Mga Pagtatapos at Pagsisimula (Endings and Beginnings)*

Ginoong Efren Parilla, Punungguro; mga Koordineytor ng bawat kagawaran; Kaguruan; mga magulang, mga kapwa ko mag-aaral, magandang hapon.

Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagtatapos? Bakit kailangang matapos ang lahat? Kung tatanungin ang dualists, simple lamang ang kanilang magiging sagot: sapagkat sa bawat pagtatapos, naroon ang simula. Sapagkat ang bawat simula ay may pagtatapos at ang bawat pagtatapos ay nagpapahiwatig ng bagong simula.

Parang kailan lang ang nakalipas na apat na taon. Bilang isang transferee student, hindi ko na noon hinangad pa na makapagtatapos ng may karangalan. Wala akong hinangad noon kung hindi makapagtapos sa high school at makapagpatuloy sa kolehiyo.

Bago pumasok noon sa Unibersidad ng Pilipinas, may kinaharap akong isang scholarship application interview. Pumasok ako sa isang kwarto na puno ng mga estudyanteng nag-aasam ng isang scholarship. Isa na ako roon. Ayaw ko ng interviews, pinabibilis nito ang tibok ng aking puso hindi dahil sa pag-ibig kung hindi dahil sa kaba. Gayunpaman, tinawag ako sa gitna. Ako na lamang ang estudyante sa kwarto sapagkat ako ang pinakahuling kinapanayam.

“Political Science ba kamo ang course mo?” ang siyang naging tanong. “Opo,” ang siyang aking sagot. “Saan?” Sa UP Manila. Bakit hindi sa UP Diliman? Dahil mas malapit po ang Las Piñas sa Maynila at ayaw ko pong mag-dorm. Balak mo bang mag-proceed sa Law? Balak ko po. Nagpatuloy ang serye ng mga katanungan hanggang umabot siya sa isang konklusyon: Wala kang future sa Law. Bahagya akong natigilan. Ang klase ng personalidad na mayroon ka ay hindi nababagay sa Law. Sa puntong iyon, alam ko na ang magiging kapalaran ko. Hindi ako matatanggap sa scholarship grant na ito. At iyon nga ang nangyari.

Hindi ako komportable na ikinukwento ang aking buhay sa iba, mas lalong hindi sa harapan ng marami. Subalit nais kong bigyang-diin dito ang isang punto: ang magiging kapalaran mo sa hinaharap ay nakasalalay sa iyong sariling pagsisikap at hindi sa kung ano ang sasabihin ng iba sa iyo. Ika nga ng pamosong tula na isinulat ni Sir William Ernest Henley, “[you] are the master of your fate. [You] are the captain of your soul.” Kung anuman ang landas na iyong tatahakin, tiyakin na ang landas na ito ay yaong landas na gusto mo talagang tahakin at hindi iyong landas na gustong ipatahak sa iyo ng sinuman. Sa bandang huli, ikaw at ikaw rin ang magpapasya para sa iyong sarili. Kaya marapat lamang na iyong husayan ang pagpapasya sapagkat malaki ang magiging epekto ng mga desisyong iyong gagawin sa kabuuan ng iyong buhay.

Pinandigan ko ang pagiging isang Political Science student. Napamahal na ako sa kursong ito. Sa mga papasok sa kolehiyo, mahalaga na ang inyong pipiliing kurso ay ang kursong nais ninyong mapag-aralan. Sa Unibersidad ng Pilipinas, ito ay isang batas. Kung hindi mo mahal ang ginagawa mo, tiyak na susuko ka sa bandang gitna. Mabatong landas ang kailangang tahakin ng isang estudyanteng nais maisakatuparan ang kanyang mga pangarap. Subalit kung gugustuhin niya, kakayanin niya. Kung determinado siya, magagawa niya.

Isang karangalan kong maituturing ang pagsasalita ngayon sa harapan ng mga estudyante at kaguruan ng Equitable Annex. Malaki ang naging ambag ng Equitable Annex sa kung ano ako ngayon. Hinubog ako ng paaralang ito hindi lamang bilang isang estudyante kung hindi bilang isang indibidwal na mayroong malasakit sa lipunan at sa mga tao sa kanyang paligid. Nakapagbigay din sa akin ng ilang realisasyon ang pamamalagi ko rito sa Equitable Annex. Ilang mga halimbawa: kaya palang pataubin ng isang annex school ang mga pinagpipitaganang paaralan (mga pribadong paaralan) pagdating sa pautakan at pasiklaban ng talento. Posible pala na maging matalik mong kaibigan ang iyong mga guro. Pwede rin palang magtapos ang isang transferee student ng may karangalan kung titibayan niya lang ang kanyang loob at tatanggapin ang lahat ng mga hamon. At ang pinakamahalagang realisasyon sa lahat: hindi hamak na mas mahalaga ang iyong mga matutunan kaysa makukuha mong iskor sa isang quiz o test.

Kung mayroon man akong isang bagay na aking binibigyang-halaga ngayon, ito ay ang aking edukasyon. Kaya sa mga kapwa ko mag-aaral, ito ang aking pakiusap: huwag nating sayangin ang karapatang ito na ating tinatamasa ngayon. Gawin natin ang lahat upang ating magamit ng lubos ang mga natututunan dito sa paaralan. Ako na ang magsasabi na gagamitin at gagamitin din ninyo ang inyong mga matututunan sa nalalapit na hinaharap. Naniniwala ako na ang bawat isa sa atin ay may katalinuhang taglay kaya gamitin natin ito sa tamang kaparaanan. Sa lahat ng inyong mga ginagawa, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang mapaghusay pa ito. Ayon pa kay Phunsukh Wangdu, isang karakter sa Indian movie na “3 Idiots,” “Follow excellence, and success will chase you.” Maging mahusay sa lahat ng inyong mga gagawin at ang tagumpay ay tiyak na mapasasainyo sa bandang huli.

Nakatutuwa sapagkat bago ko naman lisanin ang UP, may kinaharap ulit akong isang scholarship application interview. Application naman ito para sa pagpondo sa aking thesis. “Will you be taking up Law after you graduate?” ang unang tanong. “Yes, I will but not immediately after graduation. I actually want to specialize in human rights law.” Ngumiti siya ng sinabi ko ang human rights law. “I have faith in you, John. You will be a good human rights lawyer someday. I’m pretty sure of that.” Doon na nagtapos ang interview na iyon.

Sa aking mga kapwa mag-aaral, iiwan ko sa inyo ang sinabi ng dating Pangulo ng Estados Unidos na si Theodore Roosevelt: “Keep your eyes on the stars, and your feet on the ground.” Huwag matakot mangarap at mas lalong huwag matakot na tuparin ang mga ito. Tandaan din na sa kabila ng atin nang mga nakamtan, dapat manatili sa atin ang pagpapakumbaba. “It’s an uphill battle. Sometimes, you gonna have to lose. But don’t stop believing.” Maraming salamat at muli, magandang hapon sa ating lahat.

 

*Keynote speech delivered during the 8th Recognition Day of the Las Piñas East National High School – Equitable Village Annex, 26 March 2013.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s