Pag-igpaw sa Modernismo: Ang Salimbayan ng Medisina at Postmodernism

Hindi kailanman pumasok sa aking isip ang paggamit ng pilosopiyang Postmodernism sa larangan ng medisina. Una ko itong narinig noong ako’y nasa ikalawang taon pa lamang sa kolehiyo. Mabilis na lumaganap ang aplikasyon ng pilosopiyang ito sa larangan ng politika. Halimbawa, naging malinaw sa ilang mga aklat na isinulat ni Michel Foucault, isang Pranses na political scientist, ang mga simulain ng Postmodernism. Ang Postmodernism ay nagsilbing mariing kritiko ng pilosopiyang Modernist.

Hindi na kagulat-gulat ang pag-usbong ng Postmodern medicine. Ito ay kung ako ang tatanungin. Datapwat kung ang mga doktor, siyentista at ilang mga panatiko ng Western biomedicine ang hihingan ng kuru-kuro sa bagay na ito, marahil ay magbibigay sila ng isang malalim na buntong-hininga. Ang konsepto ng Postmodern medicine ay hindi naaangkop sa kasalukuyang dulog na ginagamit ng mga mag-aaral ng biomedicine sa pag-aaral at aplikasyon ng nasabing larangan.

Ang Postmodern medicine ay isang dulog sa pag-aaral at aplikasyon ng medisina na nagpapakilala sa salimbayan ng tradisyonal na (alternatibo, komplementaryo) at modernong (kombensyonal, popular, may pagkiling sa agham) paraan ng panggagamot. Sa madaling salita, ang Postmodern medicine ang bunga ng pagtatangkang mapagkasundo ang dalawang nagtutunggaliang dulog sa larangan ng medisina. Hinalaw ang balangkas ng Postmodern medicine sa iba’t ibang larangan ng pag-aaral: pisika, pilosopiya, sining, antropolohiya, sosyolohiya, araling panlipunan at ang mga agham panlipunan. Ang ilan sa naging produkto ng Postmodern medicine ay ang paglaganap ng mga alternatibong paraan ng medisina kagaya ng ayurvedic medicine, acupuncture, therapeutic touch at homeopathy. Ayon sa ulat nina O’Mathuna at McCallum noong 1996, 32 sa 125 na mga paaralang medikal sa Estados Unidos ang nag-alok ng mga kursong patungkol sa alternatibong medisina.

Nakasalabid sa usaping ito ang matagal nang tunggalian sa pagitan ng tradisyonal at makabago. Itinuturing ng biomedicine ang traditional medicine bilang isang larangan na gumagamit ng mga paraang hindi makaagham, yaong mga paraang batay lamang sa mga paimbabaw na paniniwala at tradisyong walang tiyak na basehan. Sa kabilang banda, itinuturing naman ng traditional medicine ang biomedicine bilang isang larangan na walang pagpapahalaga sa pamanang kultural at nakagisnang tradisyon. Sa tunggaliang ito ipinanganak ang Postmodern medicine. Nais pagkasunduin ng huli ang dalawang paksyon. Dahil sa Postmodern medicine, ang mga pagtingin ukol sa alternatibong medisina, na noon ay hindi tinatanggap dahil hindi ito resulta ng siyentipikong pagsusuri,  ay nabibigyan na ng kaukulang pansin at pagkilala. May mga ilang pagamutan na rin na nag-aalok ng serbisyong may kaugnayan sa traditional medicine kagaya ng paghihilot, acupuncture at iba pa.

Ika nga, there are no universal ethical norms — all are culturally determined.” Ang lahat ng healing systems ay dapat unawain at mabigyan ng atensyon sa ngalan ng kaibhan sa kultural na aspekto – mapa-tradisyonal man ito o mapa-moderno. Walang dapat ipangamba ang magkabilang panig kung ituturing nito ang tradisyonal na isang mahalagang susi upang mas mabatid pa ng masikhay ang dapat malaman sa modernong paraan, at ang moderno na susi upang mas mapalago pa ang kasalukuyang kaalaman hinggil sa tradisyonal. 

 

Mga Batis:

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s