Silip sa Panibagong Mundo: Ang Classified Ads, ang Graduate at ang Unemployed

kq1rkyq1g8voa3k2oegyzg683t2chdcg
“Sa isang lipunang credential-oriented, ano ang hinaharap na nakalaan sa akin? Anu-ano kaya ang mga pagsubok na hatid sa isang estranghero ng isang mundong hindi niya pa lubusang gamay?”

Gaano na ba ako kahanda upang suungin ang isang panibagong mundo?

Marahil ay hindi pa gaano. Matingnan ko lang ang pahina ng classified ads sa dyaryo, napupuno na ako ng pangamba. Sa isang lipunang credential-oriented, ano ang hinaharap na nakalaan sa akin? Anu-ano kaya ang mga pagsubok na hatid sa isang estranghero ng isang mundong hindi niya pa lubusang gamay?

Ikinikintal sa amin noonpamang hayskul ang konsepto ng pagma-market sa sarili. Kapag ikaw ay naghahanap ng trabaho, marapat lamang na alam mo kung paano mo ibebenta ang iyong sarili. Ano ang ang iyong mga kakayahan at abilidad na hindi matatagpuan sa iba? Ano ang bumubuo sa iyong personalidad? Anu-ano ang mga katangiang sasaklaw sa iyong kakanyahan? Kailangang masagot ito ng isang taong umaasa na makatatanggap ng kanyang kauna-unahang sahod bilang isang manggagawa.

Hindi ko alam kung paano i-market ang sarili. Hindi ko batid kung sapat na ba ang mga kredensyal na mayroon ako upang makamit ang trabahong pinakaaasam ko. Hindi isang katiyakan ang pagtatapos ng may karangalan upang kaagad na makapasok sa mundo ng mga employed. Hindi rin isang katiyakan ang pagkakaroon ng isang napakahabang curriculum vitae na puno ng mga nakalululang karangalan. Walang katiyakan ang lahat kaya ayaw kong tumingin sa classified ads. Nakapagdudulot ito ng presyur. At ayaw ko ng presyur.

Ayaw ko ng presyur subalit kusa itong dumarating. Malaki ang ekspektasyon ng buong angkan sa iyo. Sapagkat ikaw ang unang miyembro ng pamilya na magtatapos sa isang prestihiyosong unibersidad, ang pag-alpas sa mga matang at taingang mapanuri ay sadyang imposible. Alam nila ang bawat galaw at kilos mo. Kamusta na? Kailan ang graduation niyo? Ano nga ‘uli ang course mo? PolSci ba kamo? May pera ba d’un? Bigla ka na lang matatahimik at titingin sa kawalan, pilit na ipinapanalangin na bumagsak ang isang kometa mula sa mga bughaw na kalangitan.

Walang kometang babagsak. Mayroon lamang mga matang naghihintay ng kaagarang sagot. Mayroon po. At bigla kang mapapaisip. Magpo-proceed po ako sa Law. Saan? Hindi ko pa po alam. Mag-iipon po muna ako. Biglang papasok sa isip ko ang human rights law at public interest law. Bigla namang papasok sa isip nila ang corporate law sapagkat maraming pera roon. Ayaw ko po ng corporate law. Ikagugulat nila ito. Wala ka talagang bata ka. Hihilingin mong muli sa kalikasan na sabuyan ng delubyo ang lugar na inyong kinatatayuan. Ayaw ko po talaga ng corporate law.

Wala munang corporate law o anupamang larangan ng Law sa ngayon. Ipinasa ko kamakailan ang aking curriculum vitae sa BSP. Hindi ko tiyak ang aking tahakin. Marahil ay titingin na lang muli ako sa classified ads sa pahayagan o sa Internet mamaya. Nawa’y maliwanagan ako. Harinawa.

Dumarami ang bilang ng unemployed sa Pilipinas. Marahil ay mapabibilang ako sa kanila sa nalalapit na hinaharap. Hindi muna tatanggap ang mga tanggapan ng pamahalaan ng aplikante dahil sa election ban. Kung anuman ang hatid ng isang panibagong mundo, babaunin ko ang isang maringal na simulain: sa bawat pintong magsasara, mayroong pintong magbubukas. Nasasabik na akong mabuksan ang pintong ito sa nalalapit na hinaharap.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s