‘Los Redentores’ (The Redeemers)*

Niyanig ang bulwagan ng mga alingawngaw ng mga punglo na kung papakinggang maigi ay mahihinuhang nagbuhat sa pistoles ng mga guardia civil. Hindi na ikinagulat ng sinumang nasa bulwagang iyon ang mariing sigaw ng Alferez sa may di-kalayuan. Kagyat na nahinto ang talakayan. Isang matandang may mga matang singkit (na sa postura pa lamang at gayak ay mahihinuha na ng sinuman na siya ang pinuno ng samahan) ang nag-utos sa isang binatilyo na tingnan ang mga kaganapan sa paanan ng bundok. Kaagad na inilahad ng binatilyo ang kanyang mga nakita; isang duguang magsasaka kasama ang tatlong bata ang nakabulagta sa lupa habang ang Alferez at limang guardia civiles ang nagdiriwang sa mga natamong saku-sako ng bigas na nakuha nito mula sa mga magsasaka. Nagpuyos sa galit ang pinuno ng samahan at lumabas sa bulwagan upang tingnan ang mga kaganapan subalit bigla itong ngumiwi at nagpalabas ng mga di-kanais-nais na salita. Ang mga nakabulagtang bangkay ay naparam na, maging ang Alferez at mga kasama nitong guardia civil, at bumalik sa katahimikan ang lahat na tila walang karima-rimarim na pangyayari ang naganap.

Hindi maipaliwanag sa hinagap ang galit na naramdaman ng pinuno sa mga oras na iyon. Hindi rin madalumat sa haraya ang kanyang masidhing pagnanais na mabigyang-kawakasan ang mapaniil at mapanamantalang pamumuno ng bansang España sa bayang kanyang kinalakhan at minahal nang higit pa sa sariling buhay. Bagamat nanatiling lihim ang kilusan sa mga mata at tainga ng kolonyal na pamahalaaan, batid ng kanilang mga kababayan na ang kilusang ito ay nabubuhay sa mga bulubundukin ng San Diego. Tinagurian ng kanilang mga kakilala ang samahan na ‘Los Redentores del San Diego’ o ‘Ang Mga Tagpagligtas ng San Diego’ sa madaling-sabi sapagkat batid nila ang mga tunay na tunguhin na siyang ipinaglalaban ng kilusan. Ayon sa mga nakakaalam ng lubusan sa samahan, umaabot na sa mahigit na apatnapu ang kabuuang bilang ng mga kasapi nito na pawang kinabibilangan ng kalalakihan, kababaihan at maging ng mga kabataan. Kanilang linisan ang kabisera ng kanilang bayan upang tumungo sa mga kabundukan at doon ipagpatuloy ang pagsasakatuparan sa mga mariringal nilang adhikain tungo sa ikalalaya ng bayan. Subalit lingid sa kaalaman ng lahat, nananatili pa ring lihim sa buong bayan ang taong nasa likod ng pagkakatatag ng Los Redentores at siya ring tumatayong pinuno nito. Datapwat hindi sadyang malilihim ng pinuno ang ganitong usapin sa kanyang nag-iisang anak na ngayon ay isa nang pinagpipitagang dalubguro sa kinikilalang Colegio Nuestra Señora del Santissima Rosario. Si Maestro Rafael Ibarra lamang ang nakadadalumat na ang ama niyang si Don Saturnino Ibarra, na mas tanyag sa tawag na Ka Ninong, ang kasalukuyang pinuno ng Los Redentores.

Bagamat hindi na ganoon katikas at samu’t saring karamdaman na ang iniinda ni Ka Ninong, hindi siya kailanman lumisan upang bitawan ang napiling tahakin. Bagamat galing sa isang nakaririwasang pamilya, tinungo ni Don Saturnino ang kabundukan ng San Diego upang tahasang kabakahin ang mapaniil na sistema ng pamahalaang kolonyal ng España. Isang kilalang kasapi ng ilustrados at principalia ang ama ni Ka Ninong kung kaya’t noong pagpanaw nito, kay Don Saturnino napunta ang lahat ng lupain at kayamanan na pinagmay-arian ng kanyang nasirang ama. Subalit dahil na rin sa pagkakaroon ng dugong Tsino ni Ka Ninong, naging tampulan siya ng iba’t ibang uri ng pang-aapi ng mga guardia civil at autoridad na siyang naging sanhi ng pagkamkam sa lahat ng kanyang mga ari-arian. Walang natira kay Don Saturnino maliban sa kanyang maringal na hangarin na tapusin ang pambubusabos ng mapang-aping mga Español sa kanya at maging sa ilan niyang mga naging kaibigan at kababayan.

Sa payo ni Padre Federico Nuevo, ang kasalukuyang kura-paroko ng San Diego, nilisan ni Don Saturnino ang kabisera at tumungo sa paanan ng bundok upang doon itatag ang binubuo nitong samahan na maglalayong labanan ang kolonyal na pamahalaang Español. Dahil dito, ibinilin ni Ka Ninong ang anak nitong si Rafael sa pangangalaga ng butihing padre. Sa loob ng labinlimang taon, walang pag-uusap na naganap sa dalawa maliban na lamang sa mga manaka-nakang liham na ipinapadala ni Ka Ninong kay Padre Nuevo na siya namang ibinibigay ng huli kay Rafael.

Kailanman ay hindi naisip ni Rafael na sumunod sa yapak ng ama at tumungo na rin sa kabundukan upang personal na ipagpatuloy ang mga tunguhing nasimulan nito. Gayunpaman, itinaguyod ni Rafael ng buong puso ang mga reporma na dapat nang ipatupad ng pamahlaang kolonyal sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Batid ni Maestro Rafael ang kawalan ng pagkakapantay-pantay sa pakikitungo sa kanyang mga kababayan sapagkat ang sistemang umiiral ay pumapabor lamang sa mga peninsulares at sa mangingilan-ngilang insulares na nag-aaral sa bansa.

Ngunit sa paglipas ng panahon, naganap ang hindi inaasahan. Natuklasan ng pamahalaan ang itinayong kilusan dahil sa mga narinig na bulung-pulungan ng guardia civiles patungkol sa samahan. Kapagdaka, hinanap ng autoridad ang kuta ng nasabing samahan at nangakong malalagot alinsunod sa Codigo Civil ng España ang lahat ng mga kasapi nito dahil sa kanilang ginawa na sadyang nagpakita ng filibusterismo o pagtataksil sa pamahalaang España. Sa isang mapayapang araw, umalingawngaw ang mga pistol ng guardia civil at pinaulanan ng bala ang bulwagan kung saan karaniwang nagdaraos ang samahan ng mga pulong nito. Halos napintahan ng dugo ang buong kwarto dahil sa mga tumigis na dugo buhat sa mga katawan na makailang-beses na tinamaan ng mga punglo. Ang ilang mga nakaligtas sa biglaang-salakay ay tumakbo pailaya ng bundok upang subukang iligtas ang kanilang mga sarili. Ngunit sa kasawiang-palad, nahuli ng Alferez si Ka Ninong at sa mismong lugar kung saan siya natagpuan, pinaputukan ang kanyang ulo ng sampung punglo na siyang ikinasawi ng kanyang buhay.

Nakarating kay Rafael ang masamang balita kaya nagdumali nitong tinungo ang asawa nitong si Enrica at ang anak nitong si Juan Crisostomo na noon ay labindalawang taong gulang pa lamang. Nakababatid si Rafael na siya ang unang hahanapin ng mga autoridad dahil sa kaugnayan niya kay Ka Ninong. Dahil dito, inatasan ni Rafael ang kanyang asawa na huwag niyang pababayaan ang sarili at maging si Crisostomo. Dali-dali nilang tinungo ang parokya ng San Diego upang puntahan si Padre Nuevo na naging tapat na kaibigan na ng mga Ibarra sa loob ng maraming taon. Hiniling ni Rafael kay Padre Nuevo na ihanda na nito ang mga kakailanganin nina Enrica at Crisostomo sa paglisan nila patungong Europa upang doon muna manirahan pansamantala habang ang usapin ng ‘panunulisan’ ng ama nito ay sariwa pa sa isipan ng España; habang maiiwan naman si Rafael sa San Diego sapagkat hindi makakabuti sa kanyang mag-ina ang kanyang pagsama sa kanila. Para kay Maestro Rafael, mainam na kanyang harapin ang mga dapat niyang kaharapin sa sariling bayan kaysa takbuhan niya ang mga ito. Ayaw din nitong madamay pa ang kanyang mag-ina sa mga suliraning ito. Sinunod ni Padre Nuevo ang mapitagang hiling ng dalubguro at kaagad na tumungo sa kanyang kakilala upang kumuha ng tiket sa bapor.

Nanatili sa Alemanya si Crisostomo sa loob ng labinwalong taon. Sa pagpanaw ng ina nito siyam na taon na ang nakakaraan, bakas sa mga mata ni Crisostomo ang pananabik na makauwi ng San Diego upang malaman kung ano na ang mga kaganapan roon at maging sa kanyang ama. Bukod sa balitang natanggap mula kay Padre Nuevo na napiit ang kanyang ama dahil sa mga maling paratang na inilahad ng mga guardia civil sa kanya, wala nang narinig pang balita si Crisostomo. Buo ang loob, nagpasya si Crisostomo na tuldukan na ang lahat ng mga agam-agam na namamayani sa kanyang isip. Pagkatapos ng labinwalong taon ng paghihintay, siya ay muling babalik sa lupang kanyang sinilangan.

*Isang panukalang pambungad na kabanata (proposed prequel) sa nobelang Noli Me Tangere (Huwag Mo Akong Salingin) ni Gat Jose P Rizal.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s