Hinggil sa Mga Ginhawang Dulot ng Paghagod: Isang Suring-Aklat sa “Hilot: The Filipino Traditional Massage” nina Jaime Galvez Tan at Ma. Rebecca Maraña

Image
“Ang hilot ay nakasalabid na sa ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Ito ay taal sa atin.” (Kuha mula sa http://www.healing.about.com)

Sa panahon kung saan halos gapiin na ng makabago ang tradisyonal, tunay ngang maituturing na isang tatak ng kalinangang Pilipino ang hilot.
 
Ang proliperasyon ng hilot kaalinsabay ng malagong pag-usbong ng Western biomedicine ay isang bagay na maaaring magpanting sa tainga ng isang medical practitioner na bihasa sa nasabing larangan. Walang pormal na pagsasanay sa Western biomedicine ang isang hilot sapagkat siya ay sinanay sa isang tradisyonal na uri ng panggagamot. Sa aklat na pinamagatang “Hilot: The Filipino Traditional Massage,” mapanuring inilahad nina Jaime Z Galvez Tan at Ma Rebecca V Maraña ang kasaysayan ng hilot sa Pilipinas, ang kahalagahan ng hilot sa tradisyonal na medisinang Pilipinp at ang mga prosesong nakapaloob sa tradisyong ito.
 
 
Ang Hilot at ang Tradisyonal na Medisinang Pilipino
 
Ang salitang hilot ay nagmula sa isang terminong Filipino na nangangahulugang “masahe”. Ang “hilot” ay maaaring tumukoy sa pamamaraan at sa taong nagsasagawa nito. Bilang isang pamamaraan, ginagamit ng hilot ang hagod (touch) bilang healing modality. Ang bawat lalawigan sa Pilipinas ay may kani-kanilang bersyon ng hilot. Ang sining na ito ay isinasagawa pa rin sa mga lalawigan ng Cagayan Valley, Batanes, Samar, Leyte, Negros, Davao, Agusan, Cotabato at iba pa. Gayundin, ang tradisyong ito ay patuloy na nananalaytay sa mga katutubong pangkat ng Manobo, Subanen, Maguindanao, Kankaney, Maranao at Tausug.
 
Ayon kina Tan at Maraña, ang hilot ay ang pangunahing bumubuo sa sistema ng tradisyonal na medisinang Pilipino. Sadyang napakahalaga ng papel na ginagampanan ng hilot sa kasaysayan ng kalusugan sa Pilipinas. Sinasabing ang tradisyonal na medisinang Pilipino ay umiral na bago pa man naganap ang pananakop ng mga Espanyol sa bansa. Humalaw ang ating sistema sa mga healing modality ng iba pang tradisyong ng panggagamot sa Asya. Naging malaking impluwensya ang mga tradisyonal na medisina ng karatig-bansa, kagaya ng Tsina (Traditional Chinese Medicine) at India (Ayurvedic Medicine), sa paghubog ng sistema ng tradisyonal na panggagamot sa Pilipinas.
 
 
Ang Hilot at Kasaysayang Pre-Kolonyal
 
Lubos na pinagpipitaganan ang mga hilot noong dakong una sapagkat sila ay nauugnay sa mga aspektong ispiritwal. Ang panghihilot ay tinitingnan bilang isang handog mula sa Kaitaas-taasan. Sa ibang salita, ang hilot ay hindi lamang nagpagagaling ng mga karamdaman kung hindi siya ay tumutulong din sa pagpapabuti ng relasyon ng isang tao sa kanyang Maykapal at pagpapanumbalik ng sanib-lakas ng pamayanan. Dahil ang kanyang panggagamot ay isang biyaya, hindi siya tumatanggap ng kabayaran para sa kanyang serbisyo maliban sa mga kusang-loob na donasyon at regalo kung mayroon man. Hinihimok din niya ang kanyang mga pasyente na tumulong sa mga nangangailangan, alagaan ang yaong mga nakararanas ng pagdarahop, at humingi ng kapatawaran sa mga taong kanilang nasaktan.
 
Hindi lingid sa kaalaman ng mga Kastilang mananaysay ang hilot. Bago isagawa ang aktwal na panggagamot, ang isang hilot ay nagdaraos muna ng isang pambungad na ritwal at pagsasambit ng mga orasyon bilang pagpapaalam at paggalang sa Kaitaas-taasan. Sa mata ng Simabahang Katoliko, ito ay isang gawain ng demonyo na kailangang masugpo kapagdaka. Palibahasa’y sinanay sa medisinang Europeo, ang mga Espanyol ay hindi nag-atubiling bansagan na “pagano” ang sinuman na nagsasagawa at tumatangkilik sa panggagamot na ito. Humantong ito sa pagtataboy sa mga katutubong Pilipino sa bundok at madugong persekusyon sa hanay ng mga katutubong ayaw lubayan ang tradisyong nakagisnan.
 
 
Pagdadalumat ng Kalusugan at Karamdaman sa Tradisyonal na Medisang Pilipino
 
Upang lubos na maunawaan ang sistema ng hilot, dapat na mabatid ang mga konseptong kakawing ng tradisyon na ito.
 
Kaisa ng tao ang kalikasan at kaisa ng kalikasan ang kalawakan. Ang tao, bilang microcosm, ay nakaugnay sa kalawakan, ang macrocosm. Ang anumang nagaganap sa kalawakan ay may epekto sa tao, mabuti man o masama. Ang mga gawain ng tao dito sa kalupaan ay may malaking epekto rin sa kalawakan. Halimbawa, hindi malayong magkaroon ng pagkaubos sa mga likas na yaman kung hindi igagalang ng tao ang kalikasan at patuloy niya itong sisirain. Dito nakaugat ang labis na pagpapahalaga ng ating mga ninuno sa kalikasan.
 
Ang kahit anumang matatagpuan sa kalawakan ay binubuo ng apat na pangunahing elemento ng kalikasan: lupa (earth), tubig (water), hangin (wind) at apoy (fire). Upang mapantili ang kapayapaan at kaginhawan, kailangang mapanatili ang balanse ng mga elementong nabanggit. Kapag naglaho ang balanse, ang sangkatauhan ay mkararanas ng sakit at kahinaan. Bilang karagdagan, ang mga bagay sa mundo ay maaaring iuri sa dalawa: malamig o mainit. Ang pananatili ng balanse ng dalawang pwersa ay magdudulot ng ginhawa sa katawan. Sa kabilang banda, ang pangingibabaw ng isang pwersa laban sa isa ay maaaring magdulot ng hindi kanais-nais na epekto sa katawan ng isang tao.
 
Ang ating mga ninuno ay naniniwala rin na ang bawat isa, may buhay man o wala, ay nagtataglay ng kisig (energy/bio-electrical energy) na dumaraloy sa kalawakan. Ang kisig ay nabubuo kapag nagkakaroon ng interaksyon ang dalawang magkatunggaling pwersa sa kalikasan (hal., malamig at mainit; tubig at apoy). Ang kisig ay ang ang katumbas na konsepto ng chi sa tradisyonal na medisinang Tsino at prana sa medisinang Ayurvedic ng India.
 
Kung susuriin, masasabing malaki ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kalikasan at pagpapanatili ng balanse nito. Ang paradaym na ito ay sadyang iba kung ihahambing sa kasalukuyang sistema ng medisina. Para sa huli, ang karamdaman ay sanhi ng mga mikrobyo at peligrosong mga bacterium na nabubuhay sa ating paligid. Sa tradisyonal na medisinang Pilipino, ang karamdaman ay bunga ng pagkawala ng balanse at armonya sa pagitan ng tao at kalawakan, sa pagitan ng tao at kanyang kapaligiran, sa pagitan ng tao at kanyang kapwa, at maging sa internal na sistema ng isang tao. Gayunpaman, mayroong mga bagay kung saan nagsasalimbayan ang tradisyonal at makabagong sistema. Halimbawa, ang tradisyonal na konsepto ng kisig ngayon ay naipakikilala sa at binibigyang-patunay ng mga makabagong kagamitan kagaya ng electrocardiogram (nagpapakita ng elektrikal na enerhiya ng puso), electroencephalogram (elektrikal na enerhiya ng utak) at electromyogram (elektrikal na enerhiya ng mga kalamnan).
 
 
Ang Hilot at ang Kasalukuyang Panahon
 
Ang patuloy na pag-usbong ng hilot sa bansa ay mayroon mga implikasyon. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusnod: (1) Ang patuloy na paglago ng hilot ay isang magandang senyales sa pagpapanatili ng ating mga taal na pamanang-kultural; (2) Maaaring magbukas ng bagong pinto ang hilot sa turismo ng bansa; at (3) Ang patuloy na paglaganap ng hilot ay maaaring larawan ng isang mahinang pampublikong sistema ng kalusugan.
 
 
Hinubog ng Kasaysayan
 
Hindi maitatangi na ang hilot ay isang tradisyon na binuo at hinubog ng kasaysayan. Dahil wala pang pormal na sistema ng panulat noong dakong una, ang mga pamamaraan ng hilot ay naipapasa sa pamamagitan ng salita. Nabuhay ang tradisyong ito sa pagsasalin-salin mula sa isang angkan patungo sa isang henerasyon. Noong kasagsagan ng pamamaslang ng mga mananakop na Espanyol sa mga herbolario, espiritista at babaylan, ipinagpatuloy ng mga natirang manggagamot ang tradisyon hanggang sa umabot ito sa ating panahon. Samakatuwd, higit pa sa isang payak na masahe ang hilot sapagkat ito ay isang repleksyon ng paraan ng pamumuhay ng mga Pilipino.
 
 
Ang Hilot sa Nananaig na Pop Culture
 
Upang mas maipakilala at mapaunlad ang hilot bilang isang uri ng tradisyonal na panggamot, ang hilot ay napabilang bilang isa sa mga serbisyo na inaalok ng bansa sa turismong medikal. Dahil sa popularidad ng wellness tourism sa atin at maging sa iba pang panig ng mundo, hindi naging mahirap ang pagpapakilala ng hilot sa merkadong komersyal.
 
Dito sa Pilipinas, may mga organisasyon kagaya ng Association of Traditional Health Aid Givers Inc. (ATHAG) na nagsasagawa ng kaukulang programa upang maalis sa kamalayan ng mga Pilipino ang negatibong pagtingin sa hilot na itinuturing na isa sa mga idinulot ng Okupasyong Espanyol. Noong 2005, ang hilot ay nahirang bilang nominado sa Spa Treatment of the Year ng Baccarat Inaugural Awards sa Hong Kong. Napabilang din ito sa “Hot and Getting Hotter List of 2006 Trends” ng websayt na Spa Finder.
 
Kamakailan lamang, ang Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) ay naglabas ng isang bagong prgorama sa ilalim ng kursong Health, Social and Other Community Services. Ito ay ang Hilot Wellness Massage na naglalayong ipalaganap sa bansa at gawing sistematiko ang panggagamot gamit ang mga pamamaraan ng hilot.
 
Salamin ng Isang Mahinang Sistema ng Pampublikong Kalusugan
 
Masasabi na ang patuloy na pag-usbong ng hilot ay isang larawan ng kalagayan ng pampublikong kalusugan sa bansa.
 
Para sa karamihan ng mga Pilipino, lalo na yaong mga nakatira sa lalawigan, ang hilot ay isa sa mga interbensyong madalas kunin kapag ang isang miyembro ng kamag-anak ay nakararanas ng sakit o karamdaman. Sadyang may kalayuan ang mga klinika at pagamutan sa mga lalawigan sapagkat ang mga ito ay nakabase pa sa mga lungsod. Sa mga bayang hindi pa naaabot ng makabagong kabihasnan, ang hilot ay isa nang subok na paraan upang mapagaling ang sinumang may karamdaman.
 
Subalit dahil sa modernisasyon at globalisasyon ng mga sakit, naglipana  ngayon ang mga karamdaman na hindi na napagagaling ng pagtukoy lamang at pagparam sa mga lamig na makikita sa katawan. Ito ay ang mga uri ng sakit na kapag hindi naagapan ay maaaring magdulot ng pagkawala ng buhay. Sa mga usapin ng sakit na kailangan ng pangmatagalang lunas, higit pa sa masaheng tradisyonal ang kailangan ng isang tao. Dahil sa kawalan ng akses sa mga pampublikong pagamutan, hinahanap ng mga Pilipino ang mga interbensyong pangkalusugan na abot-kaya ng kanilang bulsa; kung mayroon mang mga pagamutan, saydang napakamahal naman ng sinisingil para sa inaalok na mga serbisyong medikal. Kaya hindi na nakapagtataka na ipinagkakatiwala na lamang ng karamihan sa mga Pilipino ang kalagayan ng kanilang kalusugan sa mga tradisyonal na uri ng panggagamot.
 
Ang hilot ay nakasalabid na sa ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Ito ay taal sa atin. Nakatutuwa ang mga kampanyang inilulunsad upang mas maipakilala pa sa kasalukuyang henerasyon ang tradisyong ito. Subalit hindi ba mas mainam kung, kasabay ng pag-unlad ng tradisyonal na panggagamot, mabibigyang-halaga din ang kasalukuyang sistema ng kalusugan? Tunay ngang may mga bagay na nangangailangan ng higit pa sa hagod ng kamay. Tunay rin na ang pag-unlad ng sistema ng pampublikong kalusugan sa ating bansa ay ang pag-unlad din ng bawat Pilipino.
 

 

 

Mga Sanggunian

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s