Image

“Maraming kaganapan ang humulma sa mga nagdaang taon at ang ilan sa mga ito ay masasabing manipestasyon ng kasalukuyang sitwasyon ng sistema ng pampublikong kalusugan sa bansa.” (Kuha mula sa http://www.medobserver.com)

Kung pagbabatayan ang naging ugong ng mga balita noong katatapos lamang na taon, magiging kapansin-pansin na ilan sa mga pangyayaring lumikha ng matinding ingay ay yaong may kinalaman sa mga debate hinggil sa pagsasabatas ng isang panukalang-batas sa reproductive healthcare at insidente ng pananalasa ng mga natural na kalamidad kagaya ng bagyo. Kakawing nito ang isyu hinggil sa pagtuturo ng sex education sa mga mag-aaral na nasa elementarya at pagsasabatas ng Sin Tax Bill.
 
Maraming kaganapan ang humulma sa mga nagdaang taon at ang ilan sa mga ito ay masasabing manipestasyon ng kasalukuyang sitwasyon ng sistema ng pampublikong kalusugan sa bansa.
 
Mga Pagtutol, Pagkatuto
 
Sa loob at labas ng Kongreso, matamang binantayan ang mga kaganapan patungkol sa isa sa mga pinakapinag-usapang panukalang-batas noong nakaraang taon, ang House Bill 5043 na mas kilala sa katawagang “Reproductive Health Bill”(RH Bill). Mariing tinutulan ang nasabing panukalang-batas ng Simbahang Romano Katoliko sa pangunguna ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at ilan pang pinagpipitaganang lider-simbahan. Naging tampulan ng mga kontrobersiya ang RH Bill dahil sa kaliwa’t kanang mga talakayan sa pagitan ng mga pabor at hindi pabor sa panukalang-batas. Naging hati rin ang kuro-kuro ng sambayanan tungkol sa isyu.
 
Tampok sa dalawang kolum ni Prop. Michael Tan sa Philippine Daily Inquirer ang RH Bill (“Left, right, RH”; “Sex ed, Life ed”). Nais niyang mabigyang-linaw ang tunay na tindig ng Simbahan sa usaping ito. Batay sa ating mga nakikita, nababasa at naririnig, mahihinuha na hindi sang-ayon ang Simbahan sa family planning. Datapwat kung pag-aaralan ang ilang mga dokumento, halimbawa ay ang mga deklarasyon ng CBCP tungkol sa responsible parenthood at ang Katekismong Katoliko, masasabi na sila ay sumasang-ayon sa family planning hangga’t ito ay natural.
 
May argumentong binitawan ang Simbahan na nagsasabing dapat itaguyod ang katarungan at pagkakapantay-pantay sa pagbabahagi ng mga rekursong ekonomiko na, sa pakiwari ni Tan, ay hiniram mula sa ideolohiya ni Mao Zedong. Dahil sa simulaing ito, ang pagkontrol sa populasyon na siyang puso diumano ng RH Bill ay nararapat lamang na pag-ukulan ng pagtutol. Kabalintunaan man kung maituturing, ang mga iginagalang nating personalidad na siyang nagsasabing pahalagahan natin ang equality at equity ay yaon ding mga personalidad na nagtataguyod ng marangyang pamumuhay. Sa halip na magsagawa ng mga programang pangkabuhayan para sa mga pinakamahihirap upang maisabuhay ang ganitong katuruan na kanilang ipinalalaganap, nakahiligan nila ang pag-oorganisa ng mga misyong medikal na nagdudulot lamang ng panandaliang ginhawa sa mga taong nangangailangan ng isang pangmatagalang lunas.
 
Kung ang perspektibong gagamitin upang maunawaan ng taos ang panukalang-batas na ito ay hindi ganoong kadawag, masasabi na ang reproductive healthcare ay nasasaklob lamang sa family planning at condom. Ang saklaw ng RH ay hindi lamang nalilimita sa mga nabanggit. Ang RH Bill, na ngayon ay isa nang ganap na batas, ay maaaring makapagdulot ng samu’t saring kapakinabangan kung atin lamang babasahin ang tunay na nilalaman at uunawain ang totoong intensyon nito. 
 
Hindi rin nakaligtas sa puna ng mga kritiko ng RH Law ang isa sa mga probisyon sa batas na nagsasaad ng mandatory sex education sa mga batang nag-aaral sa elementarya. Tinalakay sa mga debate ang tamang edad kung kailan maaaring maituro sa mga mag-aaral ang ganitong kasensitibong aralin, anu-ano ang dapat lamanin ng araling ito at kung ano ang tamang dulog sa pagtuturo nito.
 
Napapanahon ang ganitong paksa lalo na sa mga kabataan. Sa panahong kasalukuyan, napakalakas ng impluwensiya ng mass media sa paghuhulma ng mga kaugalian at kaisipan sa mga kabataan ngayon. Napapanahon din ito sapagkat habang tumatagal, ang pagiging ignorante ng mga kabataan sa usaping ito ay maaaring magdulot sa kanila ng kapahamakan sa hinaharap. Ang pagtatama sa mga maling akala ukol sa usaping ito ay nararapat nang maisagawa sa kanilang edad. Gayunpaman, mainam na langkapan ito ng ilang mga aralin kagaya ng tamang pangangasiwa sa sariling damdamin at damdamin ng iba, pagkakaroon ng pagpapahalaga sa isang relasyon, proteksyon laban sa mga pang-aabusong sekswal at iba pa. Mas mainam din na mapili ang mga araling angkop sa isang partikular na age group at mahikayat ang mga kabataan na magtanong patungkol sa paksang ito.
 
Pagsawata
 
Narito ang isa kong katanungan: mababawasan nga bang tunay ng isang Sin Tax law ang bilang ng mga naninigarilyo sa bansa?
 
Kung ang mga ekonomista ang tatanungin, ang kanilang isasagot marahil ay hindi. Kung pagbabatayan ang pagiging elastiko o hindi elastiko ng demand, masasabing hindi elastiko ang demand sa sigarilyo. Ibig sabihin, hindi basta-bastang maapektuhan ng pagtaas o pagbaba ng presyo ang bilang ng mga kumokonsumo ng sigarilyo. May sangkap ang sigarilyo na nakapagdudulot ng pagkahumaling sa sinumang makasisinghot nito.
 
Kung gayon, ano pa ang esensya ng World No-Tobacco Day? Sa artikulo ni Tan (“Smoke out”), kanyang isiniwalat na mariin ang nagiging pagtutol ng mga kompanya ng tabako sa mga regulasyong nagpapahina sa konsumo ng sigarilyo sa bansa. Kung gayon, hindi nakapagtataka kung bakit lumalaganap pa rin ang mga parokyano na nahuhumaling sa paghithit ng gadaliring stick na ito. Panay mga nasa menor de edad pa ang madalas na mamimili ng sigarilyo, ayon sa mga pag-aaral. Maaari ring makabili ng tingi-tingi nito sa mga tindahan. Walang mga restriksyon na ipinatutupad sa pagkonsumo ng sigarilyo. Kay daling mahanap, kay daling mabili.
 
Ang pagpapatupad ng Sin Tax Law sa bansa kamakailan lamang ay hindi isang garantiya na masasawata na ang lumalaking tantos ng cigarette consumption sa bansa. Sa katotohanan, maaari pa itong magdulot ng iba pang mga negatibong implikasyon. Halimbawa, direktang maaapektuhan sa polisiyang ito ang mga magsasaka ng tabako sa Hilagang Luzon. Maaaring bawasan ng mga kompanya ng tabako ang kanilang ipinansasahod sa mga magsasaka dahil sa nakaambang gastusin dulot ng buwis. Maaari ring tumaas ang tantos ng kriminalidad sa bansa. Dahil may addictive content ang sigarilyo, gagawin ng isang masugid na suki ang lahat ng kanyang maiisip upang mabili lamang ang kanyang pinakaaasam. Maaari rin siyang lumipat sa mas murang alternatibo (kagaya ng ipinagbabawal na gamot) kung hindi na kaya ng kanyang bulsa ang sigarilyo. Subalit hindi ibig sabihin na mapupunta sa walang-kabuluhan ang pagpasa ng batas na ito. Ipinakita lamang nito na maaaring maging isang pangunahing puwersa ang pamahalaan sa pagkubkob sa mga balakin ng mga malalaking kompanya upang mapalaganap ang mga pansarili nitong interes. Sapagkat ang buwis na ito ay maituturing ding kita sa hanay ng pamahalaan, maaari itong magamit ng huli sa mga proyektong pangkaunlaran na siyang mapakikinabangan ng lahat.
 
 
Pagkalugmok, Pagbangon
 
Ang nagdaang mga kalamidad na nagdulot ng pagkaparam ng mga buhay at ari-arian ay nagsilbing gahiganteng dagok sa mga Pilipino noong nakaraang taon. Sa mata ng isang manonood na nakikita ang mga ngiting pilit ipinipinta ng mga nasalanta sa kanilang mga labi, hindi malayong isipin na sadyang masayahin lamang talaga ang mga Pilipino. Lingid sa kaalaman ng karamihan, higit pa sa relief goods ang kailangan ng mga nagiging biktima ng kalamidad.
 
Binigyang-puri ni Tan sa kanyang kolum (“Ginhawa”) ang isang pananaliksik na inilahad ng isang sikolohista hinggil sa kapakanan ng mga nasalanta pagkatapos ng isang sakuna. Madalas man sa hindi, nakararanas ang mga nasalanta ng post-traumatic stress syndrome dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari na kanilang naranasan o nasaksihan (kagaya ng pagkawala ng mga minamahal sa buhay at pagkawasak ng ari-arian).
 
Mahalagang matutukan ng lokal na pamahalaan ang sikolohikal na pangangailangan ng mga naging biktima ng sakuna sa kanilang nasasakupan, hindi lamang ang kanilang pisikal na pangangailangan. Hindi lamang dapat magwakas ang lahat sa pamamahagi ng kakarampot na relief goods ang lahat. Hindi na bago sa atin ang mga mapanalasang kalamidad. Bawat taon, inaasahan na daraan, kung hindi man ay tatama, sa bansa ang hihigit sa labinlimang bagyo na inaasahan ding magdulot ng mga malawakang pinsala sa bansa.
 
Hindi nakikita ng mata ang kaloob-looban. Maaaring ang ngiti ay tanging panlabas lamang kung kaya’t nararapat lamang na magawan ng isang organisadong programa ang pamimigay ng mga serbisyong sikolohikal sa mga taong nalantad sa ganitong mga nakahihilakbot na pangyayari.    
 
 
Pagpanaw, Pagpupugay
 
Isang malaking kawalan sa mundo ng medisina ang pagpapanaw ng dalawa sa mga pinakamahuhusay na siyentista at doktor ng kasalukuyang panahon. Sila ay ginunita ni Tan sa isa sa kanyang mga artikulo (“Legendary ‘doktora’”)
 
Hulyo noong nakaraang taon nang mabalitaan ng UP Manila ang isang paglisan. Pumanaw sa edad na 80 ang kauna-unahang babaeng Kansilyer ng Unibersidad at isa rin sa sa mga hinahangaang National Scientist ng bansa. Isang haligi sa larangan ng pediatriks at ang nanguna sa pagkakatatag ng National Institutes of Health, si Dr Perla Santos Ocampo (PSO) ay malugod na inalala ng kanyang mga kabaro at kasamahan sa UP College of Medicine, Philippine General Hospital at maging sa mga organisasyon kung saan siya ay kasapi.
 
Naging malaki ang ambag ni PSO sa larangan ng medisina. Kinilala ang kanyang Oral Rehydration Therapy, isang praktikal na panlunas sa dehydration mula sa pinaghalong tubig, sodium potassium at iba pang mineral. Inilapit din ni PSO ang larangan ng medisina sa larangan ng agham panlipunan.
 
Ang pagpanaw ni Dr Fe del Mundo, isa rin sa mga iginagalang na National Scientist ng kanyang henerasyon, ay nagdulot din ng kalungkutan sa mundo ng medisina. Nakilala si Dr del Mundo sa kanyang BRAT (Banana, Rice, Apple sauce, Toast) na isang inirerekomendang diyeta para sa mga batang nakararanas ng diarrhea.
 
 
Pag-alam, Pagsuri, Pagsiyasat
 
Paano maipapaliwanag sa mga payak na salita ang konsepto ng “medikalisasyon ng isang likas na bahagi ng buhay”?
 
Naipakita sa artikulo ni Tan (“ADAM and PMDD”) kung paaano ito nangyayari. Inilabas ng American Psychiatric Association ang bagong edisyon nito ng Diagnostic and Statistic Manual (DSM) na siyang sanggunian ng mga sikayatrista sa mga tala at diagnostic criteria ng iba’t ibang uri ng mental disorder. Isang bagong tala sa manwal ang isang karamdamang kung tawagin ay “pre-menstrual dysphoric disorder” (PMDD). Sadyang komplikado ang pangalan subalit kung uunawain ang kalikasan nito maging ang mga sintomas, mababatid na ito ay ang mga nararanasang dagliang pagbabago sa ugali at kilos ng isang babae na nasa siklo ng kanyang pagreregla. Hindi ko lubusang maisip na mahahanay ito bilang isang psychiatric disorder. Kung gagamitin ito, masasabing mayroong PMDD ang nakatatanda kong kapatid ngayon sapagkat kanyang natugunan ang lima sa mga nakalistang indikasyon ng karamdamang ito. Nabanggit din sa artikulo ang ADAM (akronim para sa Androgen Deficiency in Aging Males). Ito ang kalagayan na nagaganap sa mga kalalakihan na katumbas sa dahan-dahang pagbaba ng testosterone level sa mga kababaihan.
 
Ang siyensya ang itinuturing ngayon na isang hindi-mapag-aalinlanganang batis ng impormasyon lalo na sa sa larangan ng pagtukoy sa mga karamdaman at panlunas. Sa Western biomedicine, mas pinahahalagahan ang payo ng isang doktor kaysa sa sinasabi ng isang albolaryo, manghihilot o folk healer. May mabuti at masamang dulot ang paglago ng Western biomedicine: mabuti, sapagkat patuloy nitong nalilinang ang kaalaman ng mga tao patungkol sa mga karamdaman at kaugnay na usapin; masama, sapagkat maaari itong makapanlinlang ng mga tao lalupa’t maituturing na isang malaking hamon ang pagkuwestiyon sa mga datos na natuklasan ng agham. Hindi malayo na gamitin ang larangang ito bilang lunduyan upang maisakatuparan ang mga pansariling interes ng iilan. Halimbawa, ang pagkakaroon ng isang bagong tala na mental disorder sa DSM, kagaya ng nasabi ni Tan, ay maaaring makapaglikha ng bagong merkado para sa mga kompanyang parmasyutikal. Kaya hindi na nga nakapagtataka kung maituring na karamdamang sikayatrikal sa hinaharap ang simpleng galit, sobrang paghalakhak, o ang pamumula at hindi pagpapakali kapag nakita sa malapitan ang hinahangang tao. Hindi na rin malayo na ang mga itinuturing nating likas at natural na proseso sa ating katawan ay maihanay na bilang “hindi normal” na kailangan ng dagliang panlunas.
 
Isa ring maituturing na negatibong epekto ng matinding pagsandig natin sa agham ay ang pag-usbong ng paniniwalang ang mga lahat, mapa-datos man o produkto, na inilalabas ng agham ay palaging tama at hindi nagkakamali.
 
Inilahad ni Tan sa isang artikulo (“Health fraud”) ang kasong kinaharap ng GlaxoSmithKline (GSK), isang multinasyonal na kompanyang parmasyutikal. Dinala sa hukuman ang GSK dahil sa mga kaso ng unethical marketing practices at false claims pagdating sa mga ibinibenta nitong gamot sa merkado. Nong 2009, ang Pfizer ay nakasuhan din dahil sa ilegal na promosyon ng mga inilalako nitong gamot.
 
Nakatatakot ito at mapanganib sapagkat ang inaakala nating mga nangungunang eksperto sa pagbuo ng mga gamot at panlunas ay sila pang nadarawit sa mga ganitong uri ng kaso. Gayundin, wala ring sapat na mga batas, regulasyon at tuntunin ang pamahalaan upang maprotektahan ang milyun-milyong mga Pilipino na nagtitiwala sa mga gamot na ginagawa ng mga kompanyang ito. Sa simula pa lamang, mapagtatanto na mahina na ang pundasyon ng sistema ng pampublikong kalusugan sa Pilipinas. Kung ang pinakapangunahing pangangailangan ng mga Pilipino sa usapin ng kalusugan ay hindi na natutugunan (kagaya ng mga pampublikong pagamutan, murang gamot, atbp), ano pa kaya ang pagbuo ng isang komprehensibong ordinansa upang ganap na mabigyang-proteksyon ang mga Pilipino laban sa health fraud.    
 
Ano na nga ba ang kalagayan ng public healthcare system sa bansa? Binanggit ni Tan sa kanyang artikulong “Healthy choices” na taal na karapatan ng isang tao ang karapatan na mapangalagaan ang kanyang kalusugan. Ito ay isang obligasyon na kailang matupad ng estado sa kanyang mga nasasakupan. Kung titingnan sa kasalukuyan ang sistema ng public healthcare sa Pilipinas, masasabing kalunus-lunos ang kalagayan nito. Hindi nabibigyan ng sapat na atensyon ng pamahalaan ang mga pangunahing serbisyong panlipunan kung saan kabilang ang kalusugan. Bagamat nakatanggap ng malalaking bahagi ng badyet kung ihahambing sa ibang sektor, masasabi na hindi pa rin nakasasapat ito upang mapunan ang matinding kakulangan sa mahusay na serbisyong pangkalusugan sa buong kapuluan.
 
Isang repleksyon dito ang ating pagtingin sa mga sakit kagaya ng tuberculosis (TB) at human immunodeficiency virus/acquired immune deficiency syndrome (HIV/AIDS).  Ayon sa artikulo ni Tan (“AIDS and TB”), laganap pa rin sa bansa ang mga kaso ng TB gayong matagumpay na itong nakontrol sa ilang mga bansa. Maituturing pa rin magpahanggang-ngayon ang TB bilang isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas. Hindi pa rin naitatama ang mga maling paniniwala patungkol sa sakit na ito na siya naming patuloy na naipapasa sa iba. Ganoon din ang ating pagtingin sa HIV/AIDS. Dumarami ang lumalalang kaso ng HIV/AIDS sa bansa dahil sa patuloy na pag-usbong ng mga lumalaganap na mito ukol dito. Halimbawa, tinitingnan pa rin ito ng karamihan bilang isang sakit na nakukuha lamang sa pakikipagtalik ng isang lalaki sa kapwa lalaki kaya binabansagan ito, kadalasan, na “gay disease”. Bukod pa riyan, malimit din itong maikabit sa mga women sex workers, night shift workers at seafarers. Samakatuwid, sa palasak na paniniwala, kahiya-hiya ang isang taong may ganitong uri ng karamdaman.
 
Dumagdag pa sa patuloy na paglala ng mga kasong ito ang kawalan ng rekurso upang mapigilan ang paglaganap ng mga ganitong uri ng sakit. Kung nasa merkado man ang panlunas, hindi pa rin lapat sa bulsa ng isang mamimili ang presyo nito. Sa kaso ng TB, mayroon na tayong nabuong mga paraan upang mapigilan at malunasan ang mga nasabing sakit ngunit bakit kaya patuloy na nananatiling salot ito sa bansa? Sa kaso naman ng HIV/AIDS, condom lamang ang pinakamabisang paraan na mayroon tayo sa ngayon upang mapigilan ang paglaganap nito. Kung ganito ang patuloy na magaganap, hindi na maikakahon sa iilang salita lamang ang pagsasalarawan sa magiging kalagayan ng sistema ng pampublikong kalusugan sa bansa.
 
Nabasa ko sa isa sa mga kolum ni Tan (“Medical Pioneers”) ang pagtatapos ng ilang mga mag-aaral sa Ateneo School of Medicine and Public Health (ASMPH). Batay roon, ang programang Medisina na inaalok ng ASMPH ay isang kauna-unahan sa bansa sapagkat bukod sa titulong “MD”, isa pang titulo (“MBA”) ang iginagawad sa mga nagsipagtapos. Mainam ito sapagkat hindi lamang tayo nangangailangan ng mahuhusay na manggamot sa bansa kung hindi mahuhusay rin na mga tagpangasiwa at tagapamahala. Gayundin, ang bansa natin ay nangangailangan ng mahuhusay na manggagamot na mananatili rito sa bansa upang mapagilbihan ang bayang kumupkop na sa kanila sa mahabang panahon. Kahit sa aking haraya, hinihiling ko na dumami pa ang mga “Dr Fe del Mundo” at “Dr Perla Santos-Ocampo” sa bansa na ituturing ang kanilang bokasyon hindi lamang bilang isang katayuan sa lipunan o batis ng kasikatan, pera at pagkakakilanlan, kung hindi isang paraan upang makatulong sa mga taong nararapat lamang na matulungan.
 
Ang bawat isa ay may mahalagang papel na gagampanan. Kung ang hangad ng lahat ay isang maayos na public healthcare system, marapat lamang na ating isulong ito at itaguyod sa abot ng ating makakaya.

 

Mga Sanggunian: