Sa Ngalan ng Mas Murang Panlunas: Pagsinsay sa mga Popular na Paniniwalang Pilipino Hinggil sa Pag-inom ng mga Dietary Supplement

Image
Sa pagsisimula ng dekada 2000s, naging prominente sa merkado ang iba’t ibang uri ng dietary supplement na may kanya-kanyang pangako sa sinumang makaiinom nito. Sa paglipas ng dekada, naging palasak na para sa mga Pilipino ang pag-inom ng mga suplementong ito kahit hindi naman nireseta ng doktor.

Noong nasa lalawigan pa lamang ako, madalas ko nang marinig ang salitang food supplement. Ang aking lola at tiyahin ay tila may kahun-kahong koleksyon ng mga tsaa, tablet at kapsula sa aming bahay. Marami nang iniindang karamdaman si Lola, ganoon din ang aking Tita. Madalas idaing ng huli ang pananakit ng kanyang mga binti sa kaaakyat sa burol kung saan makikita ang pampublikong paaralan kung saan siya nagtuturo. Kaya sa tuwing dumarating ako sa bahay pagkagaling sa eskwela, hindi na nakapagtataka pang naaabutan ko siyang umiinom ng kulay dilaw na tsaa sa paniniwalang maiibsan nito ang sakit na kanyang nadarama buhat sa maghapong pag-akyat-panaog sa burol.

Ayon sa ulat ni Dr Isidro Sia (2008) ng UP College of Medicine, itinuturing ng nakararami sa mga Pilipino na nakagagaling ng karamdaman ang pag-inom ng mga food o dietary supplement. Sa pagsisimula ng dekada 2000s, naging prominente sa merkado ang iba’t ibang uri ng dietary supplement na may kanya-kanyang pangako sa sinumang makaiinom nito. Sa paglipas ng dekada, naging palasak na para sa mga Pilipino ang pag-inom ng mga suplementong ito kahit hindi naman nireseta ng doktor. Idagdag pa rito ang paglabas ng mga patalastas ng mga food supplement manufacturers sa telebisyon at radyo na siyang nakapagpatingkad pa sa popularidad ng mga dietary supplement sa bansa.

Sa pagbibigay-kahulugan ni Dr Sia (2008), ang dietary supplement ay isang produkto na naglalaman ng mga bitamina at mineral na naglalayong mapataas ang total dietary intake ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang pag-inom nito. Sa isang panayam, sinabi ni Dr Jessica Perez ng Philippine General Hospital (PGH) na ang dietary supplement ay yaong idinaragdag lamang sa kinakain ng isang tao. Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang My Marvel Taheebo, Optein, Amapalaya Plus, Heartvit, Fitrum, Arthro, Kidenycare, Fern C at iba pa. Nilinaw ni Dr Perez na ang dietary supplement ay hindi maituturing na isang gamot. Ibig sabihin, wala itong kakayahan upang dagliang makapagpagaling ng isang karamdaman. Patunay rito ang tanyag na linya na binabanggit sa patalastas ng mga dietary supplement na “no approved therapeutic claims”. Nangangahulugan ito na wala pang pag-aaral na nakapagpapatunay na nakagagamot ng sakit o karamdaman ang mga produktong ito.

Ayon sa mga kompanya na siyang gumagawa ng mga dietary supplement, tinataglay ng kanilang produkto ang mga esensyal na sustansya at mineral na siyang kailangan ng katawan sa paglago nito. Maaaring ito ay totoo sapagkat masasabing mayaman ang mga dietary supplement sa bitamina kagaya ng Vitamin B complex na siya namang matatagpuan sa mga produktong ito. Subalit ang bitaminang ito ay maaari ring makuha sa mga pagkain katulad ng mani, itlog, atay, isda, karne, prutas at iba pa. Samakatuwid, hindi lamang sa mga dietary supplement eksklusibong matatamo ang mga sustansya na kinakailangan ng katawan para sa restorasyon nito.

Kung gayon nga, bakit marami pa rin sa mga Pilipino ang nahuhumaling na bumili ng dietary supplement bitbit ang paniniwalang makagagamot ito sa kanilang mga karamdaman? Dahil ba ito sa umuusbong na health consciousness sa hanay ng mga Pilipino? Kakulangan sa diseminasyon ng mga nararapat na impormasyon? Kung susuriin ng malaliman, mapagtatanto na may mga panlipunan, kultural at politikal na aspekto ang laganap na paniniwalang ito ng mga Pilipino.

Isang mahalagang salik sa pagpapanitili ng ganitong paniniwala ang kultura. Sa panahon kung saan iilan na lamang ang mga tahanan na walang telebisyon o radyo, ginagampanan ng media ang malaking papel sa paglaganap ng paniniwalang nakagagaling ang mga dietary supplement. Ayon kay Perez, nakaiimpluwensiya ng mga opinyon at kagustuhan ng mga tao ang pag-endorso sa mga dietary supplement ng mga kilalang aktor kagaya nina Robin Padilla para sa Liveraide, Iza Calzado para sa Optein, at Judy Ann Santos para sa Fitrum. Nakapaglilikha ng ilusyon ang mga patalastas na ito sapagkat dinadala nito ang mga nakapapanood ng patalastas sa paniniwalang “magiging kasinlusog o kasingkisig din ako ni (pangalan ng artista) dahil umiinom din siya nito”. Isama pa rito ang linyang binabanggit sa pagtatapos ng mga patalastas na ito: “no approved therapeutic claims”. Hindi kaagarang mauunawaan ito ng mga tagapanood lalo na yaong mga walang sapat na kaalaman sa medisina. Maaari pa itong magdulot ng isang maling paniniwala dahil sa maling pag-unawa ng linyang ito. Halimbawa, sa probinsya kung saan ako nagmula, ipinagpapalagay ng aking lola na ang ibig sabihin ng linyang nabanggit ay wala pang natutukoy na side effects ang pag-inom ng mga suplementong napapatalastas sa telebisyon.

Hindi rin dapat isantabi sa usaping ito ang pagkakaroon ng mga Pilipino ng mataas na antas ng interpersonal trust. Nagpapatunay rito ang mga sitwasyon kung saan mas ating pinahahalagahan ang payo ng ating mga magulang o kamag-anak hinggil sa isang sakit kaysa sa mga payo ng eksperto. Nagbigay ng isang halimbawa si Dr Perez: Usually kasi ang mga Filipinos, halimbawa: ako, umiinom ako ng ganitong supplement, nakaramdam ako ng kaginhawaan or parang improvement, gumaan ang aking pakiramdam. And then, pwede niyang sabihin, i-ooffer niya sa kaibigan niya o sa kapitbahay niya na ganoon din ang nararamdaman at sasabihin niya, ‘Naku, ganyan din ang nararamdaman ko dati pero nang uminom ako ng ganitong gamot, ganitong supplement, um-OK na ang pakiramdam ko.’” Idinagdag din niya na madalas man sa hindi, tinatanggap ng ilang Pilipino ang mga subhetibong testimonya ng taong malalapit sa kanila bilang isang piraso ng katotohanan.

Bukod sa kultura, napakahalagang salik din ng katayuan sa lipunan o estadong sosyo-ekonomiko ng nakararami sa mga Pilipino. Nabanggit ni Perez na hindi lahat ng mga Pilipino ay may pinansyal na kakayahan upang makapagpakonsulta sa doktor. Dahil sa kakulangan sa sapat na kaalaman hinggil sa sakit na iniinda, mas pinipili na lamang ng mga tao na gumamit ng isang ‘medikasyon’ na hindi hamak na mas mura kung ihahambing sa .pagpapatingin sa isang manggagamot. Dala na rin marahil ng desperasyon at kasabikan na kaagarang makita ang positibong resulta, ibinibigay ng ilan sa mga Pilipino ang kanilang tiwala sa mga dietary supplement.

Kaugnay din ng usaping ito ang pagkakaroon ng kakulangan sa pampublikong pagamutan at klinika sa Pilipinas. Matagal nang suliranin ng bansa ang kalunus-lunos na kalagayan ng public health system sa bansa. Halaw mula sa aking personal na karanasan, isang halimbawa rito ay ang kalagayan ng aming barangay sa lalawigan. Upang makarating sa isang pampublikong ospital, kailangan pang bumiyahe ng mga residente roon ng isa’t kalahating oras. Mayroong nag-iisang pribadong klinika sa barangay subalit sadyang napakamahal ng kanilang sinisingil sa mga inaalok nilang serbisyo. Kung ihahambing sa ilan pang mga barangay na matatagpuan sa gawing itaas ng kabundukan, masasabing mapalad na kami. Hindi na nga nakapagtataka kung bakit hindi taal sa kulturang Pilipino ang pagpapakonsulta sa mga doktor na sinanay sa Western biomedicine. Una sa lahat, isang rekisito sa ganitong gawi ang maayos at epektibong sistema ng pampublikong kalusugan sa Pilipinas. Hindi na rin nakapagtataka kung bakit ang mga taga-lalawigan ang nagiging unang panatiko ng mga dietary supplement. Sa amin, walang mga manggagamot na tumutungo upang magbahagi ng kaalaman hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa kalusugan. Wala ring nars na makapagpapaliwanag sa mga residente roon na hindi lang basta-bastang iniinom ang mga suplemento ng walang reseta ng doktor. Wala ring health service worker na makapagsasabi na maaaring makapagpalala pa sa mga nararamdaman nating sakit ang labis na pag-inom ng mga suplementong ito. Hindi na rin nakapagtataka na umaasa na lamang ang mga residente roon sa mga testimonya ng kanilang kapitbahay at kamag-anak na pawang subhetibo.

Upang maitama ang ganitong maling paniniwala, inirekomenda ni Perez na kailangang mapaigting ang diseminasyon ng mga tamang impormasyon at pagwawasto sa mga maling impormasyon na malimit ipalabas sa mass media. Halimbawa, kailangang maipaliwanag sa mga tagapanood ang tunay na kahulugan ng linyang “no approved therapeutic claims”.  Aniya, “[h]alimbawa, sa commercial, pagka sinabi mong “therapeutic claims” kasi ‘di nga naman maiintindihan ng mga pasyente. Oo, sinabi niyo nga po na “no therepautic claims” pero maiintindihan po kaya ng mga viewers natin iyon? So kailangang sabihin siguro na “ang ibig sabihin po ng ‘no therepautic claims’ ay wala pa pong pag-aaral na nagsasabing nakagagaling ito na parang gamot.” Bilang karagdagan, kanya ring iminungkahi na dapat ding maipaliwanag ang mga salitang teknikal na may kaugnayan sa pag-inom ng mga dietary supplement. Sa pagtatapos, nagbigay ng payo si Perez hinggil sa pagpapanatili ng magandang kalusugan: “…aside from supplements at medications na nirereseta ng doktor ngayon, syempre dietitians kami, nakikita namin ang importance ng proper diet. So maliban doon sa medications, pagma-manage din ng iba’t ibang sakit. Importante din talaga iyong tamang plano ng pagkain.”

Hindi maitatanggi na isang repleksyon ng kasalukuyang estado ng public health system ang paglaganap ng mga maling paniniwala ng mga Pilipino hinggil sa pag-inom ng mga dietary supplement. Kabalintunaan na maituturing ang pagkakaroon ng ganitong paniniwala sa isang makabagong panahon kung saan kaliwa’t kanan ang mga naisasagawang pananaliksik sa larangan ng biomedicine. Kung natutupad lamang ng estado ang kanyang tungkulin na epektibong maitaguyod ang mabuting kalusugan ng kanyang mga mamamayan, hindi na kailangan pang itaya ng mga Pilipino ang kanilang kalusugan sa mga ‘murang panlunas’ na, una sa lahat, ay hindi naman makagpadadala ng tiyak na kagalingan.

Mga Batis:

http://www.philspenonline.com.ph/Dr_isidro_sia.pdf

http://www.euromonitor.com/vitamins-and-dietary-supplements-in-the-philippines/report

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s