Image

Sina Pilar Elumba at Olivia Salamanca ay ilan lamang sa mga Pilipinong mag-aaral na napabilang sa Programang Pensionado noong panahon ng Okupasyong Amerikano sa Pilipinas. (Kuha mula sa http://www.filam.si.edu)

AMERIKANISASYON SA EDUKASYON NG PILIPINAS

Kasabay noong pagdating ng mga Amerikano sa Pilipinas ay ang pagbabago sa sistema ng pamumuhay ng mga Pilipino. Isa sa mga naging salamisin ng pagbabagong ito ay ang pagbabago sa sistema ng edukasyon ng bansa. Buhat nang mawala ang mga Espanyol sa Pilipinas dahil sa pagsakop ng mga Amerikano rito, malaki ang ipinagbago ng sistema ng edukasyon ng bansa. Ito’y dahilan na rin sa uri ng pamamahala ng mga Amerikano kung ihahambing sa mga Espanyol pagdating sa larangan ng edukasyon.

SULYAP SA SISTEMANG PANG-EDUKASYON NG MGA ESPANYOL

Hindi natin maitatanggi na malaking papel din ang ginampanan ng mga Espanyol sa pagtatag ng haligi ng edukasyon dito sa Pilipinas. Ang mga Espanyol, o ang mga fraile sa partikular, ang nagpatayo at nangasiwa sa mga kauna-unahang paaralan at eskwelahan na itinayo sa ating bansa. Masasabi ring nakapagdulot ang mga institusyong ito ng kaalaman sa mga mapapalad nating kababayan pagdating sa mga usaping pang-akademiko at panrelihiyon.

Sa sistemang edukasyon ng mga Espanyol, malaki ang ginampanan ng relihiyon, partikular ang relihiyong Katoliko, lalupa’t isa rin ito sa mga asignaturang itinuturo sa mga mag-aaral. Ang mga pari ang nagsisilbing guro sa mga colegio dahil sa katuturang sila rin ang namamahala sa mga ito.

Ilan pa sa mga kapuna-punang mapapansin sa sistemang edukasyon ng mga Espanyol ay ang pagpapahalaga sa mga lalaki bilang tagapagdala ng karapatan na makapag-aral sa pormal na eskwelahan. Ngunit hindi naglaon ay naitatag din ang mga beaterio, isang makarelihiyong institusyon para sa mga babae. Masasabing hiwalay ang paaralan ng mga lalaki sa babae. Higit sa lahat, isa sa mga pangkaraniwan (o ang pinakapangkaraniwan) na mukha ng sistemang edukasyon ng mga Espanyol ay ang pagbibigay lamang sa mga mamamayan ng karapatang mag-aral. Nabibilang sa mga mapapalad na taong ito ang principales at ilustrados.

ANG ‘PAMANANG EDUKASYON’ NG MGA AMERIKANO

Ayon sa ilang mga mananaysay, isa sa mga pinakamahalagang ambag ng mga Amerikano sa ating mga Pilipino ay ang kanilang sistema ng edukasyon. Ang edukasyong ito na siyang sukbit na nila pagdating sa Pilipinas ay sadyang kakaiba kung ihahambing sa kaparaanan ng mga Espanyol. Napaunlad ang antas ng edukasyon sa bansa dahil sa pagkakatatag ng mga pampublikong paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa. Gayunpaman, malinaw ang naging layunin ng mga Amerikano sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa bansa. Ito ay ang tuluyang masakop ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagkubkob sa isipan at gawi ng mga Pilipino. Hindi na nakagugulat pa na ang pangunahing prayoridad ng mga Amerikano ay ang pagbibigay ng edukasyon sa mga Pilipino. Sa pagsisimula pa lamang ng okupasyong Amerikano noong 1898, may mga paaralan nang itinatayo sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.

Sinasabing may tatlong layunin ang kalakarang edukasyon ng mga Amerikano dito sa Pilipinas: una, para mapakilala sa mga katutubo ang demokrasya; pangalawa, para makintal sa mga Pilipino ang kanilang makabagong tungkulin; at pangatlo, para mapalaganap ang wikang Ingles sa buong kapuluan. Lahat ng mga ito ay nakasandig sa isang pangunahing layunin: ang pasipikasyon ng buong kapuluan.

Ang mga Amerikanong sundalo ang naging unang guro ng mga Pilipino sa panahon ng okupasyong Amerikano subalit hindi naglaon, noong Agosto 23, 1901, pinalitan sila ng 600 Amerikanong guro na ipinadala ng Amerika sa Pilipinas sakay ng barkong S.S. Thomas. Sila ang mga tinaguriang “Thomasites”. Bilang mga pampublikong guro, naatasan silang magturo sa mga paaralan bagaman mahirap dahil sa pagiging bago ng wikang Ingles sa pandinig ng mga katutubo. Upang mahikayat ang mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak, namimigay ang mga Amerikano ng libreng aklat at iba pang gamit sa paaralan.

Malaki ang naging ambag ng mga pampublikong paaralan sa pagsasakatuparan sa mga layunin ng Amerika sa bansa. Nagbigay-daan ang pampublikong edukasyon upang makapag-aral lahat ang mga kabataang Pilipino. Ipinasa ng Komisyong Taft ang Article No. 74noong Enero 1901 na nagsasaad ng pagkakatatag ng mga pampublikong paaralan. Dahil dito, nagtayo ng mga pampublikong paaralan, primarya at sekondarya, ang pamahalaan sa Maynila. Nagtayo rin ng mga paaralan sa lalawigan. Sa pagtatapos ng ika-19 siglo, mahigit 100,000 katutubong estudyante ang mga nag-aaral sa naipatayong paaralan. Sabay na pinasinayaan ang mga paaralang primarya at mga paaralang normal na naglalayong makapagsanay ng mga Pilipinong guro. Ang Ingles ang siyang naging midyum ng pagtuturo sa mga paaralan.

Bagaman ginawa na ang Ingles bilang wika ng pagtuturo sa mga eskwelahan, may mga paaralan pa ring nagtuturo gamit ang wikang Espanyol kagaya ng Universidad de Sto. Tomas, Escuela de Derecho (School of Law) at Instituto Burgos (Burgos Institute). Ngunit kinalaunan, napilitan ang mga paaralang ito na gumamit na rin ng wikang Ingles dahil sa “kompetisyon” at pagkahuli sa mga kalakaran ng lipunan. Halimbawa na lang ay ang paggamit ng wikang Ingles sa mga pampamahalaang pagsusulit.

Dahil sa paniniwalang magkahiwalay ang estado at ang simbahan, hindi na hinikayat ng mga Amerikano sa mga paaralan ang pagtuturo ng relihiyon. Naniniwala sila na walang kinalaman ang simbahan sa pagpapatakbo ng mga pampublikong paaralan. Ang tungkuling ito ay dapat nakaakibat sa pamahalaan. Dahil dito, naging opsyonal at hindi sapilitan ang pagtuturo ng relihiyon sa mga paaralan datapwat itinuturo pa rin ang kagandahang asal at tamang pag-uugali sa mga paaralan.

Sa sistemang edukasyong ito ng mga Amerikano, umaabot ng halos 15 taon ang pag-aaral ng mga Pilipino. Nagsisimula ito sa pitong taong pamamalagi sa paaralang elementarya (4 na taon sa kursong primary at 3 taon sa kursong intermediate). Ang mga nagsipagtapos sa paaralang ito ay maaaring magpatuloy sa kanilang pag-aaral sa mga paaralang sekundarya kung saan apat na taon ang kailangang gugugulin upang makapagtapos. Pagkatapos ay maaari nang pumasok sa mga paaralang pangkolehiyo ang mga nagsipagtapos sa sekondarya.

Noong 1903, itinatag ang Kawanihan ng Edukasyon (Bureau of Education) na naatasang mamahala sa mga kalakarang pang-edukasyon dito sa Pilipinas. Si Dr. David P. Barrows ang naging unang Direktor ng Edukasyon.

Dahil sa pagpapatayo ng iba’t ibang paaralan sa Pilipinas, tumaas ang bahagdan ng literasiya at pagkatuto ng mga Pilipino kung ihahambing noong panahon ng okupasyong Espanyol. Noong Hunyo 18, 1908, sa bisa ng Act No. 1870 na ipinasa ng Philippine Assembly at Philippine Commission, naitatag ang Unibersidad ng Pilipinas (kilala noon bilang American University of the Philippines). Ang pamantasang ito ang siyang nanguna sa larangan ng akademikong pananaliksik at namuno rin sa kampanya sa pagpapalaganap ng kamalayang pang-edukasyon sa mga lalawigan at pamayanang rural ng Pilipinas. Ilan pa sa mga paaralan, kolehiyo at pamantasan na naitatag sa Pilipinas sa panahon ng mga Amerikano ay ang mga sumusunod: Central Luzon Agricultural School, Philippine Nautical School, Philippine School of Arts and Trade, Philippine Normal School (na ngayon ay Philippine Normal University), Siliman University (kauna-unahang paaralang protestante sa Pilipinas), Centro Escolar University (itinatag ni Librada Avelino), Philippine Women’s University (itinatag ni Francisca Benitez) at Far Eastern University.

Naging malugod ang pagtanggap ng mga Pilipino sa sistemang edukasyong dala ng mga Amerikano. Bahagya nitong napapalitan ang sistemang edukasyon ng mga Espanyol.  Unti-unting dumami ang mga Pilipino na nagnanais mapunan ang kanilang pangangailangan sa edukasyon kahit ang sistema ay tahasang nakabalangkas sa pangangailangan ng mga banyagang mananakop.

ANG MGA PENSIONADO: MGA MODERNONG ILUSTRADO

Ang isa sa mga naging reperkusyon ng Amerikanisasyon ng edukasyon sa Pilipinas ay ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataang Pilipino na makapag-aral sa Amerika. Ang mga kabataang iskolar na ito ay tinawag na pensionados.

 ANG PROGRAMANG PENSIONADO

Pensionados ang tinawag sa mga kabataang Pilipino na ipapadala sa Amerika sa kadahilanang suportado ng pamahalaang Pilipino ang pagpapaaral sa mga estudyanteng ito. Ang programang pensionado (Pensionado Program) ay naisakatuparan noong Agosto 26, 1903 sa bisa ng Act No. 854 na mas kilala sa tawag na Pensionado Act na iniakda ni Trinidad H. Pardo de Tavera. Ang kawanihan ng Ugnayang Insular (Bureau of Insular Affairs) ang nangasiwa sa pagpapadala ng mga pensionado sa Estados Unidos. Ang kawanihan din ang namahala sa kalagayan ng mga pensionado habang sila’y nasa Estados Unidos.

ANG BATAS PENSIONADO (PENSIONADO ACT)

Ang Batas Pensionado (Act 854) ay isang batas na nagpapahintulot sa mga mahuhusay at kwalipikadong Filipino na makapag-aral sa Estados Unidos. Ipinasa noong 26 Agosto 1903 sa ilalim ng pamamahala ni Theodore Roosevelt at sa tulong ng Komisyo ng Pilipinas, ang batas na ito ay naglalaan ng kaukulang pondo para sa pag-aaral ng mga Pilipino sa Amerika.

ANG PAG-USBONG NG MGA MAKABAGONG ILUSTRADO

Naging masusi ang pagpili sa mga “magiging pensionados”. Pinili ang mga mag-aaral mula sa 37 lalawigan ng Pilipinas at masusing sinuri ang kanilang pagkakakilanlan at ang pag-ayon nila sa mga kwalipikasyong inilatag ng pamahalaang insular. Ang mga mag-aaral ay sumailalim sa isang iskrining at pagsusulit. Mula sa libu-libong mag-aaral na pinagpilian, 100 lamang ang pinili at ang mapapalad na pinili ay silang binigyan ng pribelehiyo na mabigyang edukasyon ng mga paaralan at institusyon sa Amerika. Ang dalawang naatasan upang sumuri at pumili ng mga kabataan na sasama sa unang pangkat ng pensionados na tutulak papuntang Amerika ay ang Pansangay na Tagapamahala ng mga Paaralan (Division Superintendent of Schools) at ang gobernador ng lalawigan.

May mga itinakdang regulasyon ang pamahalaan sa pagpili ng mga pensionado. Dapat ang isang pensionado ay nakapagtapos sa sekondarya at dapat kakitaan ng mabuting kaasalan at tamang pag-uugali (good moral character). Ang katayuan sa lipunan ng mag-aaral ay isinasaalang-alang din. Dapat din niyang mapasa ang isang pagsusulit na animo’y magsisilbing “entrance examination” na gaganapin sa Maynila.

Ang unang pangkat ng pensionado na ipinadala sa Estados Unidos ay binubuo ng 100 estudyanteng lalaki. Bago tumungo sa Amerika, ang bawat lalawigan kung saan nanggaling ang mga pensionado ay nagsagawa ng isang pagdiriwang o kasiyahan bilang isang ekspresyon ng pamamaalam at pagsabi na rin ng mapayapa at ligtas na paglalakbay sa mga pensionado. Pagkatapos ng ilang araw ng paglalakbay, narating ng mga pensionado ang Estados Unidos, partikular ang San Francisco, California noong Nobyembre 9, 1903. Ang mga pensionado ay ilan lamang sa mga kauna-unahang Pilipino na nakarating sa Amerika.

ANG MGA PENSIONADO SA AMERIKA

Ang Amerika ang naging pansamantalang tahanan ng mga pensionado. Malaki ang naidulot na pagbabago ng Amerika sa paraan ng pamumuhay ng mga Pilipinong pensionado.

Hindi nanirahan sa mga dormitoryo at bahay-pangaserahan ang mga Pilipinong mag-aaral. Nakipag-ugnayan ang Kawanihan ng Ugnayang Insular sa mga mabubuting pamilya sa Amerika at sa mga bahay na ito ng “mabubuting pamilya” nanirahan ang mga pensionado. Dalawang estudyante ang inilalagi sa isang tahanan. Bagamat iba sa kulturang kinalakhan, sinikap ng mga pensionado na makibagay sa pansamantalang mundo na kanilang ginagalawan.

Inilagay sa iba’t ibang institusyon, kolehiyo at pamantasan ang mga pensionado. Nag-aral ang mga pensionado katulad sa kaparaanan ng isang tipikal na Amerikanong estudyante. Binigyan ng natatanging atensyon ng mga propesor ang mga Pilipinong mag-aaral sapagkat gustong-gusto ng mga guro ang mga estudyante na puno ng kooperasyon at aktibo sa klase. Ang mga katangiang ito ay nakita ng mga guro sa katauhan ng mga pensionado. Ayon nga kay William Sutherland, ang mga Pilipinong mag-aaral ay sadyang magagalang at mababait. Sila ay seryoso sa kanilang pag-aaral at aktibong nakikilahok sa mga gawain sa paaralan.

Binigyang pansin din ng pamahalaan ang pagpili ng kursong kukunin ng mga pensionado. Ang kursong kanilang kukunin ang syang batayan ng kanilang magiging propesyon sa hinaharap. Kaya dapat ang kursong kukunin ng mga pensionado ay yong makakatulong sa pag-unlad ng kanilang bansa. Karamihan sa mga pensionado ay nag-aral ng medisina, inhinyeriya, edukasyon, at abugasya.

Sina Maximo Kalaw, Jorge Bocobo, Jose Garcia Villa, Encarnacion Alzona, Conrado Benitez, Josefa Llanes Escoda, Flerida Ruth Romero, Cecila Muñoz Palma, Honoria Acosta-Sison, Olivia Salamanca, Francisco Benitez at Jose Abad Santos ay ilan lamang sa mga Pilipinong mag-aaral na kabilang sa mga ipinadalang pensionado at pensionada sa Amerika.

Batid ng mga pensionadong Pilipino ang mga suliraning kinakaharap ng kanilang bansa. Batid nila ang “misyong” nakaakibat sa kanila. Batid nila ang kanilang layunin sa pagtungo sa Amerika; ang maging isang propesyonal at tumulong sa paglutas ng mga suliranin ng bansa na syang makakatulong sa pag-unlad nito. Determinado silang tapusin ang pag-aaral sa kursong pinili. Kapag natapos na nila ang kanilang pag-aaral ay babalik na sila sa Pilipinas. Batid nila na ang mga paghihirap na kailangang sugpuin ay nasa Pilipinas at wala sa Amerika.