Eroplanong Papel (Paper Airplane)*

 

Image

Halos mag-aanim na taon na rin kaming narito, at hinahangad niya pa rin na kahit minsan ay maging malaya siya.

      Anim na taon kaming paroo’t parito sa liwasang ito. Anim na taon na ring nakalahad ang aming mga kamay. Subalit sa anim na taong ito ay hindi kami naging maligaya.

     Palibhasa’y sino ba namang anghel ang masisiyahan  kung nasa pugad ka ng mga sindikatong iyon. Kami marahil. Kaming mga walang makain, at kaming may mga tiyan na tigang sa sustansiya. Kaya ginusto na lang namin na kami ay gamitin nila na parang kanilang mga personal na kasangkapan kahit labag ito sa aming kalooban. Kung sa papiso-piso na binibigay ng mga taong iyon – Naku!, wala kaming mabibili ngunit talong pirasong Snowbear para sa buong magdamagan. Kung dito, nakakain kami ng spaat; kaya nga lang kung minsan, bugbog at latay ang inihahain nilang ulam sa amin. Pero ayos lang. Sa mga panahong ito, parang gugustuhin ko na lang na mamalagi rito. Subalit iyang si Saldo – Naku!, gustung-gusto nang makaalpas sa impyernong ito. Talagang may itinatagong paninindigan ang kaibigan kong iyon.

      “Kung ako sa iyo Saldo, hindi ko na itututuloy iyang pagtakas dito. Hindi ba, apat na ulit ka nang magtangkang tumakas, at apat na beses ka na ring nahuli ni Bruskong Talim? Buti sana’y pinagalitan ka lang at sinigawan noong nahuli ka. Eh, sa tingin ko, daig mo pa ang kriminal na sinintensyahan sa dami ng mga pasa at latay mo sa katawan,” iyan ang paulit-ulit kong sinasabi sa kanya, at ito rin naman ang kanyang paulit-ulit na tugon:

      “Biboy, alam mo, parang gusto ko pa yatang mamuhay na lang ng mag-isa at maghirap kaysa magpagamit sa mga hungkag na iyan. Itong mga latay at sugat, matitiis ko pa. Ngunit iyong maling pagtrato nila sa atin, at mas lalo na sa iyo, iyon ang kasaklap-saklap. Marahil suwail ako, ngunit nakatitiyak akong hindi ako ipinanganak para pagsilbihan sila!”

      “Eh sige, kung magkagayon nga, saan ka naman pupunta? Wala ka nang kamag-anak dito. Ganoon din eh, magiging palaboy ka rin. Huwag mo na kasing ituloy iyang balak mo!”

      “Wala ka namang dapat ipag-alala Biboy. Hindi ka madadawit dito. Tsaka tiyak akong magiging matagumpay ang planong ito.”

      Grabe talaga itong si Saldo. May mga nalalaman pang kalayaan. Akala mo naman kung sinong nakapag-aral sa pamantasan. Ngunit ako, hindi ko na iyan inuunawa basta may mahabhab lang sa araw-araw, tuloy lang ang buhay. Hindi naman kasi ako ganoong kamatalinhaga. Ngunit iyang sa Saldo, masyadong matalinhaga. Minsan noong kami ay nagpapalipad ng eroplanong papel, may mga malalalim siyang sinabi na hindi ko lubusang maunawaan.

      “Para pala tayong mga eroplanong papel,” simula niya, “na lilipad-lipad lang sa himpapawid. Panadalia’y nasa itaas ka ngunit maya-maya, naroon ka na’t sumusubsob paibaba sa lupa. Wala kang kalayaan na ilipad ang iyong sarili dahil isa ka lamang hamak at bulag na tagasunod sa ihip ng hangin.”

      Halos dumugo ang mga mata at ilong ko.

      “At saan mo naman nakuha iyan?”

      “Wala. Narinig ko lang iyan kay Lolo Mendong.”

      Mula noon, lumilinggatong na sa akin ang mga katagang sinambit niya kahit hindi ko naman ito lubusang maunawaan. Hindi ko alam kung bakit. Baka sa kalaliman at talinhaga ng mga salita kaya ko ito palaging naaalala.

      Minsan, napag-usapan na naman namin ang balak niyang pagtakas. Mariin pa rin ang aking pagtutol sa balak niya dahil alam kong mapanganib ang kanyang gagawin.

      “Sigurado ka na ba sa gagawin mo? Baka kasi pag nahuli ka, mapatay ka na nila dahil hindi ka nagtatanda.”

      “Buo na ang loob ko Biboy. Bibilisan ko lang ang pagtakbo ko.”

      Dahil wala na rin akong kamag-anak (at hindi ko kailanman nakilala at nakita ang aking mga tunay na magulang), itinuturing ko nang aking nakatatandang kapatid si Saldo. Alam kong mapapahamak siya sa kanyang gagawin, ngunit wala  akong magawa kung hindi itango ang aking ulo bilang pagsuporta sa kanyang gagawin.

      Palubog na ang araw. Ako ay nasa liwasan pa rin kung saan kami nag-usap kanina. Namamalimos ako nang lumapit siya sa akin at tila may ibibigay.

      “Ingatan mo at itago ito, Biboy. At huwag mong pabayaan ang iyong sarili.”

      Tiningnan ko lamang siya at ang eroplanong papel na kanyang ibinigay sa akin habang inihahanda niya ang kanyang sarili sa pagtakas. Sa hindi kalayuan ay nakatayo si Bruskong Talim na nagmamanman na parang isang monarka sa kanyang kaharian. Tumingin sa amin si Bruskong Talim. Nariyan na naman ang tingin niyang napakamabalasik, na siya na namang nagpapaalala sa akin sa mukha ng isang leon na isinasalarawan sa akin ni Saldo tuwing siya ay nagkukwento tungkol kay Bruskong Talim. Pagkaraan ng ilang minuto, nabaling ang atensyon ni Bruskong Talim sa dumaraang parada ng mga banyagang turista. Doon na inipon ni Saldo ang lahat ng kanyang lakas at humaririp ng takbo. Ngunit sa kamalas-malasan, napansin siya ni Bruskong Talim at, gaya ng aking inisip, hinabol siya ng isang pulutong ng mga kalalakihan.

      Ilang minuto ang nagdaan bago ko nakita sina Bruskong Talim at ang kanyang mga alagad. At laking gulat ko na hindi nila dala si Saldo. Tumalon ako sa kagalakan.

      “Salamat naman at nagtagumpay ang kaibigan ko! Sa wakas, malaya na siya!”

       Ngunit natigilan ako nang aking narinig ang mga namutawing salita mula sa bibig ni Bruskong Talim. “Nahagip ng truck.” “Duguan.” “Buti nga sa batang iyon!” “Wala tayong kasalanan sa nangyari sa kanya.”  “Ginusto niya iyan!”

      Natulala ako at tumingin sa kawalan.

      “Malaya…tama ba yung nasabi ko. Malaya…malaya na nga ba?”

      Hindi ko na pala namalayan na nililipad na ng malakas na hangin ang eroplanong papel na kanina lang ay aking tangan-tangan.

*Ang akdang ito ay nailimbag sa Waywaya, ang opisyal na literary folio ng Unibersidad ng Pilipinas Maynila.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s