Mga Karanasan sa Development Studies 112: Isang Pagbabalik-Tanaw*


“Mali yata ako ng napasukan na room”
Ika-15 ng Nobyembre 2011.
Ang unang araw sa DS 112. Isang maikling pagsusulit. At naroon ang mga estudyante na pinagkakasya ang kanilang sarili sa isang maliit na bulwagan.
Wala akong naipasang papel noong araw na iyon dahil hindi ako ang nakapagtala ng pinakamataas na marka sa maikling pagsusulit na iyon. 2 puntos.Kung magkagayon nga, ano ang magiging kapalaran ko rito? Paano kung hindi ako makapagpasa ng papel dahil sadyang naroon natipon ang lahat ng magagaling at dalubhasa sa larangan ng Development Studies. At ako. Isang Third Year student na sa unang pagkakataon ay kukuha ng kanyang Cognate. Hindi ko pa gagap ang pedagogical approach ng aking propesor sa mga oras na iyon. Ngunit naroon ako sa RH 118 noong araw na iyon dahil sa kagustuhang mapag-aralan ang Third World at ang kawalang-kaunlaran nito.Datapwat sa mga oras na ito, may dalawang bagay na lumilinggatong sa akin: (a) change matriculation o (b) harapin ang pinili kong pagsubok. Syempre, pinili ko ang pangalawa.

“Kasaklap-saklap ang araw na ito”

Ika-13 ng Disyembre 2011.

Ang seven-billionth baby ay biglang naipanganak sa RH 227 ng CAS sa katauhan ni John Raymond Jison. Hindi niya alam ang kanyang gagawin dahil, sa totoo lang, ang hirap gumalaw lalupa’t isang kapirasong tela lamang ang suot niya. Sadyang mapalad siya dahil sa kanya napunta ang cosplay character na ito. At noong Linggo, naglaro sa isip niya na huwag na lamang pumasok sa Martes upang maiwasan ang mga kakaibang titig ng sangkatauhan sa kanya. Hindi niya kayang iparada ang kanyang sarili sa ganoong gayak (Ngunit salamat dahil matulin ang pagtakbo ng oras sa araw na iyon. #savedbythebell). Gayunpaman, naroon ang kagustuhan niya na mabigyan ng hustisya ang Seven-Billionth Baby. At hanggang ngayon, hindi niya alam kung paano niya nairaos ang araw na iyon. Maligayang Pasko sa kanya!

“Malapit nang maging singkit ang mata ko.”

Ika-6 ng Enero 2012
.
Kinaumagahan ng Enero 4, Miyerkules. Ang aking pag-uulat hinggil sa historical context ng Chinese Political System sa aming PolSci 177 (Governments and Politics of Northeastern Asia) ay natapos din sa wakas. Kinagabihan ng araw na iyon, nanood ako ng “The Hero” ni Jet Li.

Kinagabihan ng Enero 5, Huwebes. Nilibot ko ng buong Las Piñas upang makahanap ng isang murang Chinese costume. At sa awa ng Panginoon, nakahanap ako ng tig-P120. Salamat! Kahit na parang nanggaling pa sa baul ang kasuotang iyon, nagawan naman ng paraan ni Nanay na magmukhang “bago” ang Chinese costume na susuotin ko kinabukasan.

Umaga ng Enero 6. Biyernes. Ito ang araw na pinakahihintay namin; kami nina Kuya Harvey, Bea at Kath. Ang CHINESE TEA CEREMONY DAY. Ngunit may problema. Kulang pa ang mga gamit noong araw na iyon. Subalit salamat ng marami sa aming propesor dahil nagawan iyon ng paraan. Kahit napaso ang dila ko noong araw na iyon, masaya ako dahil personal akong nakasaksi ng isang tunay na Tea Ceremony na siya namang ibinahagi namin sa aming kapwa mag-aaral sa DS112. Kalakip ang uji tea na ibinigay sa akin ni Prof. Esguerra, dadalhin ko ang lahat ng mga karanasan ko sa workshop na iyon.

“Salamat dahil may DS 112”

Ang dami kong natutunan sa DS 112. Mula sa Pampulitikang Ekonomiya ng Neglected Tropical Diseases hanggang sa Historikal na Konteksto ng “Corazon: Ang Babaeng Aswang” (na balak kong panuorin sa Sabado), hindi ko na mabilang ang mga impormsyon na aking nakuha sa asignaturang ito. Ang kaba na aking nararamdaman tuwing nagaganap ang “Last Person Standing” (LPS) ay hindi pala nasasayang dahil ang bawat sagot na pinapakawala ng aking mga kaklase, tama man o mali , ay isang piraso ng karagdagang kaalaman para sa akin. Sadyang magaling ang aming propesor. Higit pa sa pagtuturo ang kanyang ginagawa, dahil sa bawat aralin na kanyang tinatalakay, hinuhubog niya ang aming kamalayan na siya naman naming nagagamit sa pag-unawa sa mga bagay-bagay na nagaganap sa aming buhay. Isa siyang ama at kapatid sa amin. Dahil sa mga ito, masasabi ko na hindi ganap na kumpleto ang aking Martes at Biyernes kung walang DS 112.

Nakakatuwa dahil sa pag-aakala ko ay mali ako nang napasukang kwarto noong Nobyembre 15, 2011. Ngunit doon ako nagkamali. Hindi ko inakala na ang pintong iyon ang nagbukas ng mas malawak na landas at perspektibo sa akin upang mas magagap pang lalo ang lipunan na aking ginagalawan sa ngayon.

*Ang Development Studies (DS) 112 [Development in the Third World] ang isa sa mga kinuha kong subjects noong ako’y nasa ikatlong taon sa kolehiyo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s