Ang House Bill 4353 at ang Kurso ukol kay Bonifacio: Isang Kritikal na Pagsusuri

Leave a comment

thepinoywarrior Andres Bonifacio

Gat Andres Bonifacio y de Castro (1863-1897), Ama ng Himagsikang Pilipino

Pinanukala sa Kongreso ni Rep. Raymond Palatino ng Kabataan Partylist ang House Bill 4353 na naglalayong magbuo ng isang karagdagang asignatura sa mga mag-aaral sa kolehiyo na magtuturo ng mga diwa at simulain ng dakilang bayani na si Andres Bonifacio. Ang nasabing batas ay naglalayong maipaloob sa kurikulum ng mga kolehiyo at pamantasan ang isang asignatura na magkikintal sa isipan ng mga Pilipinong mag-aaral ng mga aralin hinggil sa buhay ng dakilang bayani. Iisa-isahin din ng asignatura ang mga naiambag ng dakilang Plebeian sa pagkamit ng Pilipinas sa pinakaaasam nitong kasarinlan mula sa mga mananakop na Espanyol (Villafania, 2011).

Ang pagtuturo sa buhay ni Bonifacio ay nahahati sa dalawang aspekto: (1) ang pagbibigay-kaalaman hinggil sa buhay ni Bonifacio, at (2) ang pagkintal ng diwang nasyonalismo at patriotismo sa isipan ng mga kabataang Pilipino. Nuonpaman, kinikilala na si Bonifacio bilang simbolo ng nasyonalsimo sapagkat ang pagkakatatag niya ng kilusang Kataas-taasang Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) ay naging kritikal na kaganapan sa pagkamit ng Pilipinas sa kanyang kasarinlan mula sa mga mapaniil na pananakop. Malaki rin ang kanyang naiambag upang ibahin ang naging daloy ng kasaysayan ng Pilipinas.

Tunay ngang walang masamang tunguhin ang nasabing batas ngunit kapansin-pansin ang bugso ng mga negatibong reaksyon patungkol sa asignatura kahit na sila ay nainiwala na si Andres Bonifacio ay huwaran ng nasyonalismo sa Pilipinas. Mariin ang kanilang pagtutol sa House Bill 4353, taliwas sa magagandang hangarin na nais matamo ng batas na ito.

Sa pagsusuring ito, ating bibigyang-pansin ang mga paliwanag ukol sa kung bakit may mga kabataang Pilipino na tumututol sa panukalang magkaroon ng asignatura hinggil kay Bonifacio datapwat sila ay nagsasabi na si Bonifacio ay tunay na sagisag ng nasyonalismong Pilipino. Sa matamang pag-aaral, ating madadalumat na malaki ang papel na ginagampanan ng kamalayan (consciousness) sa pagsusuri ng isyung ito sapagkat ang kamulatan ng mga kabataan sa mga pangyayari sa kanilang kapaligiran ay nakakaapekto o makakaapekto sa kanilang mga kilos at gawi sa lipunang kanilang kinabibilangan. Ang mga kabataang Pilipino na nag-aaral sa kolehiyo ang pangunahing pokus ng pagsusuring ito sapagkat ang asignaturang Bonifacio ay mapapasama sa kurikulum ng mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas kung sakaling maisakatuparan ang batas.  Bilang susunod na henerasyon, mahalagang malaman din ang saloobin ng mga kabataang Pilipino hinggil sa nasabing isyu. Ngunit sa ngayon, makabubuting mabigyan-kahulugan ang mga konsepto na gagamitin sa pagsusuring ito na siyang makatutulong sa malinaw na pag-unawa sa isyu.

Pagbibigay-kahulugan sa mga Konsepto

Isang mahalagang konsepto sa pag-aaral na ito ang House Bill 4353 (HB 4353). Katulad ng nabanggit kanina, ang House Bill 4353, na mas kilala sa tawag na “Andres Bonifacio Act of 2011”, ay isang batas na iniakda ni Rep. Raymond Palatino ng Kabataan Partylist na nagsusulong sa pagkakaroon ng isang kurso o asignatura tungkol kay Andres Bonifacio na naghahangad na maikintal sa isipan ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan ang tunay na kahulugan ng nasyonalismo at patriotismo. Ninanais din nitong hubugin ang pambansang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa mga kasalukuyang nagaganap sa bansa (Barawid, 2011; Villafania, 2011).

Nakapaloob sa nais ikintal ng asignaturang ito ang mga simulain ng nasyonalismo at patriotismo. Ang nasyonalismo at patriotismo ay mga konseptong may katuturan na halos magkatulad. Sa pag-aaral na ito, ating bibigyang-kahulugan ang nasyonalismo na naaayon sa pagkakalahad ng Stanford Encyclopedia of Philosophy (2001). Ang nasyonalismo ay isang ideolohiya na nakapagdudulot ng pamabansang pagkakakilanlan mula sa mga mamamayan ng isang bansa. Ang mga mamamayang ito sa isang partikular na bansa ay kakakitaan ng pagkilos upang maipakita ang kanilang pagmamahal sa kanilang bansa. Sa madaling salita, kalakip ng salitang nasyonalismo ang pagmamahal sa bayan na may kasamang pagkilos.

Sa kabilang banda, binigyang-kahulugan ni Nathanson (1993) ang patriotismo bilang pagmamahal sa sariling bayan kaalinsabay ng kusang-loob na pagsasakripisyo para sa ikauunlad ng bansa. Buhat sa nasabing depinisyon, ang patriotismo ay masasabing pagmamahal sa bayan na may kaakibat na sakripisyo.

Mahihinuha sa mga depinisyong nabanggit na ang pagmamahal sa bayan ang sentral na tema ng nasyonalismo at patriotismo. Ang pagamamahal sa bayan na tinutukoy dito ay hindi lamang nakakintal sa isipan kung hindi makikita maging sa mga kilos at gawa rin. Ito ang uri ng pagkamakabayan na kakakitaan ng pagkilos tungo sa kaunlaran ng bansa sa pangkalahatan, at hindi lamang nakabatay sa kagyat na pakiramdam ng pagmamahal sa bayan. Ang tunay na nasyonalismo at patriotismo, na gagamiting mga konsepto sa pagsusuring ito, ay hindi yaong pagsusuot lamang ng mga kasuotang may nakalimbag na bandila ng Pilipinas o anupamang sagisag ng bansa. Hindi lamang din ito nakabatay sa pagsasaya ng buong bansa dahil sa pagkapanalo ng isang boksingero sa katunggaling banyaga. Bialng isang pagbibigay-linaw, ang nasyonalismo at patriotismo na nais ikintal ng nasabing asignatura sa mga kabataang kolehiyo ay higit pang mas malalim sa uri ng nasyonalismo na nakakasanayan na ng karamihan sa mga Pilipino sa kasalukuyan. Ang mga konseptong ito ay mabibigyan pa ng mas malalim na kaunawaan sa mga susunod na bahagi ng pagsusuring ito.

Atin ding bibigyang kahulugan ang salitang kaisipan o ideolohiya alinsunod sa depinisyon ni Linz (2000). Sa pagsusuring ito, ang kaisipan o ideolohiya ay tutukoy sa paraan at sistema ng pag-iisip ng isang tao na siyang nakakaapekto ng malaki sa kanyang mga ikikilos o gagawin at maging sa kanyang mga pagpapasya sa mga bagay na hinihingi ang kanyang desisyon. Ang kaisipang ito ang siyang magiging gabay ng isang tao sa mga nararapat niyang gawin. Mabibigyang-pansin sa pagsusuri ang konseptong ito.

Mahahalagang konsepto ring maituturing ang mass media, sistema ng edukasyon, materyalismo at indibidwalismo. Sa pagpapakahulugan ni Sauza (2011), ang mass media, sa pangkalahatan, ay isang paraan ng komunikasyon kung saan ang mensaheng ipinapaabot nito ay nakararating, at maaaring makaimpluwensya, sa daan-daang tao na naaabot ng nasbing mensahe. Dumadaloy ang mensahe sa isang uri ng midyum kagaya ng telebisyon, radyo, pahayagan at Internet. Sa pamamagitan ng mga midyum na ito, mas napapadali at napapabilis ang pagpapakalat ng impormasyon buhat sa isang pinagmulan patungo sa mga maaabutan ng mensahe.

Sa kabilang banda, ang sistema ng edukasyon (educational system) ay kalipunan ng mga inetraksyon na may kinalaman sa pagbibigay ng mga kaalaman at kasanayan mula sa mga kaguruan patungo sa mga mag-aaral. Kalakip ng mga interaksyong ito ang paraan ng pagtuturo ng mga guro, ang kapaligiran kung saan nag-aaral ang mga estudyante, ang mga pangangailangan ng mga guro sa pagtuturo at ng mga estudyante sa pag-aaral, ang kalidad ng edukasyon na natatamasa ng mga mag-aaral, ang suporta na natatanggap ng mga paaralan buhat sa pamahalaan at iba pa (Berg, 2011).

Ayon naman kay Harris (n.d.), ang materyalismo ay isang pilosopiya na nagsasabi na ang halaga ng isang buhay ay nakasentro sa materyal na tagumpay at kaunlaran. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng mas maraming materyal na kagamitan ang siyang sukatan ng pagiging maunlad ng isang tao. Idinagdag din ni Harris na ito ang palasak na kaisipan sa mga mauunlad na lipunan sa ngayon.

Isang napakahalagang konspeto sa pagsusuring ito ang kamalayan o consciousness. Sa pagpapakahulugan ng Stanford Encyclopedia of Philosophy (2004), ang kamalayan ay isang estado ng pagkamulat at kaalaman ng isang tao o grupo ng mga tao sa mga isyu, suliranin at kaganapan na nakakaapekto sa pangkalahatang interes ng isang lipunan (panlipunang kamalayan) o bansa (pamabansang kamalayan).

Paglalahad ng mga Hinuha

 Sa aking isinagawang panayam at sarbey sa dalawampu’t limang (25) kabataang Pilipino na nag-aaral sa kolehiyo, mapagtatanto na lahat sa mga mag-aaral na aking nakapanayam ay nagsasabi na si Andres Bonifacio ay isang mahalagang haligi ng pambansang nasyonalismo at patritotismo sa Pilipinas. Siya ay kanilang itinuturing bilang isang huwaran na bayani na siyang nagtaguyod sa simulaing nasyonalismo sa Pilipinas noong kanyang kapanahunan magpa-hanggang ngayon. Datapwat kapansin-pansin na sampu (10) lamang sa kanila ang sumasang-ayon na magkaroon ng isang hiwalay na asignatura ukol sa buhay at pilosopiya ni Gat Andres Bonifacio.

Sa panayam naman ni Barawid (2011) sa labing-isang (11) mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas, kanyang napagtanto na  siyam (9) sa mga mag-aaral ay tumututol sa pagsasakatuparan ng HB 4353. Sinasabi ng karamihan sa kanila na ang pag-aaral sa buhay ni Bonifacio ay lubhang hindi na ganoong kahalaga at kailangan. Ngunit kanilang kinikilala si Bonifacio na isang bayani na may malaking kontribusyon sa pagpapalago ng diwang nasyonalismo sa mga Pilipino.

Ninanais ng HB 4353 na hubugin ang pambansang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa mga kasalukuyang nagaganap sa bansa. Mahihinuha sa pangungusap na ito na kritikal ang papel na ginagampanan ng kamalayan sa pagkakasalungat at pagkakaiba ng pananaw ng mga kabataang Pilipino hinggil sa kahalagahan ng isang asignaturang magtuturo sa buhay ni Bonifacio. Ito ay matatalakay ng masinsinan sa susunod na bahagi ng pagsusuring ito.

Ang Pag-usbong ng Kamalayan: Papel na Ginagampanan sa Mga Kabataang Pilipino

Katulad ng nabanggit kanina, ang kamalayan ay tumutukoy sa kondisyon ng pagkamulat ng isang tao sa kasalukuyang mga pangyayari sa kanyang kapaligiran. Ang kamalayan ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagpapaliwanag kung bakit tutol ang ilang kabataan na pag-aralan ang buhay ni Bonifacio gayong siya ay tagapagtaguyod ng nasyonalismo sa ating bansa.

 Ang pambansang kamalayan, ayon kay Andrada (2011), ay unti-unti nang napaparam sa puso at isispan ng mga kabataang Pilipino. Dagdag pa niya, kailangang hubugin ang pambansang kamalayan ng mga kabtaang Pilipino na siyang magpapamulat sa kanila sa tunay na mga kaganapan sa kanilang bansa. Kaalinsabay sa pagkawala ng pambansang kamalayan ng mga kabataang Pilipino ay ang paghina ng alab ng nasyonalismo kung kaya’t kanilang maituturing na hindi mahalaga ang pag-aralan pa ang buhay ni Bonifacio sa paaralan.

 Sa pagpapatuloy, idinagdag ni Andrada (2011) na hindi nararamdaman ng kasalukuyang henerasyon ng kabataang Pilipino ang pangangailangan upang maituro ang mga aralin hinggil sa nasyonalismo at patriotismo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang asignaturang Bonifacio. Iniugnay niya ang ganitong palasak na kaisipan sa kawalan ng pakialam ng mga kabataang Pilipino sa mga isyu na kinakaharap ng Pilipinas sa kasalukuyan at kakaharapin pa ng bansa sa hinaharap.

Image

May mga salik na nakakaapekto sa pagkahubog ng ganitong kamalayan sa mga kabataang Pilipino sa kasalukuyang kapanahunan. Sa pagsusuring ito, tatlong salik an gating mabibigyang-pansin. Ito ay ang mga sumusunod: (1) ang sistema ng edukasyon sa bansa; (2) ang mass media, at (3) ang kasalukuyang kultura na sumasalamin sa kailnangang materyalista at Kanluranin. Ito ay maipapakita rin sa dayagram na nasa gawing itaas (sa kaliwang bahagi) ng pahinang ito.

 

Ang Sistema ng Edukasyon

Sa kanyang sanaysay na “The Miseducation of the Filipino,” inilahad ni Renato Constantino (1970) na ang edukasyon na kailangang matamasa ng mga Pilipino ay yaong uri ng edukasyon na magpapamulat sa kanila sa mga kasalukuyang suliranin ng bansa at magpapaunawa sa kanila sa mga solusyon na magbibigay-lunas sa mga suliraning ito. Samakatuwid, ang edukasyon dito sa Pilipinas ay nararapat lamang na makahubog ng mga Pilipinong may kamalayan at kakahayan na maiahon ang Pilipinas buhat sa balaho ng mga problema na patuloy na nagpapalugmok sa lugami niyang kondisyon. Ang pagsakop ng mga Amerikano ay naging mabilis dahil kailanman, ang edukasyon na ating natamasa mula sa mga Amerikano ay hindi napasaatin upang mabawasan ang ating kamangmangan, kung hindi madagdagan ang kolonya ng Amerika. Ingles ang naging pangunahing wika ng pagtuturo at ang mga Amerikano mismo ang nagsilbing unang guro ng mga Pilipino (Constantino, 1970). Kapagdaka’y unti-unting naparam ang ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino.

Hanggang ngayon, ayon kay Constantino (1970), atin pa ring dala ang kolonyal na sistema ng edukasyon sa kasalukuyang panahon. Dahil dito, ang ating pag-aaral sa sarili nating kasaysayan ay lubhang naapektuhan. Ito rin ang ikinalulungkot ni Rep. Palatino (na binanggit kay Barawi, 2011). Ang mga mahahalagang kabanata ng ating kasaysayan ay nakakaligtaang talakayin ng may buong detalye, o kung hindi man ay binabanggit na lamang ng pahapyaw. Ang mga kaganapan sa ating kasaysayan kagaya ng pagkakatatag ng Katipunan at ang naganap na himagsikan noong 1986 ay ilan lamang sa mga kaganapan sa ating kasaysayan na kailangang pagtuunan ng malawakang pansin sapagkat nasasalamin nito ang tunay na diwang nasyonalismo at patriotismo ng mga Pilipino na, ayon kay Prop. Michael Andrada (2011), ay papawala na sa puso ng mga kabataang Pilipino. Ang pagkuha ng mga asignatura sa kasaysayan sa ilan sa mga unibersidad sa Pilipinas ay naging boluntaryo na lamang. Dahil dito, hindi naikintal ng mabuti sa mga kabataang Pilipino ang kamulatan sa mga nangyayari sa lipunang kanilang kinabibilangan.

Ang Mass Media

Hindi maitatanggi na sadyang makapangyarihan ang mass media sa kasalukuyang panahon sapagkat naaapektuhan nito ang bawat aspekto ng buhay ng mga tao sa pamamagitan ng pagkikintal ng mga menaheng ipinapaabot nito sa madla. Ang mga mensaheng ito ay nagdadala ng sari-saring kaisipan at ideolohiya na maaaring magpabago sa paraan ng pag-iisip at pagkilos ng isang tao. Ang telebisyon, radyo, mga pahayagan, at maging ang Internet ay nagsisibling epektibong instrumento sa pagpapalaganap ng naiiibang kaisipan.

Ang mass media ay nakakatulong din sa pagparam ng tunay na kahulugan ng nasyonalismo at patriotismo sa isipan ng kabataang Pilipino. Ang mga ipinararating nitong mensahe sa mga tao ay nakakaapekto ng malaki sa takbuhin ng kanilang pag-iisip. Halimbawa na lamag dito ay ang pagpo-protesta sa gitna ng lansangan upang isigaw ang hinaing ng mga mamamayan. Sa kanilang paniniwala, itinuturing itong ipinagbabawal sapagkat nakikita ng mga tao sa telebisyon at kanilang nababasa sa mga pahayagan ang pwersahang pagpapaalis sa mga demonstrador buhat sa pinagdausan ng protesta na kadalasan ay nauuwi sa pag-alingawngaw ng mga punglo at madugong tunggalian. Isa pang halimbawa ay ang pagbibigay ng ibang interpretasyon sa tunay na kahulugan ng nasyonalismo. Naipapakita ang kagyat na pagmamahal sa bayan sa pamamagitan lamang ng pagsusuot ng mg kasuotang may nakalimbag na larawan ng bandila o anupamang simbolo na kumakatawan sa Pilipinas. Ang totoong diwa ng nasyonalismo at patritotismo ay napapalitan ng hindi tunay na siya naming patuloy na lumalason sa kaisipan ng mg Pilipino.

Ang Kasalukuyang Kultura

Sa paglaganap ng Kanluranisasyon, umusbong din ang isang sistemang ekonomiko na naaayon sa dibuho ng isang Kanluraing merkado. Ang mga produkto na pawing nanggaling pa sa mga nakaririwasang bansa kagaya ng Estados Unidos, Canada, Tsina, Japan, Pransya at iba pang bansa sa Europa ay naglipana sa merkado ng mga mararalitang bansa kagaya ng Pilipinas. Dahil tinitingnan ang mga produktong galing sa ibang bansa bilang imported at sukatan ng karangyaan, maraming Pilipino ang nahuhumaling na bumili ng mga kagamitang nagbuhat pa sa Kanluran. Dahil dito, ang ilan sa mga kabataang Pilipino ay nahuhumaling din na makiayon sa takbo ng merkado na sadyang umaayon din sa dikta ng mga korporasyon at kumpanyang Kanluranin.

Dahil dito, naikintal sa ilang kabataang Pilipino ang kamalayang materyalista sa halip na kamalayang nasyonalista. Ang materialismo ang siyang naging  pangunahing kaisipan ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan. Kaalinsabay ng paglitaw ng modernisasyon ay ang pagkabuo ng isang paniniwala na ang pagkakaroon ng mga materyal na bagay, lalo na yaong mga mamahalin, ay mas mahalaga sa kung anupaman. Ang pansariling interes na lamang ang pinapangibabaw, at ang interes ng karamihan ay isinasantabi na lamang. Dahil sa kamalayang ito, napatatag ang diwang Kanluranin na siyang nagkikintal sa kanila na mas supeyor ang mga bagay na nagmula pa sa Kanlurang bahagi ng mundo kaysa sa sariling atin. Bilang resulta, ang pagkamakabayan ng mga kabataang Pilipino ay unti-unti nang nawawala sa kanilang kamalayan kaya’t may ilang mga kabataang Pilipino na hindi nakakaunawa sa mga naiambag ni Andres Bonifacio sa paglago ng nasyonalismo na siyang nagging dahilan ng pagkamit ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mga banyagang mananakop.

Ang mga nasabing salik ay may malaking bahagi na ginagampanan sa paghubog ng kamalayan ng mga kabataang Pilipino. Ang pagkakaroon ng isang kolonyal na sistema ng edukasyon na nagpaparam sa diwang nasyonalismo, kalakipan pa ng mass media na nag-uukit ng isang uri ng huwad na nasyonalimso at ang pag-usbong ng isang kalinangang materyalisra ay nakakaapekto sa kanilang kamalayan at maging sa pagkamulat ng mga kabataang Pilipino sa mga nagaganap sa lipunang kanilang kinabibilangan.

Paglalagom

 Sa paglalagom, ang teorya ni Antonio Gramsci (na binanggit kay Rosamond, 1997) ukol sa Ideological Hegemony ay karapat-dapat na maibahagi sapagkat ito ay makapagbibigay ng karagdagang kaliwanagan sa pagsuri at pag-unawa sa isyu. Ayon kay Gramsci, ang hegemony ay ideolohikal kapag ito ay (1) nakakaapekto sa pribadong aspekto ng buhay ng mga tao; (2) itinuturing na laganap at naghaharing ideolohiya sa lipunan; at (3) pumapabor sa mga naghaharing-uri. Ang hegemony ay nauukol sa paglaganap ng isang bagong-sibol na kaisipan na nakakaapekto ng malaki sa mga kasalukuyang paniniwala at tradisyon ng lipunan. Kung ating ilalalapat ang teorya ni Gramsci sa isyung sinusuri, ating mahihinuha na ang naghaharing iedolohiya ng mga kapitalista na siya namang nasasalamin sa kaisipang materyalismo. Ang pagtangkilik ng mga kabataang Pilipino sa mga produktong nagbuhat pa sa kabilang ibayo ay siyang nagpapatatag sa sistemang kapitalismo. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, ang ideolohiyang ito ay lubhang nakakaapekto sa takbuhin ng pag-iisip ng mga kabataan na siya naming tahasang sinabi sa teorya ni Gramsci. Isa na nga sa mga epekto nito ay ang ang unti-unting pagkawala ng panlipunang kamalayan ng mga kabataang Pilipino na siyang nagiging dahilan ng kanilang pagtutol sa pag-aaral ng buhay ni Bonifacio.

Ang sistema ng edukasyon at mass media ay mga salik na may malaking epekto sa pagbuo ng kamalayan ng mga kabataang Pilipino. Ang sistema ng edukasyon sa bansa ay maituturing na kolonyal sapagkat ito ay nagbuhat pa sa mga mananakop na banyaga. Ang layunin ng edukasyong ito ay apulahin ang alab ng nasyonalismo na sa atin ay nananalaytay nang sa gayon ay kanila tayong masakop at mapasunod alinsunod sa kanilang mga kagustuhan.  Binigyang puna naman ni Andrada (2011) ang mass media bilang responsable sa pagpapalawak ng isang uri ng nasyonalismong taliwas sa ipinakita ng ating mga bayani. Ang nasyonalismo na dapat nating isapuso ay naaayon sa nasynalismong ipinakita ng ating mga bayani kagaya ni Bonifacio. Ang nasyonalismong ito ay nararapat lamang na maging mass-based ngunit sa ngayon, ibang nasyonalismo ang nakatatak sa isipan ng mga kabataang Pilipino. Maging ang kulturang Kanluranin ay nagpapaiba rin sa pananaw ng mga kabataang Pilipino na sa halip na magtanim ng kamalayan, kaisipan ng banyaga ang siya pang naipupunla sa kanila.

Tunay ngang magkakaiba ang pananaw ng mga kabataang Pilipino kay Andres Bonifacio. Sadyang magkakaiba rin ang kanilang sukat sa kanyang kahalagahan bilang huwaran at haligi ng nasyonalismong Pilipino. Ngunit para sa karamihan ng kabataang Pilipino, si Andres Bonifacio ay nananatiling modelo ng nasyonalismo. Gayunpaman, ang pag-aaral ng kanyang buhay ay hindi nila sinasang-ayunan. Ang hindi pagsang-ayon ng mga kabataan sa HB 4353 ay maaaring nag-ugat sa paniniwalang isang pag-aaksaya lamang ng oras at panahon ang pagtuturo ng buhay ni Bonifacio sapagkat kanila na itong napag-aralan noong sila ay nasa elementarya at hayskul pa lamang. Maaari ring magmula ito sa mga nakaambang gastusin na kahaharapin ng mga mag-aaral sa sandaling maipasa ang batas, lalupa’t ito ay isang karagdagang asignatura na magdudulot din ng karagdagang bayarin sa matrikula ng mga mag-aaral.

Ngunit batay sa pagsusuring ito, ang PANLIPUNANG KAMALAYAN ng mga kabataang Pilipino ay ang mahihinuhang ugat ng isyung ito. Dahil sa iba’t ibang institusyon na patuloy na nag-uukit sa kaisipan ng mga kabataan, ang paghuhulma ng kanilang kamalayan ay lubhang naapektuhan rin. Hindi rin maitatanggi na unti-unting nawawala sa kanila ang diwang nasyonalismo at patriotismo na likas sa ating mga Pilipino nuonpaman. Dahil dito, ang kaugnayan ng buhay ni Bonifacio sa kasalukuyang kapanahunan ay nararapat lamang at kailangang ilagay sa pedestal ng kahalagahan.

Talasanggunian

Ang Mga Pensionado at Pensionada sa Kasaysayan ng Pilipinas

Leave a comment

Image

Sina Pilar Elumba at Olivia Salamanca ay ilan lamang sa mga Pilipinong mag-aaral na napabilang sa Programang Pensionado noong panahon ng Okupasyong Amerikano sa Pilipinas. (Kuha mula sa http://www.filam.si.edu)

AMERIKANISASYON SA EDUKASYON NG PILIPINAS

Kasabay noong pagdating ng mga Amerikano sa Pilipinas ay ang pagbabago sa sistema ng pamumuhay ng mga Pilipino. Isa sa mga naging salamisin ng pagbabagong ito ay ang pagbabago sa sistema ng edukasyon ng bansa. Buhat nang mawala ang mga Espanyol sa Pilipinas dahil sa pagsakop ng mga Amerikano rito, malaki ang ipinagbago ng sistema ng edukasyon ng bansa. Ito’y dahilan na rin sa uri ng pamamahala ng mga Amerikano kung ihahambing sa mga Espanyol pagdating sa larangan ng edukasyon.

SULYAP SA SISTEMANG PANG-EDUKASYON NG MGA ESPANYOL

Hindi natin maitatanggi na malaking papel din ang ginampanan ng mga Espanyol sa pagtatag ng haligi ng edukasyon dito sa Pilipinas. Ang mga Espanyol, o ang mga fraile sa partikular, ang nagpatayo at nangasiwa sa mga kauna-unahang paaralan at eskwelahan na itinayo sa ating bansa. Masasabi ring nakapagdulot ang mga institusyong ito ng kaalaman sa mga mapapalad nating kababayan pagdating sa mga usaping pang-akademiko at panrelihiyon.

Sa sistemang edukasyon ng mga Espanyol, malaki ang ginampanan ng relihiyon, partikular ang relihiyong Katoliko, lalupa’t isa rin ito sa mga asignaturang itinuturo sa mga mag-aaral. Ang mga pari ang nagsisilbing guro sa mga colegio dahil sa katuturang sila rin ang namamahala sa mga ito.

Ilan pa sa mga kapuna-punang mapapansin sa sistemang edukasyon ng mga Espanyol ay ang pagpapahalaga sa mga lalaki bilang tagapagdala ng karapatan na makapag-aral sa pormal na eskwelahan. Ngunit hindi naglaon ay naitatag din ang mga beaterio, isang makarelihiyong institusyon para sa mga babae. Masasabing hiwalay ang paaralan ng mga lalaki sa babae. Higit sa lahat, isa sa mga pangkaraniwan (o ang pinakapangkaraniwan) na mukha ng sistemang edukasyon ng mga Espanyol ay ang pagbibigay lamang sa mga mamamayan ng karapatang mag-aral. Nabibilang sa mga mapapalad na taong ito ang principales at ilustrados.

ANG ‘PAMANANG EDUKASYON’ NG MGA AMERIKANO

Ayon sa ilang mga mananaysay, isa sa mga pinakamahalagang ambag ng mga Amerikano sa ating mga Pilipino ay ang kanilang sistema ng edukasyon. Ang edukasyong ito na siyang sukbit na nila pagdating sa Pilipinas ay sadyang kakaiba kung ihahambing sa kaparaanan ng mga Espanyol. Napaunlad ang antas ng edukasyon sa bansa dahil sa pagkakatatag ng mga pampublikong paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa. Gayunpaman, malinaw ang naging layunin ng mga Amerikano sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa bansa. Ito ay ang tuluyang masakop ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagkubkob sa isipan at gawi ng mga Pilipino. Hindi na nakagugulat pa na ang pangunahing prayoridad ng mga Amerikano ay ang pagbibigay ng edukasyon sa mga Pilipino. Sa pagsisimula pa lamang ng okupasyong Amerikano noong 1898, may mga paaralan nang itinatayo sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.

Sinasabing may tatlong layunin ang kalakarang edukasyon ng mga Amerikano dito sa Pilipinas: una, para mapakilala sa mga katutubo ang demokrasya; pangalawa, para makintal sa mga Pilipino ang kanilang makabagong tungkulin; at pangatlo, para mapalaganap ang wikang Ingles sa buong kapuluan. Lahat ng mga ito ay nakasandig sa isang pangunahing layunin: ang pasipikasyon ng buong kapuluan.

Ang mga Amerikanong sundalo ang naging unang guro ng mga Pilipino sa panahon ng okupasyong Amerikano subalit hindi naglaon, noong Agosto 23, 1901, pinalitan sila ng 600 Amerikanong guro na ipinadala ng Amerika sa Pilipinas sakay ng barkong S.S. Thomas. Sila ang mga tinaguriang “Thomasites”. Bilang mga pampublikong guro, naatasan silang magturo sa mga paaralan bagaman mahirap dahil sa pagiging bago ng wikang Ingles sa pandinig ng mga katutubo. Upang mahikayat ang mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak, namimigay ang mga Amerikano ng libreng aklat at iba pang gamit sa paaralan.

Malaki ang naging ambag ng mga pampublikong paaralan sa pagsasakatuparan sa mga layunin ng Amerika sa bansa. Nagbigay-daan ang pampublikong edukasyon upang makapag-aral lahat ang mga kabataang Pilipino. Ipinasa ng Komisyong Taft ang Article No. 74noong Enero 1901 na nagsasaad ng pagkakatatag ng mga pampublikong paaralan. Dahil dito, nagtayo ng mga pampublikong paaralan, primarya at sekondarya, ang pamahalaan sa Maynila. Nagtayo rin ng mga paaralan sa lalawigan. Sa pagtatapos ng ika-19 siglo, mahigit 100,000 katutubong estudyante ang mga nag-aaral sa naipatayong paaralan. Sabay na pinasinayaan ang mga paaralang primarya at mga paaralang normal na naglalayong makapagsanay ng mga Pilipinong guro. Ang Ingles ang siyang naging midyum ng pagtuturo sa mga paaralan.

Bagaman ginawa na ang Ingles bilang wika ng pagtuturo sa mga eskwelahan, may mga paaralan pa ring nagtuturo gamit ang wikang Espanyol kagaya ng Universidad de Sto. Tomas, Escuela de Derecho (School of Law) at Instituto Burgos (Burgos Institute). Ngunit kinalaunan, napilitan ang mga paaralang ito na gumamit na rin ng wikang Ingles dahil sa “kompetisyon” at pagkahuli sa mga kalakaran ng lipunan. Halimbawa na lang ay ang paggamit ng wikang Ingles sa mga pampamahalaang pagsusulit.

Dahil sa paniniwalang magkahiwalay ang estado at ang simbahan, hindi na hinikayat ng mga Amerikano sa mga paaralan ang pagtuturo ng relihiyon. Naniniwala sila na walang kinalaman ang simbahan sa pagpapatakbo ng mga pampublikong paaralan. Ang tungkuling ito ay dapat nakaakibat sa pamahalaan. Dahil dito, naging opsyonal at hindi sapilitan ang pagtuturo ng relihiyon sa mga paaralan datapwat itinuturo pa rin ang kagandahang asal at tamang pag-uugali sa mga paaralan.

Sa sistemang edukasyong ito ng mga Amerikano, umaabot ng halos 15 taon ang pag-aaral ng mga Pilipino. Nagsisimula ito sa pitong taong pamamalagi sa paaralang elementarya (4 na taon sa kursong primary at 3 taon sa kursong intermediate). Ang mga nagsipagtapos sa paaralang ito ay maaaring magpatuloy sa kanilang pag-aaral sa mga paaralang sekundarya kung saan apat na taon ang kailangang gugugulin upang makapagtapos. Pagkatapos ay maaari nang pumasok sa mga paaralang pangkolehiyo ang mga nagsipagtapos sa sekondarya.

Noong 1903, itinatag ang Kawanihan ng Edukasyon (Bureau of Education) na naatasang mamahala sa mga kalakarang pang-edukasyon dito sa Pilipinas. Si Dr. David P. Barrows ang naging unang Direktor ng Edukasyon.

Dahil sa pagpapatayo ng iba’t ibang paaralan sa Pilipinas, tumaas ang bahagdan ng literasiya at pagkatuto ng mga Pilipino kung ihahambing noong panahon ng okupasyong Espanyol. Noong Hunyo 18, 1908, sa bisa ng Act No. 1870 na ipinasa ng Philippine Assembly at Philippine Commission, naitatag ang Unibersidad ng Pilipinas (kilala noon bilang American University of the Philippines). Ang pamantasang ito ang siyang nanguna sa larangan ng akademikong pananaliksik at namuno rin sa kampanya sa pagpapalaganap ng kamalayang pang-edukasyon sa mga lalawigan at pamayanang rural ng Pilipinas. Ilan pa sa mga paaralan, kolehiyo at pamantasan na naitatag sa Pilipinas sa panahon ng mga Amerikano ay ang mga sumusunod: Central Luzon Agricultural School, Philippine Nautical School, Philippine School of Arts and Trade, Philippine Normal School (na ngayon ay Philippine Normal University), Siliman University (kauna-unahang paaralang protestante sa Pilipinas), Centro Escolar University (itinatag ni Librada Avelino), Philippine Women’s University (itinatag ni Francisca Benitez) at Far Eastern University.

Naging malugod ang pagtanggap ng mga Pilipino sa sistemang edukasyong dala ng mga Amerikano. Bahagya nitong napapalitan ang sistemang edukasyon ng mga Espanyol.  Unti-unting dumami ang mga Pilipino na nagnanais mapunan ang kanilang pangangailangan sa edukasyon kahit ang sistema ay tahasang nakabalangkas sa pangangailangan ng mga banyagang mananakop.

ANG MGA PENSIONADO: MGA MODERNONG ILUSTRADO

Ang isa sa mga naging reperkusyon ng Amerikanisasyon ng edukasyon sa Pilipinas ay ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataang Pilipino na makapag-aral sa Amerika. Ang mga kabataang iskolar na ito ay tinawag na pensionados.

 ANG PROGRAMANG PENSIONADO

Pensionados ang tinawag sa mga kabataang Pilipino na ipapadala sa Amerika sa kadahilanang suportado ng pamahalaang Pilipino ang pagpapaaral sa mga estudyanteng ito. Ang programang pensionado (Pensionado Program) ay naisakatuparan noong Agosto 26, 1903 sa bisa ng Act No. 854 na mas kilala sa tawag na Pensionado Act na iniakda ni Trinidad H. Pardo de Tavera. Ang kawanihan ng Ugnayang Insular (Bureau of Insular Affairs) ang nangasiwa sa pagpapadala ng mga pensionado sa Estados Unidos. Ang kawanihan din ang namahala sa kalagayan ng mga pensionado habang sila’y nasa Estados Unidos.

ANG BATAS PENSIONADO (PENSIONADO ACT)

Ang Batas Pensionado (Act 854) ay isang batas na nagpapahintulot sa mga mahuhusay at kwalipikadong Filipino na makapag-aral sa Estados Unidos. Ipinasa noong 26 Agosto 1903 sa ilalim ng pamamahala ni Theodore Roosevelt at sa tulong ng Komisyo ng Pilipinas, ang batas na ito ay naglalaan ng kaukulang pondo para sa pag-aaral ng mga Pilipino sa Amerika.

ANG PAG-USBONG NG MGA MAKABAGONG ILUSTRADO

Naging masusi ang pagpili sa mga “magiging pensionados”. Pinili ang mga mag-aaral mula sa 37 lalawigan ng Pilipinas at masusing sinuri ang kanilang pagkakakilanlan at ang pag-ayon nila sa mga kwalipikasyong inilatag ng pamahalaang insular. Ang mga mag-aaral ay sumailalim sa isang iskrining at pagsusulit. Mula sa libu-libong mag-aaral na pinagpilian, 100 lamang ang pinili at ang mapapalad na pinili ay silang binigyan ng pribelehiyo na mabigyang edukasyon ng mga paaralan at institusyon sa Amerika. Ang dalawang naatasan upang sumuri at pumili ng mga kabataan na sasama sa unang pangkat ng pensionados na tutulak papuntang Amerika ay ang Pansangay na Tagapamahala ng mga Paaralan (Division Superintendent of Schools) at ang gobernador ng lalawigan.

May mga itinakdang regulasyon ang pamahalaan sa pagpili ng mga pensionado. Dapat ang isang pensionado ay nakapagtapos sa sekondarya at dapat kakitaan ng mabuting kaasalan at tamang pag-uugali (good moral character). Ang katayuan sa lipunan ng mag-aaral ay isinasaalang-alang din. Dapat din niyang mapasa ang isang pagsusulit na animo’y magsisilbing “entrance examination” na gaganapin sa Maynila.

Ang unang pangkat ng pensionado na ipinadala sa Estados Unidos ay binubuo ng 100 estudyanteng lalaki. Bago tumungo sa Amerika, ang bawat lalawigan kung saan nanggaling ang mga pensionado ay nagsagawa ng isang pagdiriwang o kasiyahan bilang isang ekspresyon ng pamamaalam at pagsabi na rin ng mapayapa at ligtas na paglalakbay sa mga pensionado. Pagkatapos ng ilang araw ng paglalakbay, narating ng mga pensionado ang Estados Unidos, partikular ang San Francisco, California noong Nobyembre 9, 1903. Ang mga pensionado ay ilan lamang sa mga kauna-unahang Pilipino na nakarating sa Amerika.

ANG MGA PENSIONADO SA AMERIKA

Ang Amerika ang naging pansamantalang tahanan ng mga pensionado. Malaki ang naidulot na pagbabago ng Amerika sa paraan ng pamumuhay ng mga Pilipinong pensionado.

Hindi nanirahan sa mga dormitoryo at bahay-pangaserahan ang mga Pilipinong mag-aaral. Nakipag-ugnayan ang Kawanihan ng Ugnayang Insular sa mga mabubuting pamilya sa Amerika at sa mga bahay na ito ng “mabubuting pamilya” nanirahan ang mga pensionado. Dalawang estudyante ang inilalagi sa isang tahanan. Bagamat iba sa kulturang kinalakhan, sinikap ng mga pensionado na makibagay sa pansamantalang mundo na kanilang ginagalawan.

Inilagay sa iba’t ibang institusyon, kolehiyo at pamantasan ang mga pensionado. Nag-aral ang mga pensionado katulad sa kaparaanan ng isang tipikal na Amerikanong estudyante. Binigyan ng natatanging atensyon ng mga propesor ang mga Pilipinong mag-aaral sapagkat gustong-gusto ng mga guro ang mga estudyante na puno ng kooperasyon at aktibo sa klase. Ang mga katangiang ito ay nakita ng mga guro sa katauhan ng mga pensionado. Ayon nga kay William Sutherland, ang mga Pilipinong mag-aaral ay sadyang magagalang at mababait. Sila ay seryoso sa kanilang pag-aaral at aktibong nakikilahok sa mga gawain sa paaralan.

Binigyang pansin din ng pamahalaan ang pagpili ng kursong kukunin ng mga pensionado. Ang kursong kanilang kukunin ang syang batayan ng kanilang magiging propesyon sa hinaharap. Kaya dapat ang kursong kukunin ng mga pensionado ay yong makakatulong sa pag-unlad ng kanilang bansa. Karamihan sa mga pensionado ay nag-aral ng medisina, inhinyeriya, edukasyon, at abugasya.

Sina Maximo Kalaw, Jorge Bocobo, Jose Garcia Villa, Encarnacion Alzona, Conrado Benitez, Josefa Llanes Escoda, Flerida Ruth Romero, Cecila Muñoz Palma, Honoria Acosta-Sison, Olivia Salamanca, Francisco Benitez at Jose Abad Santos ay ilan lamang sa mga Pilipinong mag-aaral na kabilang sa mga ipinadalang pensionado at pensionada sa Amerika.

Batid ng mga pensionadong Pilipino ang mga suliraning kinakaharap ng kanilang bansa. Batid nila ang “misyong” nakaakibat sa kanila. Batid nila ang kanilang layunin sa pagtungo sa Amerika; ang maging isang propesyonal at tumulong sa paglutas ng mga suliranin ng bansa na syang makakatulong sa pag-unlad nito. Determinado silang tapusin ang pag-aaral sa kursong pinili. Kapag natapos na nila ang kanilang pag-aaral ay babalik na sila sa Pilipinas. Batid nila na ang mga paghihirap na kailangang sugpuin ay nasa Pilipinas at wala sa Amerika.

Ang Kahalagahan ng Mga Pa-yo sa Kalinangang at Lipunang Ifugao

Leave a comment

Image

Ang mga kababaihang Ifugao. Kuha mula sa http://www.thingsasian.com

Kilala sa kanilang kasipagan at pagtitiyaga. Magigiting. Malaki ang kanilang pagpapahalaga sa kulturang kinagisnan. Nabiyayaan ng angking talento sa sining at panitikan. Kahanga-hanga. Natatangi.

Payak silang nammuhay sa mga bulubundukin ng Cordillera. Hinango sa salitang katutubong “ipugo” na nangangahulugang “tagalupa” ang katawagan sa kanila. Mayaman sila sa mga tradisyon at kaugaliang minana pa nila sa kanilang mga ninuno. Sumasamba sila sa libu-libong diyos at espiritu. Sila ang may pinakamalawak na kalipunan ng mga diyos sa bansa. Sila ay may 40 diyos ng hangin, ilakip pa rito ang kanilang mga ninuno at mga elemento ng kalikasan na kanila ring sinasamba.

Sila ang lumikha sa kamangha-manghang Hagdan-hagdang Palayan ng Philiippine Cordilleras. Hindi lamang ito nakilala sa boung Pilipinas, kung hindi pati na rin sa buong mundo. Ito ay nakatawag-pansin sa kabilang ibayo ng daigdig, dahilan upang mahirang ito bilang isang UNESCO World Heritage Site.

Walang pag-aalinlangang ang mga kababayan nating Ifugao ang siyang gumawa ng mga ito. Bunga ito ng kanilang pagpapagal sa loob ng mahabang panhon. Bawat Ifugao ay naglahad ng kamay upang tumulong sa pangangalaga ng “pa-yo”. Ang “pa-yo ay ang masasabing isa sa mga sumasagisag sa buhay ng mga Ifugao.

ANG MGA KALALAKIHAN AT KABABAIHAN SA LIPUNANG IFUGAO

“…sila ang gumawa ng pa-yo…Patunay
ito ng kanilang tibay ng loob…”

Malaki ang ginagampanan ng mga kalalakihan at kababaihan sa lipunang Ifugao.

Inaayos ng mga kalalakihang Ifugao ang mga nasirang pa-yo at pala ang kanilang gamit sa pag-aayos nito. Inaayos din nila nag mga kanal ng pa-yo. Naghahanap sila ng batong akmang-akma sa butas o puwang ng kanal. Sila rin ang naghahanda ng lupa para pagtamnan ng mga punla.

Minsan, naghahanap sila ng pagkakakitaan habang hinihintay ang panahon ng pag-aani. Lumuluwas sila sa bayan at doo’y pansamanatalng naghahanap-buhay upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ang paglilinis ng pa-yo at ang pag-aani ay tungkulin naman ng mga kababaihang Ifugao. Sila rin ang nagtatanim ng punla at nag-aalaga sa mga pa-yo. Dapat ay mapanatili nila ang kasaganaan ng tubig sa mga pa-yo upang hindi magbitak-bitak ang lupa.
Ang karamihan sa mga babaeng Ifugao ay naghahanap-buhay din upang matulungan ang kanilang mga asawa sa pagtatrabaho. Dinadala nila ang kanilang mga trabaho sa bahay upang maalagaan din ang kanilang mga anak. Kilala ang mga babaeng Ifugao sa galing nila sa paghahabi at paglalala.

ANG MGA PA-YO BILANG SALAMISIM NG LIPUNANG IFUGAO

“Ang pa-yo ang pinakamahusay 
na likha ng mga Ifugao…”  

Mahalaga ang mga pa-yo sa isang Ifugao.

Sa aspektong pang-ekonomiko, mahalaga ang mga pa-yo dahil ditto kinukuha ng mha Ifugao ang kanilang mga kakainin sa araw-araw. Pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng mga Ifugao. Sa mga pa-yo rin makukuha nag bigas na pangunahing pagkain ng mga Ifugao, at siya ring pangunahing sangkap sa paggawa ng “tapuy” (Ifugao rice wine) na mahalaga at hindi maaaring mawala sa mga pagdiriwangng mga Ifugao at sa pagsasagawa ng mga ritwal.

Sa aspektong kultural, napakahalag ng mga pa-yo dahil sagisag ito ng pagkamatatag, kasipagan, pagtitiyaga at katalinuhan ng mga Ifugao. Ang Cordillera ay isang nasukal at nabundok na lugar, at hindi nagging madali ang paggawa ng mga hagdan-hagdang palayan na ito. Gamit lamang ang mga palang gawa sa kahoy, pinatag ng mga ninunong Ifugao ang lupa. Pinatatag nila ng pundasyon ng lupa sa pamamagitan ng paglalagay ng mga batong pader na may taas na limang metro sa bawat pa-yo. Ang mga batong ito ay ga-higante sa laki upang matiyak na hindi guguho ang lupa sa mga pa-yo. Sinasabing dahil sa mga pa-yo nabuo ang ilan sa mga kaugaliang Ifugao na hanggang ngayon ay buhay pa rin, kagaya ng mga ritwal para sa pagtatanim at pag-aani na siyang pinamumunuan ng isang “umbaki”.

ANG MGA PA-YO SA KASALUKUYANG KAPANAHUNAN

“Nagbabago ang kulturang katutubo dahil
sa mga ideyang Kanluranin…”

May mga suliranin ding kinakakharap ang mga pa-yo ng Ifugao.

Isa na nga rito ay ang mga suliraning may kaugnayan sa klima. Nahaharap nayon ang mundo sa isang penomenon kung turingan ay “climate change”. Ito ay ang abnormal na pagbabago ng klima sa isang lugar. Malaki ang epekto nito sa mga Ifugao, pati na rin sa mga pa-yo. Ang pabagu-bago at abnormal na klima ay nagdudulot ng malaking pinsala sa mga pananim at paghina sa pundasyon ng lupa ng mga pa-yo.

Isama pa sa mga suliraning ito ang mga “peste” na siyang nagpapahirap sa pag-aalaga ng mga pa-yo kagaya ng mga kuhol at dagang-bukid. Isa itong pahirap sa mga Ifugao dahil nagsisilbi itong balakid sa pagkakaroon ng masaganang ani.
Isa pa sa mga suliraning kinakaharap ng mga pa-yo ay ang suliraning kultural. Ika nga, “sa paglipas ng panahon, may mga mababago at mawawala sa isang katutubong kultura.” Kung noon, inaalagaan ng mabuti ng mga Ifugao ang kanilang pa-yo, ngayon ang karamihan sa kania’y pinapabayaan na lang ng tuyo ang mga pa-yo at hinahayaan na lamang ito na magbitak-bitak. Nasakop na rin ng modernisadong mundo ang ilan sa mga Ifugao. Dala na rin ng matinding pangangailangan, ang karamihan sa kanila ay nakikipagsapalaran sa mga bayan at lungsod upang doon kumita ng mas malaki. Turismo ang isa sa mga malalaking pagkakataon upang kumita.

Hindi maiiwasan ang pag-usbong ng modernisasyon sa mga Ifugao. Mabilis ang paglaganap ng globalisasyon. Ito ay may mga positibo at negatibong epekto, at isa na sa mga negatibong epekto nito ay ang pagbabago sa katutubong kultura ng mga Ifugao. Halimbawa na lang ay ang suliraning kultural na nabanggit ko kanina. Ngunit batid ko na sa kabila ng mga ito, sinisikap ng mga Ifugao na itaguyod ang kanilang taal na kultura, at buong lakas nilang itinataguyod ang mga pa-yo na siyang nakasukbit na sa kanilang pagkakakilanlan bilang isang Pilipino.

Hinggil sa Mga Ginhawang Dulot ng Paghagod: Isang Suring-Aklat sa “Hilot: The Filipino Traditional Massage” nina Jaime Galvez Tan at Ma. Rebecca Maraña

Leave a comment

Image

“Ang hilot ay nakasalabid na sa ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Ito ay taal sa atin.” (Kuha mula sa http://www.healing.about.com)

Sa panahon kung saan halos gapiin na ng makabago ang tradisyonal, tunay ngang maituturing na isang tatak ng kalinangang Pilipino ang hilot.
 
Ang proliperasyon ng hilot kaalinsabay ng malagong pag-usbong ng Western biomedicine ay isang bagay na maaaring magpanting sa tainga ng isang medical practitioner na bihasa sa nasabing larangan. Walang pormal na pagsasanay sa Western biomedicine ang isang hilot sapagkat siya ay sinanay sa isang tradisyonal na uri ng panggagamot. Sa aklat na pinamagatang “Hilot: The Filipino Traditional Massage,” mapanuring inilahad nina Jaime Z Galvez Tan at Ma Rebecca V Maraña ang kasaysayan ng hilot sa Pilipinas, ang kahalagahan ng hilot sa tradisyonal na medisinang Pilipinp at ang mga prosesong nakapaloob sa tradisyong ito.
 
 
Ang Hilot at ang Tradisyonal na Medisinang Pilipino
 
Ang salitang hilot ay nagmula sa isang terminong Filipino na nangangahulugang “masahe”. Ang “hilot” ay maaaring tumukoy sa pamamaraan at sa taong nagsasagawa nito. Bilang isang pamamaraan, ginagamit ng hilot ang hagod (touch) bilang healing modality. Ang bawat lalawigan sa Pilipinas ay may kani-kanilang bersyon ng hilot. Ang sining na ito ay isinasagawa pa rin sa mga lalawigan ng Cagayan Valley, Batanes, Samar, Leyte, Negros, Davao, Agusan, Cotabato at iba pa. Gayundin, ang tradisyong ito ay patuloy na nananalaytay sa mga katutubong pangkat ng Manobo, Subanen, Maguindanao, Kankaney, Maranao at Tausug.
 
Ayon kina Tan at Maraña, ang hilot ay ang pangunahing bumubuo sa sistema ng tradisyonal na medisinang Pilipino. Sadyang napakahalaga ng papel na ginagampanan ng hilot sa kasaysayan ng kalusugan sa Pilipinas. Sinasabing ang tradisyonal na medisinang Pilipino ay umiral na bago pa man naganap ang pananakop ng mga Espanyol sa bansa. Humalaw ang ating sistema sa mga healing modality ng iba pang tradisyong ng panggagamot sa Asya. Naging malaking impluwensya ang mga tradisyonal na medisina ng karatig-bansa, kagaya ng Tsina (Traditional Chinese Medicine) at India (Ayurvedic Medicine), sa paghubog ng sistema ng tradisyonal na panggagamot sa Pilipinas.
 
 
Ang Hilot at Kasaysayang Pre-Kolonyal
 
Lubos na pinagpipitaganan ang mga hilot noong dakong una sapagkat sila ay nauugnay sa mga aspektong ispiritwal. Ang panghihilot ay tinitingnan bilang isang handog mula sa Kaitaas-taasan. Sa ibang salita, ang hilot ay hindi lamang nagpagagaling ng mga karamdaman kung hindi siya ay tumutulong din sa pagpapabuti ng relasyon ng isang tao sa kanyang Maykapal at pagpapanumbalik ng sanib-lakas ng pamayanan. Dahil ang kanyang panggagamot ay isang biyaya, hindi siya tumatanggap ng kabayaran para sa kanyang serbisyo maliban sa mga kusang-loob na donasyon at regalo kung mayroon man. Hinihimok din niya ang kanyang mga pasyente na tumulong sa mga nangangailangan, alagaan ang yaong mga nakararanas ng pagdarahop, at humingi ng kapatawaran sa mga taong kanilang nasaktan.
 
Hindi lingid sa kaalaman ng mga Kastilang mananaysay ang hilot. Bago isagawa ang aktwal na panggagamot, ang isang hilot ay nagdaraos muna ng isang pambungad na ritwal at pagsasambit ng mga orasyon bilang pagpapaalam at paggalang sa Kaitaas-taasan. Sa mata ng Simabahang Katoliko, ito ay isang gawain ng demonyo na kailangang masugpo kapagdaka. Palibahasa’y sinanay sa medisinang Europeo, ang mga Espanyol ay hindi nag-atubiling bansagan na “pagano” ang sinuman na nagsasagawa at tumatangkilik sa panggagamot na ito. Humantong ito sa pagtataboy sa mga katutubong Pilipino sa bundok at madugong persekusyon sa hanay ng mga katutubong ayaw lubayan ang tradisyong nakagisnan.
 
 
Pagdadalumat ng Kalusugan at Karamdaman sa Tradisyonal na Medisang Pilipino
 
Upang lubos na maunawaan ang sistema ng hilot, dapat na mabatid ang mga konseptong kakawing ng tradisyon na ito.
 
Kaisa ng tao ang kalikasan at kaisa ng kalikasan ang kalawakan. Ang tao, bilang microcosm, ay nakaugnay sa kalawakan, ang macrocosm. Ang anumang nagaganap sa kalawakan ay may epekto sa tao, mabuti man o masama. Ang mga gawain ng tao dito sa kalupaan ay may malaking epekto rin sa kalawakan. Halimbawa, hindi malayong magkaroon ng pagkaubos sa mga likas na yaman kung hindi igagalang ng tao ang kalikasan at patuloy niya itong sisirain. Dito nakaugat ang labis na pagpapahalaga ng ating mga ninuno sa kalikasan.
 
Ang kahit anumang matatagpuan sa kalawakan ay binubuo ng apat na pangunahing elemento ng kalikasan: lupa (earth), tubig (water), hangin (wind) at apoy (fire). Upang mapantili ang kapayapaan at kaginhawan, kailangang mapanatili ang balanse ng mga elementong nabanggit. Kapag naglaho ang balanse, ang sangkatauhan ay mkararanas ng sakit at kahinaan. Bilang karagdagan, ang mga bagay sa mundo ay maaaring iuri sa dalawa: malamig o mainit. Ang pananatili ng balanse ng dalawang pwersa ay magdudulot ng ginhawa sa katawan. Sa kabilang banda, ang pangingibabaw ng isang pwersa laban sa isa ay maaaring magdulot ng hindi kanais-nais na epekto sa katawan ng isang tao.
 
Ang ating mga ninuno ay naniniwala rin na ang bawat isa, may buhay man o wala, ay nagtataglay ng kisig (energy/bio-electrical energy) na dumaraloy sa kalawakan. Ang kisig ay nabubuo kapag nagkakaroon ng interaksyon ang dalawang magkatunggaling pwersa sa kalikasan (hal., malamig at mainit; tubig at apoy). Ang kisig ay ang ang katumbas na konsepto ng chi sa tradisyonal na medisinang Tsino at prana sa medisinang Ayurvedic ng India.
 
Kung susuriin, masasabing malaki ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kalikasan at pagpapanatili ng balanse nito. Ang paradaym na ito ay sadyang iba kung ihahambing sa kasalukuyang sistema ng medisina. Para sa huli, ang karamdaman ay sanhi ng mga mikrobyo at peligrosong mga bacterium na nabubuhay sa ating paligid. Sa tradisyonal na medisinang Pilipino, ang karamdaman ay bunga ng pagkawala ng balanse at armonya sa pagitan ng tao at kalawakan, sa pagitan ng tao at kanyang kapaligiran, sa pagitan ng tao at kanyang kapwa, at maging sa internal na sistema ng isang tao. Gayunpaman, mayroong mga bagay kung saan nagsasalimbayan ang tradisyonal at makabagong sistema. Halimbawa, ang tradisyonal na konsepto ng kisig ngayon ay naipakikilala sa at binibigyang-patunay ng mga makabagong kagamitan kagaya ng electrocardiogram (nagpapakita ng elektrikal na enerhiya ng puso), electroencephalogram (elektrikal na enerhiya ng utak) at electromyogram (elektrikal na enerhiya ng mga kalamnan).
 
 
Ang Hilot at ang Kasalukuyang Panahon
 
Ang patuloy na pag-usbong ng hilot sa bansa ay mayroon mga implikasyon. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusnod: (1) Ang patuloy na paglago ng hilot ay isang magandang senyales sa pagpapanatili ng ating mga taal na pamanang-kultural; (2) Maaaring magbukas ng bagong pinto ang hilot sa turismo ng bansa; at (3) Ang patuloy na paglaganap ng hilot ay maaaring larawan ng isang mahinang pampublikong sistema ng kalusugan.
 
 
Hinubog ng Kasaysayan
 
Hindi maitatangi na ang hilot ay isang tradisyon na binuo at hinubog ng kasaysayan. Dahil wala pang pormal na sistema ng panulat noong dakong una, ang mga pamamaraan ng hilot ay naipapasa sa pamamagitan ng salita. Nabuhay ang tradisyong ito sa pagsasalin-salin mula sa isang angkan patungo sa isang henerasyon. Noong kasagsagan ng pamamaslang ng mga mananakop na Espanyol sa mga herbolario, espiritista at babaylan, ipinagpatuloy ng mga natirang manggagamot ang tradisyon hanggang sa umabot ito sa ating panahon. Samakatuwd, higit pa sa isang payak na masahe ang hilot sapagkat ito ay isang repleksyon ng paraan ng pamumuhay ng mga Pilipino.
 
 
Ang Hilot sa Nananaig na Pop Culture
 
Upang mas maipakilala at mapaunlad ang hilot bilang isang uri ng tradisyonal na panggamot, ang hilot ay napabilang bilang isa sa mga serbisyo na inaalok ng bansa sa turismong medikal. Dahil sa popularidad ng wellness tourism sa atin at maging sa iba pang panig ng mundo, hindi naging mahirap ang pagpapakilala ng hilot sa merkadong komersyal.
 
Dito sa Pilipinas, may mga organisasyon kagaya ng Association of Traditional Health Aid Givers Inc. (ATHAG) na nagsasagawa ng kaukulang programa upang maalis sa kamalayan ng mga Pilipino ang negatibong pagtingin sa hilot na itinuturing na isa sa mga idinulot ng Okupasyong Espanyol. Noong 2005, ang hilot ay nahirang bilang nominado sa Spa Treatment of the Year ng Baccarat Inaugural Awards sa Hong Kong. Napabilang din ito sa “Hot and Getting Hotter List of 2006 Trends” ng websayt na Spa Finder.
 
Kamakailan lamang, ang Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) ay naglabas ng isang bagong prgorama sa ilalim ng kursong Health, Social and Other Community Services. Ito ay ang Hilot Wellness Massage na naglalayong ipalaganap sa bansa at gawing sistematiko ang panggagamot gamit ang mga pamamaraan ng hilot.
 
Salamin ng Isang Mahinang Sistema ng Pampublikong Kalusugan
 
Masasabi na ang patuloy na pag-usbong ng hilot ay isang larawan ng kalagayan ng pampublikong kalusugan sa bansa.
 
Para sa karamihan ng mga Pilipino, lalo na yaong mga nakatira sa lalawigan, ang hilot ay isa sa mga interbensyong madalas kunin kapag ang isang miyembro ng kamag-anak ay nakararanas ng sakit o karamdaman. Sadyang may kalayuan ang mga klinika at pagamutan sa mga lalawigan sapagkat ang mga ito ay nakabase pa sa mga lungsod. Sa mga bayang hindi pa naaabot ng makabagong kabihasnan, ang hilot ay isa nang subok na paraan upang mapagaling ang sinumang may karamdaman.
 
Subalit dahil sa modernisasyon at globalisasyon ng mga sakit, naglipana  ngayon ang mga karamdaman na hindi na napagagaling ng pagtukoy lamang at pagparam sa mga lamig na makikita sa katawan. Ito ay ang mga uri ng sakit na kapag hindi naagapan ay maaaring magdulot ng pagkawala ng buhay. Sa mga usapin ng sakit na kailangan ng pangmatagalang lunas, higit pa sa masaheng tradisyonal ang kailangan ng isang tao. Dahil sa kawalan ng akses sa mga pampublikong pagamutan, hinahanap ng mga Pilipino ang mga interbensyong pangkalusugan na abot-kaya ng kanilang bulsa; kung mayroon mang mga pagamutan, saydang napakamahal naman ng sinisingil para sa inaalok na mga serbisyong medikal. Kaya hindi na nakapagtataka na ipinagkakatiwala na lamang ng karamihan sa mga Pilipino ang kalagayan ng kanilang kalusugan sa mga tradisyonal na uri ng panggagamot.
 
Ang hilot ay nakasalabid na sa ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Ito ay taal sa atin. Nakatutuwa ang mga kampanyang inilulunsad upang mas maipakilala pa sa kasalukuyang henerasyon ang tradisyong ito. Subalit hindi ba mas mainam kung, kasabay ng pag-unlad ng tradisyonal na panggagamot, mabibigyang-halaga din ang kasalukuyang sistema ng kalusugan? Tunay ngang may mga bagay na nangangailangan ng higit pa sa hagod ng kamay. Tunay rin na ang pag-unlad ng sistema ng pampublikong kalusugan sa ating bansa ay ang pag-unlad din ng bawat Pilipino.
 

 

 

Mga Sanggunian

Hinggil Sa Pakikibaka ng Mga Pilipino

Leave a comment

Ito ang Lahi ng mga Magigiting. Ito ang Lahing Kayumanggi.
Ito ang lahi na hindi takot sa mga alingawngaw ng punglo. Ito ang lahi na nakipaglaban sa mga mananakop gamit lamang ang mga itak, sibat, pana at sulo.
Iisa lang ang lahi ko, at ito ay ang lahing Pilipino.

Ikinintal na ng panahon ang diwang pagkamakabayan sa ating mga Pilipino. Hindi maitatanggi ang pagmamahal natin sa ating sariling kalayaan. Noon pa mang panahon ng pananakop hanggang sa kasalukuyang kapanahunan, ang mga Pilipino ay nasangkot na sa mga samu’t saring pag-aalsa laban sa mga taong gusto silang ibagsak.

Hanggang ngayon, ipinagpapatuloy ng mga Pilipino ang kanilang naantalang rebolusyon.

NAHALINA ANG MGA DAYUHAN SA LUPANG HINIRANG
Sa loob ng mahabang panahon, napasakamay ang bansang Pilipinas sa mga mananakop at kolonyalista. Kung ating babalikan ang kasaysayan, noong 1521 sinimulan ng Portuges na si Ferdinand Magellan ang “pagkontrol” sa ating bansa ngunit siya ay nabigo. Nasundan pa ito ng ilang pagtatangka hanggang nagtagumpay si Miguel Lopez de Legazpi sa kanyang adhikain. Dito pormal na nagsimula ang pagsakop ng mga Espanyol sa Pilipinas na tumagal ng 333 taon. Habang nagdiriwang ang mga Pilipino sa kasarinlang nakamit, may isa na namang pangkat ng mga mananakop ang nagbabadya na sumakop sa lahing kayumanggi. Sila ang mga Amerikano na buhat pa sa kanlurang bahagi ng mundo. Hindi nagtagal, pumalit ang mga Hapones sa mga Amerikano at tumagal ng tatlong taon ang pagsakop nila sa atin.

ANG MASANG PILIPINO AT ANG MGA MANANAKOP
Kung hind lumaban ang masang Pilipino, malamang hanggang ngayon ay sakop pa rin tayo ng Espanya.

Mangilan-ngilan lang sa atin ang nakakabatid ng tunay na kahalagahan ng “pakikipagalaban para sa bayan.” Kaunti lang din sa atin ang nakakaalam na hindi biro ang pinagdaanan at pinagdadaanan ng mga Pilipinong uhaw sa tunay na kalayaanNoong panahon kung saan laganap ang pang-aabuso sa karapatan ng mga tao, nagsilbing ilaw ang mga Pilipino sa kanyang kapwa Pilipino na maliwanagan sa mga nangyayari sa kanyang bayan. Nariyan si Rizal na sumulat ng mga nobelang nagpausok sa bunganga ng mga prayle, ang “Noli” at “El Fili”. Nariyan ang La Solidaridad ng mga propagandista. Malaki ang mga ginampanan nito sa masang Pilipino sa pagpapaalab ng kanilang damdaming makabayan. Nagsilbing paalala rin ang rebolusyon nina Francisco Dagohoy, Diego Silang, Gabriela Silang, Andres Bonifacio at iba pa na hindi na makatarungan ang kanilang pinaggagagawa sa atin.
Sa kabila ng mga ito, hindi naisip ng mga mananakop na tayo ang bumubuhay sa kanila. Tayo ang gumagawa ng mga produkto sa kanilang pabrika. Tayo ang sumasaka sa mga lupa nila na sa katotohanan ay sa atin talaga. Tayo ang mga nagtataguyod ng azucarera at pabrika ng mga alak at sigarilyo. Tayo ang nagpapakahirap upang may makain ang mga malalaki nilang tiyan. Sa kabila ng mga ito, tayo pa ang yinurakan ng mga karapatang dapat sana ay sa atin.
Samakatuwid, hindi lang malaki kung hindi napakalaki nang ginmpanan ng masang Pilipino sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas.

MGA ADHIKAING MAKABAYAN: BUMUBUHAY SA MASANG PILIPINO
Hindi nakipaglaban ang masang Pilipino para lang sa wala.

Iba’t ibang hangarin at adhikain ang bumubuhay sa mga Pilipino sa kabila ng mga dinaranas na pasakit at siphayo.

Noong kapanahunan ng Espanyol, labis na ikinagalit ng mga Pilipino ang mga suliraning agraryo o ang mga pang-aabuso sa kanila bilang mga magsasaka. Nais lamang ng mga Pilipino ang pagpapanumbalik ng mga makatarungang karapatan para sa kanila.
Maraming ninanais ang mga Pilipino noong panahong iyon. Ninanais nila ang tamang pagpataw ng mga buwis at tributo. Ninanais nila ang mga reporma sa lupa. Nais nila ang pagkakapantay-pantay. Nais nila ang kalayaan. Hangga’t hindi nakukuha ang kanilang mga ninanais, hindi sila titigil sa pakikibaka.

Ganoon din ang mga ipinaglaban ng mga Pilipino noong panahon ng mga Amerikano at Hapones. Hangad ng mga Pilipino noon na mapangalagaan ang kanilang kalayaan. Gusto nilang mapaalis ang mga mananakop sa “tinubuang lupa” dahil hindi naman hangarin ng mga mananakop na ito ang paunlarin ang bansa natin, kung hindi paunlarin ang mga sarili nila mismo.

Sa pagtatapos ng pananakop ng mga Hapones, akala natin ay malaya na tayo. Hindi pa natin lubusang naangkin ang kalayaan. Patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng masa, at patuloy itong makikipaglaban hanggang sa makuha nito ang mga adhikaing bumubuhay sa kanila.

*Isinulat noong Nobyembre 19, 2009.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 47 other followers