Talaarawan ni Ayotunde (Ayotunde’s Diary)

Image
Kuha mula sa http://www.braindanceisawayoflife.blogspot.com

Buruli, Uganda. Daptihapon.
 
Kagagaling ko lang sa burol. Sinamahan ako ni Makwasi upang mag-igib sa paanan. Hindi niya naman tinanggihan ang aking paanyaya. Kagaya pa rin ng dati, mainit ang sikat ng araw, matinik ang damuhan, mabuhangin ang lupang aking inaapakan, maalinsangan ang hanging dumarampi sa sunog kong balat.

Kami lamang ni Emeka ang natira sa bahay. Wala akong ibang pagpipilian kung hindi bantayan siya hanggang sa makarating si Mama buhat sa Kampala. Hindi na makatayo si Emeka. Sampung taong gulang pa lang ng nagsimula na siyang tubuan ng mga maliliit na bukol sa buo niyang katawan. Walang nakaaalam sa amin kung ano iyon. Simula noon, nanghina na siya. Simula rin noon, hindi na muling bumalik sa amin si Baba.

Habang nasa paanan ng burol, binanggit ko kay Makwasi ang aking natuklasan. Noong isang linggo, nakita ko na lamang ang isang sugat na bigla na lamang lumitaw sa aking bukung-bukong. Mapula, malaki, subalit hindi mahapdi. Hindi ko iyon pinansin. Mayroon din naman nito sina Jengo at Ngozi subalit ang pagkakaiba lamang ay sadyang mas malaki ang sugat nila kung ihahambing sa akin. Noong araw na iyon, dinampian ko ang sugat ng mga dahong kulay-lila at hinugasan sa batis. Pumitas ako ng ilang kiwi at dinala sa bahay.

Sa daan pauwi, binanggit sa akin ni Makwasi na mayroon din siyang natuklasan sa kanyang katawan. Ipinakita niya sa akin ang isa sa kanyang mga siko at tumambad sa akin ang isang mapulang sugat na mistulang naaagnas na balat. Hindi ko ito napansin nang nagkita kami ngayong araw. Sinabi ko sa kanya na kailangan niyang padasalan iyan sa Waganga[1]. Sa aking palagay, mayroon siyang nagawa na hindi nagustuhan ng mga diyos. Kailangan niya iyong mapatingnan iyon sa lalong madaling panahon.

Narito na si Mama. May dala siyang sako subalit hindi ko pa batid ang laman. Hanggang dito na lang muna.

– Ayotunde[2]


[1] Tradisyonal na Aprikanong manggagamot

[2] Isang neglected tropical disease, ang Buruli ulcer ay isang uri ng sakit sa balat na dulot ng mga mikrobyong kung tawagin ay mycobacterium ulcerans. Galing din sa genus ng mga nasabing mikrobyo ang sanhi ng tuberculosis at leprosy. Sintomas ng sakit na ito ang pagkakaroon ng mapulang at makating sugat na mistulang hindi gumagaling. Naitala sa Buruli, Uganda ang pinakamaraming kaso ng nasabing sakit noong 1960s.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s