Ang Huling Paglalayag: Mga Saloobin Ukol sa Huling Taon ng Pananatili sa UP Political Science Society

Image
Ang University of the Philippines Political Science Society (UP POLIS) ay ang academic organization ng Political Science majors sa University of the Philippines Manila (UPM). Itinanghal nang Hall of Famer ang UP POLIS sa kategoryang Outstanding Student Organization ng UPM College of Arts and Sciences.

Kung sakali mang dumating na ang araw na iyon, titingin na lamang ako sa Kaitaas-taasan at buong-kaluluwang sasabihin na naging kapana-panabik ang bawat tagpo sa paglalayag kong ito. Sapagkat kung maituturing man na isang paglalayag ang pananatili sa UP Political Science Society (UP POLIS), masasabi ko marahil na nalalapit na ako sa aking kinaroroonan.
 
At sa sandaling dumating na ang araw na iyon, dahan-dahan kong ibaba ang layag, mataimtim na ibibigay sa susunod na manlalakbay ang bangka at buong-pag-asang tatanawin mula sa dalampasigan ang pag-usad ng paglalakbay ng mga bagong kasapi na silang magpapatuloy sa mga nasimulang paglalakbay ng mga nauna sa kanila.
 
Hindi ko na mawari kung ilang paglubog na ng araw ang naganap buhat noong ako ay umupo sa tambayan sa kauna-unahang pagkakataon. Hindi ko na rin maubos-bilangin kung ilan na ang mga taong aking nakasalamuha noong mga panahong nakaupo lamang ako sa isang kahoy na bangko roon sa tambayan. Ngunit nakababatid ako na sa halos tatlong taon kong pamamalagi sa tambayang iyon, nasubaybayan kong lumago si UP POLIS na tila isang halaman sa kalagitnan ng isang masukal na kagubatan. Ang mga pagbabago sa halos lahat ng mga aspekto at katangian na bumubuo sa kanya ay sadyang kapansin-pansin lalo na sa mga matang sanay nang makasaksi sa iba’t ibang uri ng pagbabago. Ang taunang paglilipat mula sa nakagisnan patungo sa isang panibagong tambayan, ang pagpaparoo’t parito ng mga kasaping nagdaan at mga kasaping nananatili sa kasalukuyan, ang magdamagang pagpupulong ng mga kasapi ng Lupong Tagapagpaganap (‘ExeComm’ kung sila’y ating turingan), ang pagtatakda ng iba’t ibang gawain upang maisakatuparan ang kanyang mga pangunahing layunin, at ang maingay o kung hindi man ay walang hanggang halakhakan ng mga kasapi na sabik sa ku3wento, kaalaman at kasiyahan – lahat ng mga ito ay nagaganap sa bawat taong lumilipas.
 
Ito na ang aking huling taon sa tambayan. Marahil, ito na rin ang huling taon upang mahagkan pa ng mahigpit at makuyom pa ng pagmamalasakit si POLIS. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ito na ang aking huling taon sa kolehiyo. Mas lalong hindi lingid sa kaalaman ng nakararami ang likas na pagdaluyong ng isang puwersa na itinuturing ng isang permanenteng bagay sa sansinukob – ang pagbabago. Kagaya ng isang puno na nalalaglagan ng mga dahong nalalanta ngunit kapagdaka’y napapalitan din ng mga bagong-sibol na dahon, si POLIS ay malalangkasan din ng ilang kasapi pagdating ng araw subalit kaalinsabay nito ang pag-usbong ng mga bagong kasapi na silang magsisilbing bagong kaagapay niya sa mga susunod pang taon.
 
Nananatiling matatag si POLIS hanggang ngayon. Sa ipinapamalas niyang kagalingan at kasikhayan sa loob ng mahigit sampung taon, nababatid kong mahihigitan niya pa ang mga ito. Madalas na naglalaro sa aking haraya ang magiging kaanyuan ni POLIS sa susunod na sampung taon. Ano kaya ang mga magbabago sa kanya? Kung hindi man, magiging katulad pa rin ba siya ng dati? O magiging halos katulad pa rin kaya siya nang una ko siyang makita? Iginugugol ko minsan sa mga bagay na ito ang aking oras kung kailan nakatunghay lamang ako sa bintana ng bus, tumitingin sa kawalan habang naghahanap ng mga maiilap na kasagutan.

Sa mga oras na ito, nakababatid ko na walang dapat ipangamba sa hinaharap sapagkat nasa mga masigasig at mabubuting kamay si POLIS. Nawa’y sa pagdatal ng panahon, magbunga pa ng maraming kasapi si POLIS na magkakaroon ng isang maringal na pagnanais upang siya ay matulungan sa bawat pagpapagal na kanyang kakabakahin tungo sa ikauunlad ng organisasyon, ng kolehiyo at ng unibersidad. Tunay ngang dito na natatapos ang pananatili ko sa Tambayan ngunit hindi nito pinapakahulugan na dito na tuluyang nagtatapos ang pagiging kasapi ko sa kanya. Kung lahat man tayo ay darating sa sandaling ibababa na natin ang ating mga layag, dapat tandaan ng sinuman na walang makapagpababago sa isang hindi na mabuburang katotohanan: na tayo ay naging mahalagang bahagi ni POLIS at, minsan sa ating mga buhay, naging mahalagang bahagi rin natin siya.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s