kanya ring binigyang-diin na huwag isandig ng lubos ang mga sarili sa dumarayong mga estudyante at mga NGO o PO sapagkat ang pakikipaglaban ay dapat magmula sa kanilang mga sariling paninidigan at pangunguna.
 
Sa Tabi ng Ilog at Kapahamakan: Ang Usapin ng Demolisyon sa Sitio Riverside at Baguio Heights, Brgy Adlas, Silang, Cavite [Abril 29 – Mayo 4, 2012]
 
Kung pagbabatayan ang aming mga naging panayam sa 32 residente ng Sitio Riverside at 31 residente ng Sitio Baguio Heights, mahihinuha na ang karamihan sa kanila ay naniniwala na ang nakaambang demolisyon sa kanilang lugar ay hindi na matutuloy. Bagamat ang laganap na paniniwala ay ganoon, hindi maisasantabi ang ordinansa ng munisipyo na nagbibilang sa Riverside at BaguioHeights bilang isang danger zone o mapanganib na lugar. Sa pagiging danger zone ng mga nasabing komunidad, masasabi na ang kaso ng demolisyon sa Riverside at BaguioHeights ay hindi pa tuluyang nagwawakas.
 
Ang Riverside ay isang sitio sa Brgy Ad;as, Silang, Cavite na ang pangalan ay hinango sa isang katawagang Ingles na nangangahulugang “tabing-ilog.” Mga ilang metro lamang ang layo, ang sitio ng Baguio Heights, sa kabilang banda, ay karatig-pook ng Sitio Riverside na naging tahanan na para sa humigit-kumulang na 200 pamilya sa loob ng halos dalawampung taon. Itinuturing ang mga sitio ng Riverside at BaguioHeights bilang isang danger zone dahil ang mga ito ay malapit sa mga buhay na kawad ng kuryente ng National Power Corporation (NAPOCOR). Gayunpaman, hindi alintana ng mga residente roon ang mga panganib na dulot nito maging ang mga negtaibong bunga nito sa kanilang kalusugan datapwat batid nila na anumang oras, maaari silang mapaalis sa lugar na naging kanlungan na nila sa loob ng maraming taon.
 
Upang mapabatid sa mga residente ang aming mga natamong datos buhat sa mga panayam at masusing matalakay ang mga batas hinggil sa pabahay kagaya ng Urban Development and Housing Act of 1992 (UDHA), kami ay nagplano na maglunsad ng isang Pulong Masa. Ngunit mula sa aming mga panayam, mababatid na ang karamihan sa mga residente sa Sitio Riverside ay tanggap na ang kanilang abang kapalaran kung sakaling sila ay mapapaalis sa lupang kanilang kinatitirikan. May mga nakahandang balak na rin ang mga taong aming nakapanayam sa sandaling matuloy ang demolisyon kagaya ng paglipat sa nakatakdang relocation site, pagbalik sa dating probinsya, pangungupahan at pagtira sa kamag-anak na nasa ibang bayan. Ang digmaan ay hindi pa nagsisimula ngunit tila iwinasiwas na ng mga residente roon ang puting bandana at lumagi na sa bingit ng pagsuko. Gayunpaman, ang pagtitiwala sa masa ay lubhang kailangan sa mga oras na iyon kaya aming isinagawa ang Pulong Masa noong Mayo 3, 2012 sa basketball court ng Sitio Riverside.
 
Sa ganap na ika-3 ng hapon ang nakatakdang oras ng pulong ngunit wala pang dumaratal ni isang tao sa pook na paggaganapan ng pulong. Sa mga oras na pinanghihinaan na kami ng loob, inilaan namin ang aming natitirang oras sa Sitio Riverside sa pagkain ng masasarap na cassava chips at pagbubulay-bulay sa mga magaganap kinabukasan. Bukas, kami ay tutungo na sa isang panibagong bayan. Alas-kwatro na ng hapon at wala pa kaming nadaratnang tao o kahit kaluluwa man lang na naligaw sa basketball court. Mga ilang oras bago magsimula ang pulong, tiniyak namin ang pagdalo ng aming mga nakapanayam sa pamamagitan ng pagbibigay-alam sa kanila sa takdang-oras at mga paksain ng pulong. Sa pagdarapit-hapon, aming ikinagalak ang pagpapaunlak ng mga residente sa aming paanyaya. Pitumpu’t dalawang (72) residente ang tumungo sa pulong sa ganap na ika-5 ng hapon.
 
Sa hindi kalayunan, nakita ko si Ate Sharon Mallete, residente ng Sitio Riverside na isa sa aming mga nakapanayam. Kanya akong nilapitan, ang ngiti ay hindi pa rin napaparam sa kanyang mga labi kagaya ng una naming siyang makita, at sinabing “…Salamat at nagawi kayo rito sa amin dahil nalaman namin kung ano ang mga dapat naming gawin sa oras na maganap yung hindi namin gustong mangyari sa amin.” Hindi ko namalayan na nagtapos na ang takipsilim, at ang ang ilaw na lamang ng fluorescent lamp ang siyang nagbibigay ng liwanag sa court.
 
Sa Ibabaw ng mga Daluyong: Ang Usapin ng Kalagayan ng mga Mangingisda sa mga Bayan ng Naic at Tanza, Cavite [Mayo 4-9, 2012]
 
Naibulalas ng isa sa mga mangingisda na aming nakapanayam na walang benepisyong natatanggap ang mga mangingisda hindi katulad sa mga propesyonal at yaong mga nagtatrabaho sa mga tanggapan. Wala rin silang natatanggap na subsidiya na nakalaan sana sa pagpapaayos ng kanilang bangka o mga kagamitan sa pangingisda kagaya ng lambat at iba pa. Sa loob ng ilang dekada, inilaan na ng kalakhan sa mga kalalakihan sa Brgy Timalan Concepcion, Naic, Cavite ang kanilang buhay sa pangingisda o pamamalakaya. Ang karamihan sa kanila ay namamalakaya na sa loob ng humigit-kumulang na sampu hanggang animnapung taon. Wala nang iba pang ikinabubuhay ang mga mangingisda roon kung kaya’t nakasalalay sa pangingisda ang pinagkukunan ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
 
Sa barangay ng Timalan Concepcion ako unang nakatikim ng talaba at sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaligo sa pinagpipitaganang ManilaBay. Binubuo ng humigit-kumulang na 200 kabahayan, ang barangay ng Timalan Concepcion ay makikita sa gawing timog ng Barangay Timalan Balsahan, Naic, Cavite at dakong kanluran ng ManilaBay. Sa pangingisda nakasandig ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente roon.
 
Tangan-tangan ang lakas ng loob at tibay ng isipan, nilibot namin ang isang pamayanan na kailanman ay hindi pa namin nararating. Sa pagbagsak ng malakas na sigwa sa karagatan, kaagad naming napagtanto na tunay ngang wala kaming kakilala sa baryong iyon bukod sa aming mga sarili. Subalit kailangan naming makahanap ng matutuluyan para sa dalawang gabing pamamalagi namin doon na siya namang bingiyang-tugon ni Nanay Elena Maralan, isa sa mga residente ng barangay na siyang nagpatuloy sa amin sa kanyang maliit na bahay-kubo. Sa pagdating ng gabi, bumalik ang unos na sinamahan pa ng malalakas na bugso ng hangin. Ang mga pawid ay nanginig sa ginaw at ang mga nipa sa bubungan ay lumuha. Ang mga gabutil na patak ng ulan ay tumulo na sa loob ng kubo at ang pagdarasal na nawa’y huminto na ang unos upang makatulog na ng matiwasay ang lugami naming katawan ang tanging pumapasok sa aming isipan hanggang sa dinalaw na kami ng antok nang hindi namin namamalayan.
Madaling-araw ng kami’y bumangon at ang ulan ay tuluyan nang tumigil. Tumungo kami sa bulungan, isang merkado kung saan nagaganap ang pagbebenta ng mga nahuling isda sa pamamagitan ng sistemang auction, upang tunghayan ng personal ang sistema ng bentahan ng isda sa Naic, Cavite. Kinahapunan, tumungo na kami sa isang bagong barangay kung saan namin ipagpapatuloy ang aming panlipunang pagsisiyasat (social investigation) na aming gagawin. Ang Barangay Timalan Balsahan, na karatig-barangay ng Timalan Concepcion, ay maituturing din na isa sa mga coastal barangay sa munisipalidad ng Naic, Cavite. Kung ihahambing sa Timalan Concepcion, higit na kakaunti ang bilang ng munisipal na mga mangingisda sa Barangay Balsahan. Sa Tanggapang Barangay ng Timalan Balsahan namin pinalipas ang gabi bago kami  tumungo kinabukasan sa Barangay Calibuyo sa bayan ng Tanza, Cavite.
 
Ang Barangay Calibuyo ay maituturing na isa sa mga coastal barangay na matatagpuan sa munisipalidad ng Tanza, Cavite sapagkat ito ay tahanan para sa 148 na mangingisda at mamalakaya. Pangunahing ikinabubuhay ng mga residente roon ang pagsasaka at pangingisda kung kaya’t masasabi na agrikultura ang predominanteng industriya sa lugar. Sa Barangay Calibuyo ako unang nakatikim ng preskong pusit at hipon na maaaring kainin ang balat. Doon din namin ipinagpatuloy ang pakikipagpanayam sa mga mamalakaya.
 
Ang pakikipagpanayam sa mga mangingisda ay hindi naging madali. Bunga na rin ng mapapait na karanasan ng mga mangingisdang tagaroon sa mga mag-aaral buhat sa ibang kolehiyo o unibersidad na nagsasagawa ng pananaliksik at iba pang mga pang-akademikong gawain sa lugar kung kaya’t magkahalong takot at pangamba ang nararamdaman ng mga mamalakaya sa sandaling malaman nila na sila ay kapapanayamin. Sa mga panahong ganito ang nangyayari, kailangang ang pakikipagpanayam ay magmukhang pangkaraniwang pakikipagkwentuhan lamang ngunit nararapat na batid pa rin ng mamalakaya ang iyong pangalan, unibersidad kung saan kasalukuyang nag-aaral at ang layunin ng isinasagawang panayam. Kailangang maipabatid sa mga mamalakaya na hindi lamang sila katugon sa isang pananaliksik na ginagamit ng kung sinuman sa kanyang pansariling interes kung hindi sila ay kabahagi sa pagbuo ng kalutasan sa mga suliranin na mismong kinakaharap nila sa kasalukuyan.
 
 *******************************************

Ang pakikipamuhay sa masa sa loob ng dalawang lingo ay isang karanasan na hindi ganoon kadaling makaligtaan; yaong karanasan na hindi mapapantayan ng mga karanasan na nabuo sa loob ng mga tanggapan o opisina sapagkat may posibilidad na ang mga kaganapang ito sa buhay ng isang mag-aaral ay hindi na muling maulit pa. Maituturing nga bang isang paglisan sa nakasanayang programa ng Practicum sa mga mag-aaral ng Agham Pampulitika sa UP Manila ang pakikipamuhay sa mga batayang sektor ng lipunan? Kailanman, ang ganap na pagkatuto at pagsasabuhay sa mga napag-aralan sa silid-aralan ay hindi dapat mapangibabawan ng mga pansariling tunguhin. Higit pa sa pagtamo ng mga karanasan buhat sa mga institusyon at tanggapan na maaaring ihanay at ipaloob sa curriculum vitae ng isang nagtapos, ang Practicum ay nararapat lamang na maging lunduyan ng kaalaman at malalimang pagkatuto na siyang babaunin ng isang mag-aaral sa panahong lilisanin niya na ng tuluyan ang unibersidad.
 
Nagising na ang isa sa aking mga kasamahan at ngayong umaga, kanyang inulit ang sinabi niya sa akin kagabi. Ngayong umaga namin lilisanin ang Cavite, at masaya kong lilisanin ang lalawigang ito sapagkat sa nakaraang dalawang linggo, nakasama ko at aking nakausap ng personal ang mga magsasaka, ang mga maralitang tagalalawigan at mga mamalakaya.
 
Sapagkat ang kanilang buhay ay nararapat lamang sa isang matamang pag-aaral.

 

*Ang sanaysay na ito ay nailimbag sa Pulitika, ang opisyal na pahayagan ng University of the Philippines (UP) Political Science Society.

About these ads