Ang House Bill 4353 at ang Kurso ukol kay Bonifacio: Isang Kritikal na Pagsusuri

thepinoywarrior Andres Bonifacio
Gat Andres Bonifacio y de Castro (1863-1897), Ama ng Himagsikang Pilipino

Pinanukala sa Kongreso ni Rep. Raymond Palatino ng Kabataan Partylist ang House Bill 4353 na naglalayong magbuo ng isang karagdagang asignatura sa mga mag-aaral sa kolehiyo na magtuturo ng mga diwa at simulain ng dakilang bayani na si Andres Bonifacio. Ang nasabing batas ay naglalayong maipaloob sa kurikulum ng mga kolehiyo at pamantasan ang isang asignatura na magkikintal sa isipan ng mga Pilipinong mag-aaral ng mga aralin hinggil sa buhay ng dakilang bayani. Iisa-isahin din ng asignatura ang mga naiambag ng dakilang Plebeian sa pagkamit ng Pilipinas sa pinakaaasam nitong kasarinlan mula sa mga mananakop na Espanyol (Villafania, 2011).

Ang pagtuturo sa buhay ni Bonifacio ay nahahati sa dalawang aspekto: (1) ang pagbibigay-kaalaman hinggil sa buhay ni Bonifacio, at (2) ang pagkintal ng diwang nasyonalismo at patriotismo sa isipan ng mga kabataang Pilipino. Nuonpaman, kinikilala na si Bonifacio bilang simbolo ng nasyonalsimo sapagkat ang pagkakatatag niya ng kilusang Kataas-taasang Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) ay naging kritikal na kaganapan sa pagkamit ng Pilipinas sa kanyang kasarinlan mula sa mga mapaniil na pananakop. Malaki rin ang kanyang naiambag upang ibahin ang naging daloy ng kasaysayan ng Pilipinas.

Tunay ngang walang masamang tunguhin ang nasabing batas ngunit kapansin-pansin ang bugso ng mga negatibong reaksyon patungkol sa asignatura kahit na sila ay nainiwala na si Andres Bonifacio ay huwaran ng nasyonalismo sa Pilipinas. Mariin ang kanilang pagtutol sa House Bill 4353, taliwas sa magagandang hangarin na nais matamo ng batas na ito.

Sa pagsusuring ito, ating bibigyang-pansin ang mga paliwanag ukol sa kung bakit may mga kabataang Pilipino na tumututol sa panukalang magkaroon ng asignatura hinggil kay Bonifacio datapwat sila ay nagsasabi na si Bonifacio ay tunay na sagisag ng nasyonalismong Pilipino. Sa matamang pag-aaral, ating madadalumat na malaki ang papel na ginagampanan ng kamalayan (consciousness) sa pagsusuri ng isyung ito sapagkat ang kamulatan ng mga kabataan sa mga pangyayari sa kanilang kapaligiran ay nakakaapekto o makakaapekto sa kanilang mga kilos at gawi sa lipunang kanilang kinabibilangan. Ang mga kabataang Pilipino na nag-aaral sa kolehiyo ang pangunahing pokus ng pagsusuring ito sapagkat ang asignaturang Bonifacio ay mapapasama sa kurikulum ng mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas kung sakaling maisakatuparan ang batas.  Bilang susunod na henerasyon, mahalagang malaman din ang saloobin ng mga kabataang Pilipino hinggil sa nasabing isyu. Ngunit sa ngayon, makabubuting mabigyan-kahulugan ang mga konsepto na gagamitin sa pagsusuring ito na siyang makatutulong sa malinaw na pag-unawa sa isyu.

Pagbibigay-kahulugan sa mga Konsepto

Isang mahalagang konsepto sa pag-aaral na ito ang House Bill 4353 (HB 4353). Katulad ng nabanggit kanina, ang House Bill 4353, na mas kilala sa tawag na “Andres Bonifacio Act of 2011”, ay isang batas na iniakda ni Rep. Raymond Palatino ng Kabataan Partylist na nagsusulong sa pagkakaroon ng isang kurso o asignatura tungkol kay Andres Bonifacio na naghahangad na maikintal sa isipan ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan ang tunay na kahulugan ng nasyonalismo at patriotismo. Ninanais din nitong hubugin ang pambansang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa mga kasalukuyang nagaganap sa bansa (Barawid, 2011; Villafania, 2011).

Nakapaloob sa nais ikintal ng asignaturang ito ang mga simulain ng nasyonalismo at patriotismo. Ang nasyonalismo at patriotismo ay mga konseptong may katuturan na halos magkatulad. Sa pag-aaral na ito, ating bibigyang-kahulugan ang nasyonalismo na naaayon sa pagkakalahad ng Stanford Encyclopedia of Philosophy (2001). Ang nasyonalismo ay isang ideolohiya na nakapagdudulot ng pamabansang pagkakakilanlan mula sa mga mamamayan ng isang bansa. Ang mga mamamayang ito sa isang partikular na bansa ay kakakitaan ng pagkilos upang maipakita ang kanilang pagmamahal sa kanilang bansa. Sa madaling salita, kalakip ng salitang nasyonalismo ang pagmamahal sa bayan na may kasamang pagkilos.

Sa kabilang banda, binigyang-kahulugan ni Nathanson (1993) ang patriotismo bilang pagmamahal sa sariling bayan kaalinsabay ng kusang-loob na pagsasakripisyo para sa ikauunlad ng bansa. Buhat sa nasabing depinisyon, ang patriotismo ay masasabing pagmamahal sa bayan na may kaakibat na sakripisyo.

Mahihinuha sa mga depinisyong nabanggit na ang pagmamahal sa bayan ang sentral na tema ng nasyonalismo at patriotismo. Ang pagamamahal sa bayan na tinutukoy dito ay hindi lamang nakakintal sa isipan kung hindi makikita maging sa mga kilos at gawa rin. Ito ang uri ng pagkamakabayan na kakakitaan ng pagkilos tungo sa kaunlaran ng bansa sa pangkalahatan, at hindi lamang nakabatay sa kagyat na pakiramdam ng pagmamahal sa bayan. Ang tunay na nasyonalismo at patriotismo, na gagamiting mga konsepto sa pagsusuring ito, ay hindi yaong pagsusuot lamang ng mga kasuotang may nakalimbag na bandila ng Pilipinas o anupamang sagisag ng bansa. Hindi lamang din ito nakabatay sa pagsasaya ng buong bansa dahil sa pagkapanalo ng isang boksingero sa katunggaling banyaga. Bialng isang pagbibigay-linaw, ang nasyonalismo at patriotismo na nais ikintal ng nasabing asignatura sa mga kabataang kolehiyo ay higit pang mas malalim sa uri ng nasyonalismo na nakakasanayan na ng karamihan sa mga Pilipino sa kasalukuyan. Ang mga konseptong ito ay mabibigyan pa ng mas malalim na kaunawaan sa mga susunod na bahagi ng pagsusuring ito.

Atin ding bibigyang kahulugan ang salitang kaisipan o ideolohiya alinsunod sa depinisyon ni Linz (2000). Sa pagsusuring ito, ang kaisipan o ideolohiya ay tutukoy sa paraan at sistema ng pag-iisip ng isang tao na siyang nakakaapekto ng malaki sa kanyang mga ikikilos o gagawin at maging sa kanyang mga pagpapasya sa mga bagay na hinihingi ang kanyang desisyon. Ang kaisipang ito ang siyang magiging gabay ng isang tao sa mga nararapat niyang gawin. Mabibigyang-pansin sa pagsusuri ang konseptong ito.

Mahahalagang konsepto ring maituturing ang mass media, sistema ng edukasyon, materyalismo at indibidwalismo. Sa pagpapakahulugan ni Sauza (2011), ang mass media, sa pangkalahatan, ay isang paraan ng komunikasyon kung saan ang mensaheng ipinapaabot nito ay nakararating, at maaaring makaimpluwensya, sa daan-daang tao na naaabot ng nasbing mensahe. Dumadaloy ang mensahe sa isang uri ng midyum kagaya ng telebisyon, radyo, pahayagan at Internet. Sa pamamagitan ng mga midyum na ito, mas napapadali at napapabilis ang pagpapakalat ng impormasyon buhat sa isang pinagmulan patungo sa mga maaabutan ng mensahe.

Sa kabilang banda, ang sistema ng edukasyon (educational system) ay kalipunan ng mga inetraksyon na may kinalaman sa pagbibigay ng mga kaalaman at kasanayan mula sa mga kaguruan patungo sa mga mag-aaral. Kalakip ng mga interaksyong ito ang paraan ng pagtuturo ng mga guro, ang kapaligiran kung saan nag-aaral ang mga estudyante, ang mga pangangailangan ng mga guro sa pagtuturo at ng mga estudyante sa pag-aaral, ang kalidad ng edukasyon na natatamasa ng mga mag-aaral, ang suporta na natatanggap ng mga paaralan buhat sa pamahalaan at iba pa (Berg, 2011).

Ayon naman kay Harris (n.d.), ang materyalismo ay isang pilosopiya na nagsasabi na ang halaga ng isang buhay ay nakasentro sa materyal na tagumpay at kaunlaran. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng mas maraming materyal na kagamitan ang siyang sukatan ng pagiging maunlad ng isang tao. Idinagdag din ni Harris na ito ang palasak na kaisipan sa mga mauunlad na lipunan sa ngayon.

Isang napakahalagang konspeto sa pagsusuring ito ang kamalayan o consciousness. Sa pagpapakahulugan ng Stanford Encyclopedia of Philosophy (2004), ang kamalayan ay isang estado ng pagkamulat at kaalaman ng isang tao o grupo ng mga tao sa mga isyu, suliranin at kaganapan na nakakaapekto sa pangkalahatang interes ng isang lipunan (panlipunang kamalayan) o bansa (pamabansang kamalayan).

Paglalahad ng mga Hinuha

 Sa aking isinagawang panayam at sarbey sa dalawampu’t limang (25) kabataang Pilipino na nag-aaral sa kolehiyo, mapagtatanto na lahat sa mga mag-aaral na aking nakapanayam ay nagsasabi na si Andres Bonifacio ay isang mahalagang haligi ng pambansang nasyonalismo at patritotismo sa Pilipinas. Siya ay kanilang itinuturing bilang isang huwaran na bayani na siyang nagtaguyod sa simulaing nasyonalismo sa Pilipinas noong kanyang kapanahunan magpa-hanggang ngayon. Datapwat kapansin-pansin na sampu (10) lamang sa kanila ang sumasang-ayon na magkaroon ng isang hiwalay na asignatura ukol sa buhay at pilosopiya ni Gat Andres Bonifacio.

Sa panayam naman ni Barawid (2011) sa labing-isang (11) mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas, kanyang napagtanto na  siyam (9) sa mga mag-aaral ay tumututol sa pagsasakatuparan ng HB 4353. Sinasabi ng karamihan sa kanila na ang pag-aaral sa buhay ni Bonifacio ay lubhang hindi na ganoong kahalaga at kailangan. Ngunit kanilang kinikilala si Bonifacio na isang bayani na may malaking kontribusyon sa pagpapalago ng diwang nasyonalismo sa mga Pilipino.

Ninanais ng HB 4353 na hubugin ang pambansang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa mga kasalukuyang nagaganap sa bansa. Mahihinuha sa pangungusap na ito na kritikal ang papel na ginagampanan ng kamalayan sa pagkakasalungat at pagkakaiba ng pananaw ng mga kabataang Pilipino hinggil sa kahalagahan ng isang asignaturang magtuturo sa buhay ni Bonifacio. Ito ay matatalakay ng masinsinan sa susunod na bahagi ng pagsusuring ito.

Ang Pag-usbong ng Kamalayan: Papel na Ginagampanan sa Mga Kabataang Pilipino

Katulad ng nabanggit kanina, ang kamalayan ay tumutukoy sa kondisyon ng pagkamulat ng isang tao sa kasalukuyang mga pangyayari sa kanyang kapaligiran. Ang kamalayan ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagpapaliwanag kung bakit tutol ang ilang kabataan na pag-aralan ang buhay ni Bonifacio gayong siya ay tagapagtaguyod ng nasyonalismo sa ating bansa.

 Ang pambansang kamalayan, ayon kay Andrada (2011), ay unti-unti nang napaparam sa puso at isispan ng mga kabataang Pilipino. Dagdag pa niya, kailangang hubugin ang pambansang kamalayan ng mga kabtaang Pilipino na siyang magpapamulat sa kanila sa tunay na mga kaganapan sa kanilang bansa. Kaalinsabay sa pagkawala ng pambansang kamalayan ng mga kabataang Pilipino ay ang paghina ng alab ng nasyonalismo kung kaya’t kanilang maituturing na hindi mahalaga ang pag-aralan pa ang buhay ni Bonifacio sa paaralan.

 Sa pagpapatuloy, idinagdag ni Andrada (2011) na hindi nararamdaman ng kasalukuyang henerasyon ng kabataang Pilipino ang pangangailangan upang maituro ang mga aralin hinggil sa nasyonalismo at patriotismo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang asignaturang Bonifacio. Iniugnay niya ang ganitong palasak na kaisipan sa kawalan ng pakialam ng mga kabataang Pilipino sa mga isyu na kinakaharap ng Pilipinas sa kasalukuyan at kakaharapin pa ng bansa sa hinaharap.

Image

May mga salik na nakakaapekto sa pagkahubog ng ganitong kamalayan sa mga kabataang Pilipino sa kasalukuyang kapanahunan. Sa pagsusuring ito, tatlong salik an gating mabibigyang-pansin. Ito ay ang mga sumusunod: (1) ang sistema ng edukasyon sa bansa; (2) ang mass media, at (3) ang kasalukuyang kultura na sumasalamin sa kailnangang materyalista at Kanluranin. Ito ay maipapakita rin sa dayagram na nasa gawing itaas (sa kaliwang bahagi) ng pahinang ito.

 

Ang Sistema ng Edukasyon

Sa kanyang sanaysay na “The Miseducation of the Filipino,” inilahad ni Renato Constantino (1970) na ang edukasyon na kailangang matamasa ng mga Pilipino ay yaong uri ng edukasyon na magpapamulat sa kanila sa mga kasalukuyang suliranin ng bansa at magpapaunawa sa kanila sa mga solusyon na magbibigay-lunas sa mga suliraning ito. Samakatuwid, ang edukasyon dito sa Pilipinas ay nararapat lamang na makahubog ng mga Pilipinong may kamalayan at kakahayan na maiahon ang Pilipinas buhat sa balaho ng mga problema na patuloy na nagpapalugmok sa lugami niyang kondisyon. Ang pagsakop ng mga Amerikano ay naging mabilis dahil kailanman, ang edukasyon na ating natamasa mula sa mga Amerikano ay hindi napasaatin upang mabawasan ang ating kamangmangan, kung hindi madagdagan ang kolonya ng Amerika. Ingles ang naging pangunahing wika ng pagtuturo at ang mga Amerikano mismo ang nagsilbing unang guro ng mga Pilipino (Constantino, 1970). Kapagdaka’y unti-unting naparam ang ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino.

Hanggang ngayon, ayon kay Constantino (1970), atin pa ring dala ang kolonyal na sistema ng edukasyon sa kasalukuyang panahon. Dahil dito, ang ating pag-aaral sa sarili nating kasaysayan ay lubhang naapektuhan. Ito rin ang ikinalulungkot ni Rep. Palatino (na binanggit kay Barawi, 2011). Ang mga mahahalagang kabanata ng ating kasaysayan ay nakakaligtaang talakayin ng may buong detalye, o kung hindi man ay binabanggit na lamang ng pahapyaw. Ang mga kaganapan sa ating kasaysayan kagaya ng pagkakatatag ng Katipunan at ang naganap na himagsikan noong 1986 ay ilan lamang sa mga kaganapan sa ating kasaysayan na kailangang pagtuunan ng malawakang pansin sapagkat nasasalamin nito ang tunay na diwang nasyonalismo at patriotismo ng mga Pilipino na, ayon kay Prop. Michael Andrada (2011), ay papawala na sa puso ng mga kabataang Pilipino. Ang pagkuha ng mga asignatura sa kasaysayan sa ilan sa mga unibersidad sa Pilipinas ay naging boluntaryo na lamang. Dahil dito, hindi naikintal ng mabuti sa mga kabataang Pilipino ang kamulatan sa mga nangyayari sa lipunang kanilang kinabibilangan.

Ang Mass Media

Hindi maitatanggi na sadyang makapangyarihan ang mass media sa kasalukuyang panahon sapagkat naaapektuhan nito ang bawat aspekto ng buhay ng mga tao sa pamamagitan ng pagkikintal ng mga menaheng ipinapaabot nito sa madla. Ang mga mensaheng ito ay nagdadala ng sari-saring kaisipan at ideolohiya na maaaring magpabago sa paraan ng pag-iisip at pagkilos ng isang tao. Ang telebisyon, radyo, mga pahayagan, at maging ang Internet ay nagsisibling epektibong instrumento sa pagpapalaganap ng naiiibang kaisipan.

Ang mass media ay nakakatulong din sa pagparam ng tunay na kahulugan ng nasyonalismo at patriotismo sa isipan ng kabataang Pilipino. Ang mga ipinararating nitong mensahe sa mga tao ay nakakaapekto ng malaki sa takbuhin ng kanilang pag-iisip. Halimbawa na lamag dito ay ang pagpo-protesta sa gitna ng lansangan upang isigaw ang hinaing ng mga mamamayan. Sa kanilang paniniwala, itinuturing itong ipinagbabawal sapagkat nakikita ng mga tao sa telebisyon at kanilang nababasa sa mga pahayagan ang pwersahang pagpapaalis sa mga demonstrador buhat sa pinagdausan ng protesta na kadalasan ay nauuwi sa pag-alingawngaw ng mga punglo at madugong tunggalian. Isa pang halimbawa ay ang pagbibigay ng ibang interpretasyon sa tunay na kahulugan ng nasyonalismo. Naipapakita ang kagyat na pagmamahal sa bayan sa pamamagitan lamang ng pagsusuot ng mg kasuotang may nakalimbag na larawan ng bandila o anupamang simbolo na kumakatawan sa Pilipinas. Ang totoong diwa ng nasyonalismo at patritotismo ay napapalitan ng hindi tunay na siya naming patuloy na lumalason sa kaisipan ng mg Pilipino.

Ang Kasalukuyang Kultura

Sa paglaganap ng Kanluranisasyon, umusbong din ang isang sistemang ekonomiko na naaayon sa dibuho ng isang Kanluraing merkado. Ang mga produkto na pawing nanggaling pa sa mga nakaririwasang bansa kagaya ng Estados Unidos, Canada, Tsina, Japan, Pransya at iba pang bansa sa Europa ay naglipana sa merkado ng mga mararalitang bansa kagaya ng Pilipinas. Dahil tinitingnan ang mga produktong galing sa ibang bansa bilang imported at sukatan ng karangyaan, maraming Pilipino ang nahuhumaling na bumili ng mga kagamitang nagbuhat pa sa Kanluran. Dahil dito, ang ilan sa mga kabataang Pilipino ay nahuhumaling din na makiayon sa takbo ng merkado na sadyang umaayon din sa dikta ng mga korporasyon at kumpanyang Kanluranin.

Dahil dito, naikintal sa ilang kabataang Pilipino ang kamalayang materyalista sa halip na kamalayang nasyonalista. Ang materialismo ang siyang naging  pangunahing kaisipan ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan. Kaalinsabay ng paglitaw ng modernisasyon ay ang pagkabuo ng isang paniniwala na ang pagkakaroon ng mga materyal na bagay, lalo na yaong mga mamahalin, ay mas mahalaga sa kung anupaman. Ang pansariling interes na lamang ang pinapangibabaw, at ang interes ng karamihan ay isinasantabi na lamang. Dahil sa kamalayang ito, napatatag ang diwang Kanluranin na siyang nagkikintal sa kanila na mas supeyor ang mga bagay na nagmula pa sa Kanlurang bahagi ng mundo kaysa sa sariling atin. Bilang resulta, ang pagkamakabayan ng mga kabataang Pilipino ay unti-unti nang nawawala sa kanilang kamalayan kaya’t may ilang mga kabataang Pilipino na hindi nakakaunawa sa mga naiambag ni Andres Bonifacio sa paglago ng nasyonalismo na siyang nagging dahilan ng pagkamit ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mga banyagang mananakop.

Ang mga nasabing salik ay may malaking bahagi na ginagampanan sa paghubog ng kamalayan ng mga kabataang Pilipino. Ang pagkakaroon ng isang kolonyal na sistema ng edukasyon na nagpaparam sa diwang nasyonalismo, kalakipan pa ng mass media na nag-uukit ng isang uri ng huwad na nasyonalimso at ang pag-usbong ng isang kalinangang materyalisra ay nakakaapekto sa kanilang kamalayan at maging sa pagkamulat ng mga kabataang Pilipino sa mga nagaganap sa lipunang kanilang kinabibilangan.

Paglalagom

 Sa paglalagom, ang teorya ni Antonio Gramsci (na binanggit kay Rosamond, 1997) ukol sa Ideological Hegemony ay karapat-dapat na maibahagi sapagkat ito ay makapagbibigay ng karagdagang kaliwanagan sa pagsuri at pag-unawa sa isyu. Ayon kay Gramsci, ang hegemony ay ideolohikal kapag ito ay (1) nakakaapekto sa pribadong aspekto ng buhay ng mga tao; (2) itinuturing na laganap at naghaharing ideolohiya sa lipunan; at (3) pumapabor sa mga naghaharing-uri. Ang hegemony ay nauukol sa paglaganap ng isang bagong-sibol na kaisipan na nakakaapekto ng malaki sa mga kasalukuyang paniniwala at tradisyon ng lipunan. Kung ating ilalalapat ang teorya ni Gramsci sa isyung sinusuri, ating mahihinuha na ang naghaharing iedolohiya ng mga kapitalista na siya namang nasasalamin sa kaisipang materyalismo. Ang pagtangkilik ng mga kabataang Pilipino sa mga produktong nagbuhat pa sa kabilang ibayo ay siyang nagpapatatag sa sistemang kapitalismo. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, ang ideolohiyang ito ay lubhang nakakaapekto sa takbuhin ng pag-iisip ng mga kabataan na siya naming tahasang sinabi sa teorya ni Gramsci. Isa na nga sa mga epekto nito ay ang ang unti-unting pagkawala ng panlipunang kamalayan ng mga kabataang Pilipino na siyang nagiging dahilan ng kanilang pagtutol sa pag-aaral ng buhay ni Bonifacio.

Ang sistema ng edukasyon at mass media ay mga salik na may malaking epekto sa pagbuo ng kamalayan ng mga kabataang Pilipino. Ang sistema ng edukasyon sa bansa ay maituturing na kolonyal sapagkat ito ay nagbuhat pa sa mga mananakop na banyaga. Ang layunin ng edukasyong ito ay apulahin ang alab ng nasyonalismo na sa atin ay nananalaytay nang sa gayon ay kanila tayong masakop at mapasunod alinsunod sa kanilang mga kagustuhan.  Binigyang puna naman ni Andrada (2011) ang mass media bilang responsable sa pagpapalawak ng isang uri ng nasyonalismong taliwas sa ipinakita ng ating mga bayani. Ang nasyonalismo na dapat nating isapuso ay naaayon sa nasynalismong ipinakita ng ating mga bayani kagaya ni Bonifacio. Ang nasyonalismong ito ay nararapat lamang na maging mass-based ngunit sa ngayon, ibang nasyonalismo ang nakatatak sa isipan ng mga kabataang Pilipino. Maging ang kulturang Kanluranin ay nagpapaiba rin sa pananaw ng mga kabataang Pilipino na sa halip na magtanim ng kamalayan, kaisipan ng banyaga ang siya pang naipupunla sa kanila.

Tunay ngang magkakaiba ang pananaw ng mga kabataang Pilipino kay Andres Bonifacio. Sadyang magkakaiba rin ang kanilang sukat sa kanyang kahalagahan bilang huwaran at haligi ng nasyonalismong Pilipino. Ngunit para sa karamihan ng kabataang Pilipino, si Andres Bonifacio ay nananatiling modelo ng nasyonalismo. Gayunpaman, ang pag-aaral ng kanyang buhay ay hindi nila sinasang-ayunan. Ang hindi pagsang-ayon ng mga kabataan sa HB 4353 ay maaaring nag-ugat sa paniniwalang isang pag-aaksaya lamang ng oras at panahon ang pagtuturo ng buhay ni Bonifacio sapagkat kanila na itong napag-aralan noong sila ay nasa elementarya at hayskul pa lamang. Maaari ring magmula ito sa mga nakaambang gastusin na kahaharapin ng mga mag-aaral sa sandaling maipasa ang batas, lalupa’t ito ay isang karagdagang asignatura na magdudulot din ng karagdagang bayarin sa matrikula ng mga mag-aaral.

Ngunit batay sa pagsusuring ito, ang PANLIPUNANG KAMALAYAN ng mga kabataang Pilipino ay ang mahihinuhang ugat ng isyung ito. Dahil sa iba’t ibang institusyon na patuloy na nag-uukit sa kaisipan ng mga kabataan, ang paghuhulma ng kanilang kamalayan ay lubhang naapektuhan rin. Hindi rin maitatanggi na unti-unting nawawala sa kanila ang diwang nasyonalismo at patriotismo na likas sa ating mga Pilipino nuonpaman. Dahil dito, ang kaugnayan ng buhay ni Bonifacio sa kasalukuyang kapanahunan ay nararapat lamang at kailangang ilagay sa pedestal ng kahalagahan.

Talasanggunian

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s